Maging Malapít sa Diyos
“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”
MARAMING bagay sa buhay—pagdurusa, kabiguan, pangungulila—ang maaaring magdulot ng kalungkutan at ng kawalang-pag-asa pa nga. Kapag ganiyan ang nararanasan mo, baka maitanong mo, ‘Sino kaya ang makatutulong sa akin?’ Binabanggit ng pananalita ni apostol Pablo sa 2 Corinto 1:3, 4 ang tiyak na pinagmumulan ng kaaliwan—ang Diyos na Jehova.
Sa talata 3, ang Diyos ay tinatawag na “Ama ng magiliw na kaawaan.” Ano ang ibig sabihin nito? Ang salitang Griego na isinaling “magiliw na kaawaan” ay maaaring maghatid ng ideya ng pagkadama ng habag sa pagdurusa ng iba.a Sinasabi ng isang reperensiyang akda sa Bibliya na ang terminong ito ay maaaring isaling “pagkadama ng habag” o “labis na pagmamalasakit.” Ang Diyos ay pinakikilos ng kaniyang “magiliw na kaawaan.” Ang kabatiran natin sa aspektong ito ng personalidad ng Diyos ay nag-uudyok sa atin na lumapit sa kaniya, hindi ba?
Tinukoy rin ni Pablo si Jehova bilang “ang Diyos ng buong kaaliwan.” Ginamit dito ni Pablo ang isang salita na sinasabing kabilang “ang ideya ng pag-aliw sa isa na may problema o nalulumbay at ang ideya ng paggawa ng isang bagay upang tumulong o magpatibay-loob sa kaniya.” Ganito ang paliwanag ng The Interpreter’s Bible: “Inaaliw natin ang nagdurusa kapag pinatitibay-loob natin siya na batahin ang kaniyang kirot.”
Baka maitanong mo, ‘Paano tayo inaaliw at pinalalakas-loob ng Diyos para mabata natin ang kirot?’ Ginagawa niya ito pangunahin na sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at sa pamamagitan ng kaloob na panalangin. Sinasabi sa atin ni Pablo na maibiging ibinibigay sa atin ng Diyos ang Kaniyang Salita upang “sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng marubdob na mga panalangin, mararanasan natin “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Roma 15:4; Filipos 4:7.
Sa anu-anong bagay inaaliw ni Jehova ang kaniyang bayan? Sinabi ni Pablo na ‘inaaliw tayo ng Diyos sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:4) Anumang panggigipit, pagkabagabag, o pagdurusa ang maaaring maranasan natin, mabibigyan tayo ng Diyos ng kinakailangang tibay ng loob at lakas upang mabata ito. Hindi ba iyan nakapagpapatibay?
Kapag inaaliw tayo ng Diyos, hindi lamang tayo ang natutulungan. Sinabi pa ni Pablo na inaaliw tayo ng Diyos upang ‘maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa atin ng Diyos.’ Yamang tumanggap tayo ng kaaliwan sa ating kapighatian, natutulungan tayo nito na magkaroon ng empatiya at nauudyukan ding tumulong sa iba na nangangailangan.
Bilang “ang Diyos ng buong kaaliwan,” hindi naman laging inaalis ni Jehova ang ating mga problema o kirot. Pero isang bagay ang tiyak: Kung hihingi tayo sa kaniya ng kaaliwan, mapalalakas niya tayo na mabata at mapagtagumpayan ang anumang lumbay o problema sa buhay. Talagang karapat-dapat sa ating pagsamba at papuri ang gayong mahabaging Diyos.
[Talababa]
a Ang Diyos ay tinatawag na “Ama [o, pinagmumulan] ng magiliw na kaawaan” sapagkat siya ang pinagmumulan ng habag at bahagi ito ng kaniyang personalidad.