Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w05 7/15 p. 14-16
  • “Ang Tabak ni Jehova at ni Gideon!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Tabak ni Jehova at ni Gideon!”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maingat na Magsasaka o “Magiting at Makapangyarihan”?
  • “Hayaang Gumawa si Baal ng Legal na Pagtatanggol”
  • Naghanda sa Pagkilos
  • Estratehiya sa Pakikipagdigma
  • Mga Aral Para sa Atin
  • Gideon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tinalo ni Gideon ang mga Midianita
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Si Gideon at ang Kaniyang 300 Kawal
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Mga Elder—Matuto kay Gideon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
w05 7/15 p. 14-16

“Ang Tabak ni Jehova at ni Gideon!”

KASINDAMI sila ng mga balang, anupat itinitiwangwang nila ang mabubungang bukirin. Namamahala pa noon ang mga hukom sa Israel, at nawalan na ng pag-asa ang mga Israelita. Sa loob ng pitong taon, pag-usbong na pag-usbong pa lamang ng inihasik na binhi, ang lupain ay sinasalakay na ng tropa ng mandarambong na mga Midianita, Amalekita, at taga-Silangan na nakasakay sa mga kamelyo. Nangalat ang mga kawan ng mga mandarambong sa paghahanap ng pastulan, anupat sinaid ang lahat ng luntiang pananim. Ngunit ang bayan ng Israel ay wala man lamang asno ni toro ni tupa. Gayon na lamang ang takot na inihasik ng pamamahala ng Midian anupat wala nang mapagpipilian ang nagdaralitang mga Israelita kundi ang gumawa ng mga imbakan sa ilalim ng lupa na matatagpuan sa mga bundok, kuweba, at mga dakong mahirap marating.

Bakit kaya sila nasadlak sa gayong kalagayan? Naglingkod kasi ang apostatang Israel sa huwad na mga diyos. Kaya naman pinabayaan sila ni Jehova sa mga maniniil. Nang hindi na ito mabata ng mga anak ni Israel, humingi sila ng tulong kay Jehova. Makikinig kaya siya? Ano ang maituturo sa atin ng karanasan ng Israel?​—Hukom 6:1-6.

Maingat na Magsasaka o “Magiting at Makapangyarihan”?

Karaniwan nang gumagamit ng barakong baka at kareta ang mga magsasakang Israelita para gumiik ng trigo at ginagawa ito sa nakahantad at mahanging lugar upang matangay ng hangin ang ipa at maihiwalay ito sa butil kapag isinasagawa na ang pagtatahip. Ngunit kitang-kita naman ito ng nagbabantang mga mandarambong na determinadong samsaman ang lupain. Lingid sa mga Midianita, gumigiik ng trigo si Gideon sa isang pisaan ng ubas​—posible na isang malaki at nakakubling tangke na inukit sa bato. (Hukom 6:11) Malamang na maaaring bayuhin doon ang butil nang paunti-unti lamang sa pamamagitan ng kahoy. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, pinaubra ni Gideon ang maaari niyang gamitin.

Isip-isipin na lamang ang pagkagulat ni Gideon nang magpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova at magsabi: “Si Jehova ay sumasaiyo, ikaw na magiting at makapangyarihan.” (Hukom 6:12) Bilang isang lalaki na palihim na gumigiik ng butil sa pisaan ng ubas, hindi nga iisipin ni Gideon na siya ay magiting. Ngunit ipinakikita ng mga salitang iyon na nagtitiwala ang Diyos na maaaring maging magiting na lider si Gideon sa Israel. Gayunman, kailangan pang makumbinsi si Gideon.

Nang atasan siya ni Jehova na ‘iligtas ang Israel mula sa palad ng Midian,’ may-kahinhinang sinabi ni Gideon: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Paano ko ililigtas ang Israel? Narito! Ang aking sanlibo ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa sambahayan ng aking ama.” Humiling ng tanda ang maingat na si Gideon na magpapakitang tutulungan nga siya ng Diyos para pabagsakin ang Midian, at tinugon naman ni Jehova ang makatuwirang kahilingan ni Gideon na bigyan siya ng katiyakan. Kaya nagbigay si Gideon ng kaloob na pagkain sa kaniyang panauhing anghel, at pumailanlang ang apoy mula sa isang bato, anupat tinupok ang handog. Matapos pawiin ni Jehova ang takot ni Gideon, nagtayo ng altar si Gideon sa lugar na iyon.​—Hukom 6:12-24.

“Hayaang Gumawa si Baal ng Legal na Pagtatanggol”

Ang pinakamalaking problema ng Israel ay hindi ang paniniil ng mga Midianita. Ito ay ang pagkaalipin sa pagsamba kay Baal. Si Jehova ay “isang mapanibughuing Diyos,” at walang sinuman ang kaayaayang makapaglilingkod sa kaniya kung sumasamba siya sa ibang mga diyos. (Exodo 34:14) Kaya naman inutusan ni Jehova si Gideon na sirain ang altar para kay Baal na pag-aari ng kaniyang ama at ibagsak ang sagradong poste. Palibhasa’y natakot sa magiging reaksiyon ng kaniyang ama at ng iba pa kung gagawin niya ito sa araw, ginawa ito ni Gideon sa gabi, sa tulong ng sampung lingkod.

Makatuwiran naman ang pag-iingat ni Gideon, dahil nang matuklasan ang ginawa niyang “paglapastangan,” hiniling ng mga mananamba ni Baal sa lugar na iyon na patayin siya. Gayunman, sa pamamagitan ng di-matututulang lohika, nangatuwiran sa mga tao ang ama ni Gideon, si Joas, na kung Diyos nga si Baal, maipagtatanggol niya ang kaniyang sarili. Dahil dito, angkop na tinawag ni Joas ang kaniyang anak na Jerubaal, nangangahulugang “Hayaang Gumawa si Baal ng Legal na Pagtatanggol Laban sa Kaniya.”​—Hukom 6:25-32, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

Laging pinagpapala ng Diyos ang matapang na paninindigan ng kaniyang mga lingkod para sa tunay na pagsamba. Nang muling salakayin ng mga Midianita at ng kanilang mga kaalyado ang teritoryo ng mga Israelita, “ang espiritu ni Jehova ay bumalot kay Gideon.” (Hukom 6:34) Sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos, pinisan ni Gideon ang mga kawal mula sa tribo ni Manases, Aser, Zebulon, at Neptali.​—Hukom 6:35.

Naghanda sa Pagkilos

Bagaman 32,000 na ngayon ang hukbo ni Gideon, humiling pa rin siya ng tanda sa Diyos. Kung mabábasâ ng hamog ang balahibong lana na nasa giikan at mananatili namang tuyo ang lupa, ipahihiwatig nito na ililigtas ng Diyos ang Israel sa pamamagitan niya. Ginawa ni Jehova ang himalang ito, at si Gideon ay muling humiling at tumanggap ng katiyakan nang baligtarin ang tanda​—basang lupa at tuyong balahibong lana. Naging labis na maingat ba si Gideon? Lumilitaw na hindi, sapagkat ipinagkaloob naman ni Jehova ang kaniyang kahilingan na makatiyak. (Hukom 6:36-40) Hindi na natin inaasahan ang gayong mga himala sa ngayon. Gayunman, maaari nating tanggapin ang patnubay at pagtiyak ni Jehova mula sa kaniyang Salita.

Itinawag-pansin naman ngayon ng Diyos na napakalaki ng hukbo ni Gideon. Kung mananaig sila sa kanilang mga kaaway dahil sa kanilang malaking hukbo, baka ipagmalaki ng mga Israelita na iniligtas nila ang kanilang sarili. Ngunit si Jehova ang dapat purihin sa nalalapit na tagumpay. Ang solusyon? Kailangang ikapit ni Gideon ang paglalaan ng Kautusang Mosaiko sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga matatakutin na umuwi na lamang. Dahil dito, 22,000 sa kaniyang mga kawal ang umuwi, anupat 10,000 na lamang ang natira.​—Deuteronomio 20:8; Hukom 7:2, 3.

Sa pangmalas ng Diyos, napakarami pa rin ng mga kawal. Sinabihan si Gideon na papuntahin sila sa may tubig. Sinabi ng Judiong istoryador na si Josephus na inutusan ng Diyos si Gideon na papagmartsahin ang kaniyang mga kawal patungo sa isang ilog sa kainitan ng araw. Anuman ang talagang nangyari, pinagmasdan ni Gideon kung paano uminom ang mga kawal. Tatlong daan lamang ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng isang kamay at humimod mula roon habang nagmamasid sa posibleng pagsalakay ng kaaway. Tanging ang mapagbantay na 300 lamang ang sasama kay Gideon. (Hukom 7:4-8) Gunigunihin mo kung ikaw ang nasa kalagayan nila. Yamang 135,000 ang inyong mga kaaway, tiyak na iisipin ninyo na makakamit lamang ang tagumpay dahil sa kapangyarihan ni Jehova, hindi dahil sa inyong sarili!

Hinimok ng Diyos si Gideon na magsama ng isang tagapaglingkod at tiktikan ang kampo ng mga Midianita. Habang naroon sila, naulinigan ni Gideon ang isang lalaki na nagkukuwento ng napanaginipan niya sa isang kasamahan na walang-atubili namang nagpaliwanag na nangangahulugan daw iyon na desidido ang Diyos na ibigay ang Midian sa kamay ni Gideon. Iyon mismo ang kailangang marinig ni Gideon. Nakatitiyak na siya na ipagkakaloob ni Jehova sa kaniya at sa 300 kawal niya ang tagumpay laban sa mga Midianita.​—Hukom 7:9-15.

Estratehiya sa Pakikipagdigma

Hinati sa tatlong pangkat na tig-100 daan ang 300 kawal. Bawat kawal ay binigyan ng tambuli at isang malaking banga na walang laman. Isang sulo ang itinago sa loob ng bawat banga. Ang unang utos ni Gideon ay ito: ‘Masdan ninyo ako, at gayahin ninyo ang gagawin ko. Kapag hinipan ko ang tambuli, hipan din ninyo ang sa inyo at sumigaw kayo ng “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” ’​—Hukom 7:16-18, 20.

Palihim na lumapit ang 300 mandirigmang Israelita sa gilid ng kampo ng kaaway. Mga alas diyes ng gabi noon​—katatapos lamang magpalit ng guwardiya. Waring tamang pagkakataon ito para sumalakay, habang hindi pa sanay sa dilim ang mga mata ng bagong mga tanod.

Kasindak-sindak ang mararanasan ngayon ng mga Midianita! Biglang nabasag ang katahimikan nang hampasin ang 300 banga, hipan ang 300 tambuli, at magsigawan ang 300 kawal. Palibhasa’y nagulantang, lalo na nang isigaw nila “ang tabak ni Jehova at ni Gideon!,” napasigaw na rin ang mga Midianita na lalong nagpalakas ng ingay. Dahil sa kalituhang ito, imposible na para sa kanila na makilala pa kung sino ang kakampi at kung sino ang kalaban. Ang 300 kawal ay nanatiling nakatayo sa kani-kanilang iniatas na puwesto habang pinangyayari ng Diyos na gamitin ng mga kaaway ang kanilang sariling mga tabak upang magpatayan sa isa’t isa. Nilupig ang kampo, hinarangan ang mga lugar na matatakasan, at patuloy na tinugis ang mga kaaway hanggang sa maubos ang mga ito anupat naalis na ang banta ng mga Midianita. Ang matagal at brutal na pananakop ay tuluyan nang nagwakas.​—Hukom 7:19-25; 8:10-12, 28.

Kahit pagkatapos ng tagumpay na ito, naging mahinhin pa rin si Gideon. Nang magtangkang makipag-away sa kaniya ang mga Efraimita, na malamang na nainsulto sa hindi pag-aanyaya sa kanila para makipagbaka, mahinahon siyang tumugon. Napawi ang pagngangalit nila at naging mahinahon ang kanilang espiritu dahil sa mahinahong sagot ni Gideon.​—Hukom 8:1-3; Kawikaan 15:1.

Ngayong naitatag na ang kapayapaan, hinimok ng mga Israelita si Gideon na maging hari nila. Kaylaking tukso nito! Ngunit tinanggihan ito ni Gideon. Hindi pa rin nawawaglit sa kaniyang isipan kung sino talaga ang nagtagumpay laban sa Midian. “Hindi ako ang mamamahala sa inyo, ni mamamahala man sa inyo ang aking anak,” ang sabi niya. “Si Jehova ang siyang mamamahala sa inyo.”​—Hukom 8:23.

Gayunman, dahil hindi siya sakdal, hindi laging tama ang pagpapasiya ni Gideon. Sa di-binanggit na dahilan, gumawa siya ng epod na yari sa mga nasamsam sa digmaan at itinanghal niya ito sa kaniyang lunsod. Sinasabi ng ulat na ang buong Israel ay nagkaroon ng “imoral na pakikipagtalik” dahil sa epod. Sinamba nila ito, at naging silo ito maging kay Gideon at sa kaniyang sambahayan. Gayunman, hindi siya lubusang naging mananamba ng idolo, sapagkat kinikilala siya ng Kasulatan bilang isang lalaking may pananampalataya kay Jehova.​—Hukom 8:27; Hebreo 11:32-34.

Mga Aral Para sa Atin

Ang kasaysayan ni Gideon ay naglalaan ng mga aral bilang babala at bilang pampatibay-loob. Nagbababala ito na kung aalisin ni Jehova sa atin ang kaniyang espiritu at pagpapala dahil sa likong paggawi natin, ang ating espirituwal na kalagayan ay magiging katulad niyaong nagdaralitang mga naninirahan sa isang lupain na sinalanta ng mga balang. Nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib at hindi natin dapat kalimutan na ang pagpapala ni Jehova “ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kawikaan 10:22) Tinatamasa natin ang pagpapala ng Diyos dahil ‘naglilingkod tayo sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa.’ Kung hindi, itatakwil niya tayo.​—1 Cronica 28:9.

Makakakuha tayo ng pampatibay-loob mula sa ulat tungkol kay Gideon, sapagkat pinatutunayan nito na maililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa anumang panganib, kahit waring mahina o walang kalaban-laban ang gamitin niya. Ang paglupig ni Gideon at ng kaniyang 300 kawal sa 135,000 Midianita ay nagpapatunay na walang limitasyon ang kapangyarihan ng Diyos. Maaari tayong masadlak sa gipit na kalagayan at waring mawalan na ng pag-asa dahil mas marami ang ating mga kaaway. Gayunman, ang ulat ng Bibliya hinggil kay Gideon ay nagpapasigla sa atin na magtiwala kay Jehova, ang isa na magpapala at magliligtas sa lahat ng nananampalataya sa Kaniya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share