Pinasigla ang mga Nagtapos sa Gilead na Magsalita ng “Mariringal na mga Bagay”
ISANG mainam na pulutong ng 6,635 mula sa 52 lupain ang dumalo sa programa ng gradwasyon ng ika-115 klase ng Watchtower Bible School of Gilead noong Setyembre 13, 2003.
Napakinggan nila ang salig-Bibliyang mga pampatibay-loob sa 48 estudyante ng klase upang dalhin ng mga ito ang “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa mga tao sa 17 lupain. (Gawa 2:11) Doon isasakatuparan ngayon ng mga nagtapos ang kanilang gawaing misyonero.
Sa kaniyang pambungad na mga salita, pinaalalahanan ni Stephen Lett, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at naglingkod din bilang tsirman sa gradwasyon, ang mga estudyante: “Kapag nagtungo na kayo sa inyong mga atas, saanman kayo magpunta o anumang mga kalagayan ang maranasan ninyo, mas marami ang inyong kasama kaysa sa kalaban ninyo.” Ginagamit ang kabanata 6 ng Ikalawang Hari, pinaalalahanan ni Brother Lett ang mga estudyante na maaasahan nila ang suporta ng Diyos na Jehova at ang laksa-laksang mga anghel habang ipinahahayag nila ang “mariringal na mga bagay ng Diyos.” (2 Hari 6:15, 16) Napaharap sa pagsalansang at kawalang-interes ang mga Kristiyano noong unang siglo sa kanilang gawaing pangangaral at pagtuturo, at napapaharap sa gayunding mga kalagayan ang Kristiyanong mga misyonero sa ngayon. Gayunman, makaaasa sila ng suporta mula sa langit at sa makalupang organisasyon ni Jehova.—Awit 34:7; Mateo 24:45.
Salitain ang “Mariringal na mga Bagay ng Diyos”
Kasunod ng pambungad na mga komento ng tsirman, nagsalita si Harold Corkern ng Komite sa Sangay sa Estados Unidos hinggil sa paksang “Makatotohanang mga Pag-asam—Susi sa Maligaya at Matagumpay na Paglilingkod.” Itinawag-pansin ni Brother Corkern na maaaring umakay sa pagkabigo ang di-natupad na mga inaasahan, gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 13:12. Gayunman, karaniwan nang nangyayari ang pagkabigo dahil sa di-makatotohanang mga pag-asam na di-natutupad. Ang mga nagtapos ay kailangang magkaroon ng timbang at makatotohanang pangmalas sa kanilang sarili at sa iba. Dapat nilang asahan na makagagawa sila ng ilang pagkakamali, ngunit hindi ito dapat lubhang magpalungkot sa kanila habang sinisikap nilang tulungan ang iba na maunawaan ang “mariringal na mga bagay ng Diyos.” Pinasigla ni Brother Corkern ang bagong mga misyonero na manalig kay Jehova, ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Ang sumunod na may bahagi sa programa ay si Daniel Sydlik, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, na nagsalita hinggil sa temang “Ang Kristiyanong Pag-asa—Ano Ito?” Sinabi niya: “Ang pag-asa ay isang kagalingang Kristiyano. Ito ay isang pamantayan ng katuwiran na umaakay sa isa sa wastong pakikipag-ugnayan sa Diyos. Imposibleng umasa na kagaya natin ang isang di-Kristiyano.” Nagpatuloy si Brother Sydlik sa paglalarawan sa iba’t ibang aspekto ng Kristiyanong pag-asa na tumutulong sa isa na manatiling optimistiko sa kabila ng mga kahirapan sa buhay. “Kapag may pag-asa, mahaharap natin ang buhay taglay ang ibayong kasipagan at maligayang saloobin.” Ang pag-asa ng isang Kristiyano ay tumutulong sa kaniya na makita si Jehova bilang isang Diyos ng layunin at magsaya sa paglilingkod sa kaniya.—Roma 12:12.
Pinasigla ni Wallace Liverance, tagapagrehistro ng Paaralang Gilead, ang mga estudyante na “Patuloy na Lumakad Ayon sa Espiritu.” (Galacia 5:16) Ipinakita niya kung paanong si Baruc, ang kalihim ni Jeremias, ay halos mapahinto sa paglakad ayon sa espiritu. Minsan, nanghimagod si Baruc at nagsimulang humanap ng dakilang mga bagay para sa kaniyang sarili. (Jeremias 45:3, 5) Pagkatapos ay itinawag-pansin ni Brother Liverance na huminto ang ilan sa pagsunod kay Jesus at itinakwil ang espirituwal na katotohanan, na kinakailangan para sa kaligtasan. Ito ay dahil sa hindi nila naunawaan ang kaniyang itinuturo, at nadismaya sila dahil hindi natupad ang kanilang makalamang mga inaasam nang panahong iyon. (Juan 6:26, 27, 51, 66) Ano ang matututuhan ng mga misyonero, na ang gawain ay akayin ang pansin sa Maylalang at sa kaniyang layunin, mula sa mga ulat na ito? Pinatibay-loob ang mga estudyante na huwag mabahala sa pagtatamo ng posisyon, pagtanggap ng pagkilala mula sa mga tao, o paggamit sa teokratikong atas para sa personal na kapakinabangan.
Ibinangon ng instruktor sa Gilead na si Mark Noumair ang tanong na “Magiging Tagapagbigay Ka ba o Tagatanggap?” Ibinatay niya ang kaniyang mga komento sa Hukom 5:2, kung saan pinuri ang indibiduwal na mga Israelita dahil sa kanilang walang pag-iimbot at kusang paglilingkod sa hukbo ni Barak. Pinuri ang mga estudyante sa Gilead dahil sa kanilang saloobin sa pagtugon sa panawagan ng Lalong Dakilang Barak, si Jesu-Kristo, na higit na makibahagi sa espirituwal na pakikidigma. Dapat na maging interesado ang mga kawal ni Kristo sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kanila. Pinaalalahanan ni Brother Noumair ang mga estudyante: “Kapag nagsimula tayong magtuon ng pansin sa pagpapalugod sa ating sarili, humihinto tayo sa paglaban sa kaaway. . . . Ang paglilingkod bilang misyonero ay hindi tungkol sa iyo. Tungkol ito kay Jehova, sa kaniyang soberanya, at sa pagtupad sa kaniyang kalooban. Hindi tayo naglilingkod bilang mga misyonero dahil gusto nating paligayahin tayo ni Jehova, naglilingkod tayo sa kaniya dahil iniibig natin siya.”—2 Timoteo 2:4.
Pagkatapos nito ay nagsilbing tsirman sa isang talakayan ang instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen sa bahaging “Pabanalin Mo Sila sa Pamamagitan ng Katotohanan.” (Juan 17:17) Binanggit niya na ang mga estudyante ng ika-115 klase ay pinabanal na mga ministro ng Diyos. Samantalang nasa paaralan, nakibahagi rin sila sa ministeryo sa larangan, anupat naghahanap ng mga tapat-pusong umiibig sa katotohanan. Katulad ni Jesus at ng kaniyang sinaunang mga alagad, ang mga estudyante ay hindi nagsalita ‘udyok ng kanilang sarili.’ (Juan 12:49, 50) Masigasig nilang iniharap ang kinasihan at nagbibigay-buhay na salita ng katotohanan. Ipinakita ng mga pagsasadula at mga karanasan ng mga estudyante ang makapangyarihang epekto ng Bibliya sa kanilang mga nakausap.
Nakapagpapatibay-Loob ang Payo at Karanasan
Kinapanayam nina Anthony Pérez at Anthony Griffin, mga miyembro ng Service Department ng sangay sa Estados Unidos, ang mga miyembro ng Komite sa Sangay mula sa palibot ng daigdig. Tinalakay ng mga lalaking ito ang mga hamon na napapaharap sa bagong mga misyonero at nagbigay ng praktikal na payo salig sa personal na karanasan. Kabilang sa ilang hamon ang mga pagkakaiba sa kultura, tropikal na klima sa buong taon, o relihiyoso at pulitikal na kalagayan na ibang-iba sa nakasanayan ng mga estudyante. Ano ang makatutulong sa bagong mga misyonero na maharap ang kanilang bagong kapaligiran? Ang pag-ibig kay Jehova, pag-ibig sa mga tao, ang hindi pagtingin sa nakaraan, at hindi padalus-dalos na pagkilos. Sinabi ng isang miyembro ng komite sa sangay: “Ang mga tao sa lugar na pinag-atasan sa amin ay maraming siglo nang naroroon bago pa kami dumating. Tiyak na maaari kaming mamuhay roon at makibagay. Kailanma’t nakararanas kami ng mga kahirapan, minamalas namin ang mga ito bilang mga pagkakataon upang sumulong. Manalig kayo sa panalangin at sa espiritu ni Jehova, at mararanasan ninyo ang pagiging totoo ng mga salita ni Jesus, ‘Ako ay sumasainyo.’ ”—Mateo 28:20.
Inakay ni Samuel Herd, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang programa sa kasukdulan nito sa pamamagitan ng kaniyang pahayag na, “Patuloy na Magsalita Tungkol sa Mariringal na mga Bagay ng Diyos.” Ang pagbuhos ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay nagpalakas sa mga alagad ni Jesus upang magsalita tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos.” Ano ang makatutulong sa bagong mga misyonero sa ngayon upang magsalita nang may gayunding sigasig hinggil sa Kaharian ng Diyos? Ang banal na espiritu ring iyon. Pinasigla ni Brother Herd ang mga nagtapos na estudyante na ‘maging maningas sa espiritu,’ na manabik sa kanilang mga atas, anupat hindi kinalilimutan ang pagsasanay na ipinagkaloob sa kanila. (Roma 12:11) “Ang Bibliya ay isang maringal na bagay ng Diyos,” ang sabi ni Brother Herd. “Huwag maliitin kailanman ang halaga nito. Buháy ang mensahe nito. Tumatagos ito sa kaibuturan mismo ng mga bagay-bagay. Gamitin ito upang ituwid ang mga bagay-bagay sa inyong buhay. Hayaang baguhin nito ang inyong paraan ng pag-iisip. Bantayan ang inyong kakayahang mag-isip sa pamamagitan ng pag-aaral, pagbabasa, at pagbubulay-bulay sa Kasulatan . . . Gawin ninyong tunguhin at kapasiyahan na gamitin ang inyong pagsasanay sa Gilead upang patuloy na salitain ang ‘mariringal na mga bagay ng Diyos.’ ”
Pagkatapos basahin ang mga pagbati mula sa palibot ng daigdig at ibigay ang mga diploma, binasa ng isa sa mga nagtapos ang isang liham mula sa klase na nagpapahayag ng pasasalamat sa pagsasanay na tinanggap. Pagkatapos ay angkop na winakasan ni Brother Lett ang masayang okasyon sa pamamagitan ng pagbanggit sa 2 Cronica 32:7 at Deuteronomio 20:1, 4. Iniuugnay ang kaniyang pangwakas na mga komento sa kaniyang pambungad na mga salita, ganito siya nagtapos: “Kaya mahal na mga nagtapos na estudyante, tandaan na habang humahayo kayo, habang nagmamartsa kayo patungo sa espirituwal na digmaan sa inyong bagong mga atas, si Jehova ay magmamartsa na kasama ninyo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan na mas marami ang inyong kasama kaysa sa kalaban ninyo.”
[Kahon sa pahina 25]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 7
Bilang ng mga bansang magiging atas: 17
Bilang ng mga estudyante: 48
Katamtamang edad: 33.7
Katamtamang taon sa katotohanan: 17.8
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.5
[Larawan sa pahina 26]
Ang Ika-115 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang pagbilang sa mga hanay ay mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Brown, T.; Goller, C.; Hoffman, A.; Bruzzese, J.; Trahan, S. (2) Smart, N.; Cashman, F.; Garcia, K.; Lojan, M.; Seyfert, S.; Gray, K. (3) Beckett, M.; Nichols, S.; Smith, K.; Gugliara, A.; Rappenecker, A. (4) Gray, S.; Vacek, K.; Fleming, M.; Bethel, L.; Hermansson, T.; Hermansson, P. (5) Rappenecker, G.; Lojan, D.; Dickey, S.; Kim, C.; Trahan, A.; Washington, A.; Smart, S. (6) Goller, L.; Burghoffer, T.; Gugliara, D.; Nichols, R.; Washington, S.; Kim, J. (7) Beckett, M.; Dickey, J.; Smith, R.; Garcia, R.; Hoffman, A.; Seyfert, R.; Brown, H. (8) Fleming, S.; Bruzzese, P.; Burghoffer, W.; Bethel, T.; Cashman, J.; Vacek, K.