Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 10/15 p. 5-7
  • Pagkuha ng Kaalaman Tungkol sa Diyos—Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkuha ng Kaalaman Tungkol sa Diyos—Paano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahanap sa Katotohanan
  • Pagkilala sa Ginagamit ng Diyos na Instrumento sa Pagtuturo
  • “Si Jehova ay Nagbibigay ng Karunungan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Si Jehova ang Diyos na May Layunin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Si Jehova—Isang Diyos na Nagsisiwalat ng mga Lihim
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kailangan ng Sangkatauhan ang Kaalaman ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 10/15 p. 5-7

Pagkuha ng Kaalaman Tungkol sa Diyos​—Paano?

Maaaring duda ang ilan na talagang interesado ang diyos na ipakilala ang kaniyang sarili sa mga tao. Pero kung talagang interesado siyang gawin ito, paano niya ito ginagawa?

TAMA ang palagay ng Protestanteng repormador noong ika-16 na siglo na si John Calvin na hindi kaya ng mga tao sa ganang sarili nila na makilala ang Diyos malibang ipakilala niya ang kaniyang sarili sa sangkatauhan. Subalit ang ilan ay nag-iisip kung talaga nga bang interesado ang Diyos na ipakilala ang kaniyang sarili sa mga tao. At kung gayon nga, paano niya ito ginagawa?

Si Jehova, ang “Dakilang Maylalang,” ay may dahilan sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Gayundin, bilang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” kayang-kaya niyang isakatuparan ang kaniyang mga layunin. (Eclesiastes 12:1; Exodo 6:3) Makatitiyak tayo na noon pa ma’y nais na niyang isiwalat sa mga tao ang kaniyang mga layunin, yamang kinasihan niya ang kaniyang propetang si Amos na isulat: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” Subalit pansinin na sinasabing isiniwalat ng Diyos ang kaniyang mga layunin sa mga lingkod lamang niya, sa mga taimtim na umiibig sa kaniya. Hindi ba’t makatuwiran lamang iyan? Kanino mo ba isinisiwalat ang iyong mga lihim? Sa kahit kanino na lamang ba o sa pinakamatalik mong mga kaibigan?​—Amos 3:7; Isaias 40:13, 25, 26.

Dahil sa karunungan at kaalaman ng Diyos, nakadarama ng pagkasindak ang mga mapagpakumbaba, at wasto naman ito. Pero hindi lamang pagkasindak ang kinakailangan upang personal tayong makinabang sa karunungan at kaalamang isinisiwalat ng Diyos. Idiniriin ng Bibliya na upang malaman ang mga kaisipan ng Diyos, kailangan natin ang isang mapagpakumbabang puso: ‘Pakaingatan mo sa iyo ang aking mga utos. Magbigay-pansin sa karunungan sa pamamagitan ng iyong tainga. Ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan. Tumawag ka ukol sa pagkaunawa at ilakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan. Patuloy mo itong hanapin na gaya ng pilak.’​—Kawikaan 2:1-4.

Tiyak na makikilala ng isang mapagpakumbabang tao ang Diyos kung ganiyan ang gagawin niya. Nagpapatuloy ang tekstong iyan sa aklat ng Mga Kawikaan: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” Oo, maaaring ‘maunawaan ng mga taimtim na naghahanap ng katotohanan ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.’​—Kawikaan 2:6-9.

Paghahanap sa Katotohanan

Ganito ang sinabi ng The Encyclopedia of Religion: “Makikita sa buhay ng tao ang pangangailangang malaman kung ano ang totoo at di-totoo, ang malakas at mahina, ang tunay at mapanlinlang, ang dalisay at marumi, ang malinaw at malabo, gayundin kung hanggang saan ang limitasyon ng mga bagay-bagay.” Upang masapatan ang pangangailangang ito, matagal nang sinisikap ng mga tao na hanapin ang katotohanan. Miyentras sinisikap nilang hanapin si Jehova, na tinatawag ng salmista na “Diyos ng katotohanan,” lalo nilang nalalaman ang katotohanan.​—Awit 31:5.

Ang pangalang Jehova ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.”a Kaya ang mismong kahulugan ng pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa kaniyang pagiging Maylalang at sa kaniyang layunin. Sa katunayan, ang pagkaalam at paggamit sa pangalang Jehova ay pagkakakilanlan ng tunay na relihiyon. Malinaw na kinilala ni Jesus ang katotohanang iyan. Sa pagtukoy niya sa kaniyang mga tagasunod, sinabi niya sa Diyos sa panalangin: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.”​—Juan 17:26.

Palibhasa’y nananalig sa pakikipagkaibigan niya sa Diyos, ganito ang may-pagtitiwalang sinabi ng isang sinaunang Hebreo na nagngangalang Jose nang utusan siyang isiwalat ang kahulugan ng mga panaginip: “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?”​—Genesis 40:8; 41:15, 16.

Pagkalipas ng ilang siglo, hindi maipaliwanag ng marurunong na tao ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang kaniyang panaginip. Sinabi ni propeta Daniel sa hari: “May umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinaaalam niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.”​—Daniel 2:28.

Ipinakikita ng mga halimbawa nina Jose at Daniel na ang karunungan at kaalaman tungkol sa Diyos ay nakakamit lamang ng mga naglilingkod sa Diyos na Jehova. Siyempre pa, para matamo ang lingap ng Diyos, baka kailangang talikuran ng isa ang dati niyang mga paniniwala. Kinailangang gawin iyan ng mga Judio na naging mga Kristiyano noong unang siglo. Yamang pinalaki upang igalang at sundin ang mga kautusang itinakda ng Judiong sistema ng mga bagay, kinailangan nila ng panahon upang tanggapin si Jesus bilang Mesiyas. Pumarito siya sa lupa upang tuparin ang Kautusang Mosaiko na nagsilbing “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Hebreo 10:1; Mateo 5:17; Lucas 24:44, 45) Pinalitan ito ng “kautusan ng Kristo,” na di-hamak na nakahihigit sa Kautusang Mosaiko.​—Galacia 6:2; Roma 13:10; Santiago 2:8.

Lahat tayo’y isinilang sa isang daigdig na hiwalay sa Diyos. Dahil sa kasalanang minana sa unang mag-asawa, isinilang tayo na may pakikipag-alit sa Diyos, anupat walang tumpak na kaalaman hinggil sa kaniyang mga layunin. Namana rin natin ang isang mapandayang puso. (Jeremias 17:9; Efeso 2:12; 4:18; Colosas 1:21) Upang makamit ang pakikipagkaibigan sa Diyos, dapat nating tularan ang paraan ng pag-iisip ng Diyos. Pero hindi ito madaling gawin.

Baka mahirap talikuran ang maling relihiyosong mga ideya o kaugalian, lalo na kung itinuro sa atin ang mga ito mula pa nang ating pagkabata. Subalit katalinuhan bang ipagpatuloy ng isa ang maling landasin? Tiyak na hindi! Tunay na mas matalinong baguhin ng isa ang kaniyang paraan ng pag-iisip at sa gayon ay makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.

Pagkilala sa Ginagamit ng Diyos na Instrumento sa Pagtuturo

Saan tayo makasusumpong ng tulong sa pag-unawa sa Salita ng katotohanan at sa gayo’y makapamuhay alinsunod dito? Sa sinaunang Israel, nag-atas ang Diyos ng mapagkakatiwalaan at tapat na mga indibiduwal upang manguna sa bayan. Sa katulad na paraan, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon, si Kristo, ang gumagabay sa mga taong taimtim na naghahanap ng katotohanan. Ginagawa niya iyan sa pamamagitan ng kaniyang mapagkakatiwalaan at tapat na mga tagasunod, na siyang bumubuo sa instrumentong ginagamit sa pag-akay at pagsasanggalang sa mga marubdob na humahanap ng katotohanan. (Mateo 24:45-47; Colosas 1:18) Pero paano makikilala ng isa ang instrumentong ginagamit ng Diyos sa pagtuturo?

Sinisikap ng tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo na tularan ang mga katangiang ipinakita ni Jesus noong siya ay tao pa. Sa daigdig na ito na pasama nang pasama, madaling makilala ang gayong mga tagasunod dahil makikita sa kanilang paggawi ang pambihirang espirituwal na mga katangian. (Tingnan ang kahon sa pahina 6.) Nakikita ba ang mga katangiang ito sa relihiyong kinauugnayan mo o sa mga relihiyon ng iyong mga kapitbahay? Magiging sulit na suriin mo ang bagay na ito sa tulong ng Bibliya.

Inaanyayahan ka namin, ang aming mambabasa, na gawin ito sa pamamagitan ng isang kurso sa pag-aaral ng Bibliya. Nitong nakaraang taon, sa katamtaman, sinasamantala ng mahigit 6,000,000 indibiduwal o pamilya sa 235 lupain ang pagkakataong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang pagkuha ng karunungan at kaalaman tungkol sa Diyos ay isang patuluyan, nakalulugod, at nakasisiyang gawain. Bakit hindi simulan ang pagkuha ng karunungan at kaalaman tungkol sa Diyos? Hinding-hindi mo ito pagsisisihan. Oo, talagang maaari nating makilala ang Diyos!

[Talababa]

a Tingnan ang Apendise 1 ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.

[Kahon sa pahina 6]

ANG MGA GUMAGAWI KASUWATO NG PAMANTAYAN NG DIYOS AY . . .

nananatiling neutral sa pulitikal na mga alitan.​—Isaias 2:4.

nagluluwal ng mabubuting bunga sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Diyos.​—Mateo 7:13-23.

nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa.​—Juan 13:35; 1 Juan 4:20.

nagkakaisa sa salita.​—Mikas 2:12.

hindi tumutulad sa maling mga saloobin at paggawi ng sanlibutan sa paligid nila.​—Juan 17:16.

nagpapatotoo hinggil sa katotohanan at gumagawa ng mga alagad.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

nasisiyahang magtipon nang regular para magpatibayan sa isa’t isa.​—Hebreo 10:25.

pumupuri sa Diyos bilang internasyonal na grupo.​—Apocalipsis 7:9, 10.

[Mga larawan sa pahina 7]

Nakakamit ang kaalaman hinggil sa Diyos bilang indibiduwal, pamilya, at kongregasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share