Abraham—Isang Taong May Pananampalataya
Si Abraham ay nakatayo sa labas sa katahimikan ng gabi. Habang nakatingin sa mabituing langit, naiisip niya ang pangako ng Diyos na magiging kasindami ng mga bituin ang kaniyang supling. (Genesis 15:5) Para kay Abraham, ang mga bituin ay nakikitang paalaala ng pangako ni Jehova. Ang mga ito ay nagsisilbi ring garantiya. Tutal, kung may kapangyarihan si Jehova na lalangin ang napakalawak na uniberso pati na ang lahat ng naririto, tiyak na kaya rin niyang bigyan ng anak sina Abraham at Sara! Ganiyan ang pananampalataya ni Abraham.
ANO ANG PANANAMPALATAYA? Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ang “pananampalataya” ay tumutukoy sa matatag na paniniwala sa isang bagay na hindi nakikita. Ang ganiyang paniniwala ay nakasalig sa matibay na ebidensiya. Ang isang taong may pananampalataya sa Diyos ay nakapokus sa katuparan ng mga pangako ni Jehova, anupat nagtitiwalang matutupad ang mga iyon.
PAANO NAGPAKITA NG PANANAMPALATAYA SI ABRAHAM? Ipinakita ni Abraham na naniniwala siya sa mga pangako ng Diyos. Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Abraham ang kaniyang lupang tinubuan at nagtiwalang tutuparin ni Jehova ang Kaniyang pangako na ipakikita sa kaniya ang isang bagong lupain. Dahil sa pananampalataya, nagpagala-gala si Abraham sa Canaan, anupat nakatitiyak na magiging pag-aari iyon ng kaniyang supling. At dahil din sa pananampalataya, sumunod siya sa utos ng Diyos na ihandog si Isaac at nagtiwalang bubuhaying muli ni Jehova si Isaac kung kailangan.—Hebreo 11:8, 9, 17-19.
Mas nagpokus si Abraham sa hinaharap kaysa sa nakaraan. Bagaman mas maalwan ang buhay nina Abraham at Sara sa Ur kaysa sa Canaan, hindi nila ‘patuloy na inalaala ang dakong kanilang pinanggalingan.’ (Hebreo 11:15) Sa halip, nagpokus sila sa magiging mga pagpapala sa kanila ng Diyos at sa kanilang mga inapo.—Hebreo 11:16.
May matibay bang saligan para manampalataya si Abraham? Oo! Tinupad ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako. Nang maglaon, dumami ang supling ni Abraham at naging isang bansa—ang Israel. Dumating ang panahon na nanirahan ang mga Israelita sa Canaan, ang mismong lupain na ipinangako ni Jehova kay Abraham.—Josue 11:23.
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN? Makapagtitiwala rin tayo na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Kahit na parang imposible para sa atin ang ilan sa mga iyon, nagtitiwala tayo na “sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”—Mateo 19:26.
Itinuturo din sa atin ng halimbawa ni Abraham na dapat tayong magpokus sa mga bagay na tatamasahin natin sa hinaharap at hindi sa mga bagay ng nakaraan. Iyan ang natutuhang gawin ni Jason. Siya ay may sakit na nagparalisa sa kaniyang buong katawan. “Inaamin kong may mga sandaling naiisip ko pa rin ang nakaraan,” ang sabi ni Jason. Idinagdag pa niya: “Lalo na ang simpleng mga bagay gaya ng pagyakap sa aking asawang si Amanda.”
Gayunman, lubos na nananampalataya si Jason na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako, kasama na ang pangakong magiging paraiso ang lupa at ang tapat na mga tao ay bibigyan ng walang-hanggang buhay at perpektong kalusugan.a (Awit 37:10, 11, 29; Isaias 35:5, 6; Apocalipsis 21:3, 4) “Sinasabi ko sa aking sarili na ang pinakamasasarap na bagay sa buhay ay sa hinaharap pa mararanasan,” ang sabi ni Jason. Ipinaliwanag niya: “Malapit nang mawala ang lahat ng ito—ang stress, kabalisahan, kalungkutan, panunumbat ng budhi—magpakailanman.” Isa ngang napakagandang halimbawa ng pananampalataya na tulad ng kay Abraham!
[Talababa]
a Para matuto pa nang higit tungkol sa paraisong lupa, tingnan ang kabanata 3, 7, at 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.