Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Layunin: Sanayin ang mga mamamahayag na maging mabisang mángangarál at guro ng mabuting balita.
Gaano Katagal: Patuluyan.
Lokasyon: Lokal na Kingdom Hall.
Kuwalipikasyon: Lahat ng regular na nakikisama sa kongregasyon, sumasang-ayon sa mga turo ng Bibliya, at namumuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano.
Pagpapatala: Maaaring magpatala sa tagapangasiwa ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
Ganito ang sabi ni Sharon, na paralisado dahil sa amyotrophic lateral sclerosis (ALS): “Dahil sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, natuto akong magsaliksik at magharap ng impormasyon sa lohikal na paraan. Natuto rin akong magpokus sa espirituwal na pangangailangan ng iba—hindi lang ang sa akin.”
Ganito naman ang sinabi ni Arnie, na isang matagal nang naglalakbay na tagapangasiwa: “Lumaki akong utal, at hiráp akong tumingin sa mga kausap ko. Dahil sa paaralang ito, nagkaroon ako ng kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili. Sa tulong ng pagsasanay ni Jehova, natuto ako ng mga teknik kung paano kokontrolin ang aking paghinga at kung paano makapagtutuon ng pansin. Laking pasasalamat ko sa kakayahang purihin ang Diyos sa kongregasyon at sa aking ministeryo.”
Bethel Entrants’ School
Layunin: Tulungan ang mga bagong Bethelite na maging matagumpay sa kanilang paglilingkod sa Bethel.
Gaano Katagal: 45 minuto bawat linggo sa loob ng 16 na linggo.
Lokasyon: Bethel.
Kuwalipikasyon: Dapat na permanenteng miyembro ng pamilyang Bethel o isang temporary volunteer na naaprobahang maglingkod sa Bethel nang isang taon o higit pa.
Pagpapatala: Ang mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel ay awtomatikong nakatala.
Si Demetrius, na nakadalo sa paaralang ito noong dekada ’80, ay nagsabi: “Natulungan ako ng kursong ito na pasulungin ang aking kaugalian sa pag-aaral at inihanda ako para makapaglingkod nang matagal sa Bethel. Dahil sa mga instruktor, kurikulum, at praktikal na payo, nakumbinsi ako na mahal ako ni Jehova at gusto niya akong tulungan na magtagumpay sa paglilingkod sa Bethel.”
Sinabi naman ni Kaitlyn: “Natulungan akong magpokus sa pinakamahalagang bagay—ang pagiging taong espirituwal. Dahil sa Entrants’ School, lumalim ang kaunawaan ko at pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang bahay, at sa kaniyang organisasyon.”
Kingdom Ministry School
Layunin: Sanayin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, mga elder, at kung minsan, mga ministeryal na lingkod, na asikasuhin ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon at sa organisasyon. (Gawa 20:28) Tinatalakay ang kasalukuyang mga kalagayan, kalakaran, at apurahang pangangailangan ng mga kongregasyon. Ang paaralang ito ay idinaraos kada ilang taon ayon sa pasiya ng Lupong Tagapamahala.
Gaano Katagal: Nitong nakalipas na mga taon, ang paaralang ito ay idinaraos sa loob ng dalawa hanggang dalawa’t kalahating araw para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa, isa’t kalahating araw para sa mga elder, at isang araw para sa mga ministeryal na lingkod.
Lokasyon: Karaniwan nang sa isang Kingdom Hall o Assembly Hall.
Kuwalipikasyon: Dapat na isang naglalakbay na tagapangasiwa, elder, o ministeryal na lingkod.
Pagpapatala: Ang mga elder at ministeryal na lingkod ay tumatanggap ng paanyaya mula sa tagapangasiwa ng sirkito. Ang tanggapang pansangay ang nag-aanyaya sa naglalakbay na tagapangasiwa.
“Bagaman maikli lang ang paaralang ito, maraming tinatalakay na impormasyon na nakapagpapasigla at nakatutulong sa mga elder na mapanatili ang kanilang kagalakan at magpakatibay-loob habang naglilingkod kay Jehova. Natututuhan ng baguhan at matagal nang mga elder na maging mabisa sa pagpapastol at lubos na magkaisa sa ‘iisang takbo ng kaisipan.’”—Quinn (sa ibaba).
“Ang balanseng pagsasanay na ito ay nagpatibay ng pagpapahalaga namin sa espirituwal na mga bagay, nagbabala tungkol sa mga panganib, at nagbigay ng praktikal na mga mungkahi para mapangalagaan ang kawan. Napakabait ni Jehova!”—Michael.
Pioneer Service School
Layunin: Tulungan ang mga payunir na ‘lubusang ganapin ang kanilang ministeryo.’—2 Tim. 4:5.
Gaano Katagal: Dalawang linggo.
Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa isang Kingdom Hall.
Kuwalipikasyon: Dapat na isang regular pioneer sa loob ng isang taon o higit pa.
Pagpapatala: Ang mga kuwalipikadong payunir ay awtomatikong nakatala at ipinagbibigay-alam ito sa kanila ng tagapangasiwa ng sirkito.
“Nakatulong ang paaralang ito para maharap ko ang mga hamon sa aking buhay at sa ministeryo,” ang sabi ni Lily (sa kanan). “Malaki ang isinulong ng paraan ko ng pag-aaral, pagtuturo at paggamit ng Bibliya. Mas handa akong tumulong sa iba, sumuporta sa mga elder, at makaambag sa ikasusulong ng kongregasyon.”
Ganito naman ang sinabi ni Brenda, na dalawang beses nang nakadalo sa paaralang ito: “Tinulungan ako nito na maging siyento porsiyentong nakatutok sa espirituwal na mga bagay, masanay sa tama ang aking budhi, at magpokus sa pagtulong sa iba. Talagang bukas-palad si Jehova!”
School for Congregation Elders
Layunin: Tulungan ang mga elder na maasikaso ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon at mapatibay ang kanilang espirituwalidad.
Gaano Katagal: Limang araw.
Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa isang Kingdom Hall o Assembly Hall.
Kuwalipikasyon: Dapat na isang hinirang na elder.
Pagpapatala: Inaanyayahan ng tanggapang pansangay ang mga elder.
Narito ang mga komento ng ilang nagtapos mula sa ika-92 klase sa Estados Unidos:
“Malaki ang naitulong sa akin ng paaralang ito. Nasuri ko ang sarili ko at nakita ko kung paano pangangalagaan ang mga tupa ni Jehova.”
“Mas naging handa at determinado akong gamitin ang Kasulatan para patibayin ang iba.”
“Tatandaan ko ang mga natutuhan ko sa pagsasanay na ito habambuhay.”
School for Traveling Overseers and Their Wives
Layunin: Tulungan ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na maging higit na epektibo sa paglilingkod sa kongregasyon habang “nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.”—1 Tim. 5:17; 1 Ped. 5:2, 3.
Gaano Katagal: Dalawang buwan.
Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay.
Kuwalipikasyon: Ang brother ay dapat na isang tagapangasiwa ng sirkito o distrito.
Pagpapatala: Inaanyayahan ng tanggapang pansangay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at ang kani-kanilang asawa.
“Sumidhi ang pagpapahalaga namin sa pagkaulo ni Jesus sa organisasyon. Nakita namin na kailangang pasiglahin ang mga kapatid at patibayin ang pagkakaisa ng bawat kongregasyon. Idiniin sa amin ng paaralan na bagaman ang naglalakbay na tagapangasiwa ay nagbibigay ng payo at pagtutuwid pa nga kung minsan, ang pangunahing tunguhin niya ay tulungan ang mga kapatid na makitang mahal sila ni Jehova.”—Joel, nagtapos sa unang klase, 1999.
Bible School for Single Brothers
Layunin: Ihanda ang walang-asawang mga elder at ministeryal na lingkod sa pagbalikat ng karagdagang pananagutan sa organisasyon ni Jehova. Maraming nagtapos sa paaralang ito ang tatanggap ng atas saanman may pangangailangan sa kanilang bansa. Ang ilan ay maaaring atasang maglingkod sa ibang bansa, kung handa silang gawin iyon. Ang ilang nagtapos ay maaaring atasan bilang temporary special pioneer para magbukas at magpalawak ng gawain sa malayo at liblib na mga lugar.
Gaano Katagal: Dalawang buwan.
Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa isang Kingdom Hall o Assembly Hall.
Kuwalipikasyon: Mga brother na edad 23 hanggang 62, walang asawa, may mabuting kalusugan, at gustong maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Mar. 10:29, 30) Dapat na nakapaglingkod sila bilang regular pioneer nang hindi bababa sa dalawang taon at patuluyang nakapaglingkod bilang mga elder o ministeryal na lingkod nang hindi bababa sa dalawang taon.
Pagpapatala: Isang miting ang idinaraos sa pansirkitong asamblea para sa mga interesado.
“Dahil sa pagbubuhos ng pansin sa paaralang ito, natulungan ako ng espiritu ni Jehova na makagawa ng mga pagbabago sa aking personalidad,” ang sabi ni Rick, na nagtapos sa ika-23 klase sa Estados Unidos. “Kapag nagbibigay ng atas si Jehova, sinusuportahan ka niya sa atas na iyon. Natutuhan ko na kung magpopokus ako sa kalooban ng Diyos at hindi sa aking sarili, palalakasin niya ako.”
“Napahalagahan ko ang organisasyon ng Diyos bilang isang makabagong-panahong himala,” ang sabi ni Andreas, na naglilingkod sa Alemanya. “Inihanda ako ng pagsasanay para sa gawain. Sa tulong din ng maraming halimbawa sa Bibliya, natutuhan ko ang katotohanang ito: Ang paglilingkod sa mga kapatid at kay Jehova ay nagdudulot ng tunay na kaligayahan.”
Bible School for Christian Couples
Layunin: Bigyan ng pantanging pagsasanay ang mga mag-asawa para lubusan silang magamit ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Karamihan sa mga magtatapos ay aatasang maglingkod sa mga lugar sa kanilang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang ilan ay maaaring tumanggap ng atas sa ibang bansa, kung handa silang gawin iyon. Ang iba ay maaaring maglingkod bilang mga temporary special pioneer para magbukas at magpalawak ng gawain sa malayo at liblib na mga lugar.
Gaano Katagal: Dalawang buwan.
Lokasyon: Ang paaralang ito ay idinaraos sa Estados Unidos, at simula Setyembre 2012, idaraos din ito sa teritoryo ng pilíng mga sangay sa buong daigdig, karaniwan nang sa isang Kingdom Hall o Assembly Hall.
Kuwalipikasyon: Mga mag-asawang edad 25 hanggang 50, may mabuting kalusugan, nasa kalagayang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, at may saloobing “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Dapat ay dalawang taon na silang kasal at tuluy-tuloy na naglilingkod nang buong panahon nang hindi bababa sa dalawang taon. Ang brother ay dapat na isang elder o ministeryal na lingkod nang hindi bababa sa dalawang magkasunod na taon.
Pagpapatala: Isang miting ang idinaraos sa pandistritong kombensiyon para sa mga interesado. Pero kung walang miting sa mga kombensiyon sa inyong bansa, maaari kayong sumulat sa inyong tanggapang pansangay para sa karagdagang impormasyon.
“Talagang nakapagpapabago ng buhay ang walong-linggong pag-aaral na iyon at isang malaking oportunidad para sa mga mag-asawa na gustong maglingkod nang higit kay Jehova! Determinado kaming mamuhay nang timbang para magamit ang aming panahon sa matalinong paraan.”—Eric at Corina (sa ibaba), nagtapos sa unang klase, 2011.
Watchtower Bible School of Gilead
Layunin: Sanayin ang mga estudyante na maglingkod bilang mga misyonero sa mga lugar na malaki ang populasyon, bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa, o bilang mga Bethelite. Ang layunin ay patibayin at patatagin ang bayan ng Diyos, sa larangan man o sa sangay.
Gaano Katagal: Limang buwan.
Lokasyon: Watchtower Educational Center, Patterson, New York, E.U.A.
Kuwalipikasyon: Mga mag-asawa na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod—mga misyonero sa larangan na hindi pa nakapag-aral sa Gilead, mga special pioneer, mga naglalakbay na tagapangasiwa, o mga Bethelite. Dapat ay magkasama silang naglilingkod nang tuluy-tuloy at hindi bababa sa tatlong taon. Kailangang mahusay silang magsalita, magbasa, at magsulat ng Ingles.
Pagpapatala: Komite ng Sangay ang nag-aanyaya sa mag-asawa na mag-aplay.
Sina Lade at Monique mula sa Estados Unidos ay naglilingkod ngayon sa Aprika. “Inihanda kami ng Paaralang Gilead na pumunta saanmang panig ng daigdig, maging masipag, at gumawang kasama ng ating minamahal na mga kapatid,” ang sabi ni Lade.
Idinagdag pa ni Monique: “Habang ikinakapit ko ang natutuhan ko mula sa Salita ng Diyos, lalo akong nagkakaroon ng kagalakan sa aking atas. Para sa akin, ang kagalakang iyon ay dagdag na katibayan ng pag-ibig ni Jehova.”
School for Branch Committee Members and Their Wives
Layunin: Tulungan ang mga naglilingkod sa Komite ng Sangay na pangasiwaan ang mga tahanang Bethel, asikasuhin ang mga gawaing paglilingkod na may kinalaman sa mga kongregasyon, at pangasiwaan ang mga sirkito at distrito. Pinag-aaralan din nila ang tungkol sa pagsasalin, paglilimbag, at pagpapadala ng mga literatura.
Gaano Katagal: Dalawang buwan.
Lokasyon: Watchtower Educational Center, Patterson, New York, E.U.A.
Kuwalipikasyon: Ang brother ay dapat na miyembro ng Komite ng Sangay o Komite ng Bansa, o aatasan sa gayong pribilehiyo.
Pagpapatala: Inaanyayahan ng Lupong Tagapamahala ang mga brother at ang kani-kanilang asawa.
Sina Lowell at Cara, na nagtapos sa ika-25 klase, ay naglilingkod sa Nigeria. “Napaalalahanan ako na gaanuman ako kaabala o anuman ang gawaing ibinigay sa akin, espirituwalidad ang susi para mapalugdan si Jehova,” ang sabi ni Lowell. “Idiniin din ng paaralan na napakahalagang tularan natin ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod kapag nakikitungo tayo sa iba.”
“May isang komento na binubulay-bulay ko,” ang dagdag ni Cara. “Kung hindi ko kayang ipaliwanag ang isang bagay sa simpleng paraan, kailangan ko munang pag-aralan ang paksang ito bago ako magturo sa iba.”