Nagbubunga ang Mabuting Paggawi
SA ISANG maliit na isla, malapit sa baybayin ng timog Hapon, isang ina at ang kaniyang tatlong bata pang mga anak ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, ang mga kapitbahay sa nakabukod na lugar na iyon na mahigpit na nanghahawakan sa mga tradisyon ay hindi na bumati sa ina kapag nakakasalubong siya. “Mas masakit pa sa hindi nila pagbati sa akin ang malamig na pakikitungo nila sa aking asawa at mga anak,” ang paglalahad niya. Gayunpaman, sinabi niya sa kaniyang mga anak: “Dapat pa rin nating batiin ang ating mga kapitbahay alang-alang kay Jehova.”—Mateo 5:47, 48.
Sa tahanan, tinuruan niyang maging magalang ang kaniyang mga anak bagaman inaayawan sila. Sa tuwing pupunta sila sa mainit na bukal na malapit sa kanilang lugar, sinasanay ng mga bata ang kanilang pagbati sa loob ng kotse. Pagpasok nila sa gusali, laging masayang sinasabi ng mga bata, “Konnichiwa!”—“Magandang araw!” Matiyagang ipinagpatuloy ng pamilya ang pagbati sa lahat ng kanilang nakakasalubong, bagaman nananatiling malamig ang pagtugon ng mga kapitbahay. Pero, hindi maiwasang mapansin ng mga tao ang mabubuting asal ng mga bata.
Sa wakas, isang kapitbahay ang tumugon ng “Konnichiwa” at sinundan na ito ng iba pa. Sa katapusan ng dalawang taon, halos ang lahat sa bayan ay tumutugon na sa pagbati ng pamilya. Nagbabatian na rin sila at naging mas palakaibigan. Nais ng bise alkalde na parangalan ang mga bata dahil sa kanilang naging bahagi sa pagbabagong ito. Ngunit tiniyak sa kaniya ng kanilang ina na ginagawa lamang nila ang dapat gawin ng mga Kristiyano. Nang maglaon, sa isang paligsahan sa pagtatalumpati na ginanap sa buong isla, inilahad ng isang anak na lalaki kung paano sinanay ng kaniyang ina ang pamilya na magalang na bumati sa iba anuman ang reaksiyon nila. Nagwagi ng unang gantimpala ang kaniyang talumpati at inilimbag iyon sa pahayagan ng bayan. Sa ngayon, napakaligaya ng pamilya dahil nagbunga ng mabuti ang pagsunod nila sa mga simulaing Kristiyano. Mas madaling ibahagi sa iba ang mabuting balita kapag palakaibigan ang mga tao.