Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w14 6/15 p. 8-11
  • Alalayan ang mga Diborsiyadong Kapananampalataya​—Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Alalayan ang mga Diborsiyadong Kapananampalataya​—Paano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGBUGSO NG IBA’T IBANG DAMDAMIN
  • PAGSISIKAP NA MAKABANGON
  • PAGKADAMA NG LUNGKOT AT PAGKASIRA NG LOOB
  • Magpatuloy sa Buhay Pagkatapos ng Diborsiyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Anak
    Tulong Para sa Pamilya
  • Diborsiyo—Ang Mapait na Bunga Nito
    Gumising!—1992
  • Apat na Bagay na Dapat Mong Malaman Tungkol sa Diborsiyo
    Gumising!—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
w14 6/15 p. 8-11

Alalayan ang mga Diborsiyadong Kapananampalataya​—Paano?

Dinadamayan ng isang Kristiyanong babae ang isang diborsiyadong sister

Marahil may mga kilala kang diborsiyado o hiwalay sa asawa. Karaniwan na lang kasi ngayon ang diborsiyo o paghihiwalay. Halimbawa, ayon sa isang pagsasaliksik sa Poland, ang mga may-asawang edad 30 na tatlo hanggang anim na taon nang kasal ay malamang na makipagdiborsiyo; pero hindi lang ang mga nasa ganitong edad ang nakikipagdiborsiyo.

Sa katunayan, “ipinakikita ng estadistika [sa Europe] na kalahati ng lahat ng nagpapakasal ay magdidiborsiyo,” ang ulat ng Institute for Family Policy sa Spain. Ganiyan din ang sitwasyon sa ibang mauunlad na bansa.

PAGBUGSO NG IBA’T IBANG DAMDAMIN

Ano ang pinagdaraanan ng isang diborsiyado? Sinabi ng isang makaranasang marriage counselor sa Eastern Europe: “Ginagawang opisyal ng diborsiyo ang bagay na nangyari na​—ang pagkasira ng relasyon at ang paghihiwalay, at talagang napakasakit nito.” Ayon din sa kaniya, ang diborsiyado ay kadalasan nang nakadarama ng “matitinding emosyon​—galit, pagsisisi, pagkabigo, kawalan ng pag-asa, at kahihiyan.” Kaya kung minsan, maaaring makapag-isip ang isa na magpakamatay. “Kapag ginawa nang pinal ng korte ang diborsiyo, magsisimula na ang susunod na yugto. Dahil sa kalungkutan at pagkadamang nag-iisa siya, baka maisip ng isang diborsiyado: ‘Paano na ‘ko ngayon? Ano na’ng gagawin ko sa buhay ko?’ ”

Naaalala pa ni Ewa ang nadama niya mga ilang taon na ang nakakalipas. Sinabi niya: “Hiyang-hiya ako, kasi nang maging pinal na ang diborsiyo, tinatawag na akong ‘diborsiyada’ ng mga kapitbahay at katrabaho ko. Galít na galít ako. Dalawang maliliit na anak ang naiwan sa akin, kaya kinailangan kong maging nanay at tatay sa kanila.”a Sinabi ni Adam, na isang elder sa loob ng 12 taon: “Halos mawalan ako ng respeto sa sarili, kaya kung minsan ay punong-puno ako ng galit, at gusto kong lumayo sa lahat.”

PAGSISIKAP NA MAKABANGON

Dahil sa sobrang pag-aalala sa magiging kinabukasan nila, nahihirapan ang ilan na makabangon​—kahit ilang taon na ang lumipas pagkatapos ng diborsiyo. Maaaring isipin nilang walang nagmamalasakit sa kanila. Bukod diyan, sinabi ng isang kolumnista tungkol sa mga nagdidiborsiyo na kailangan din ng mga ito na “baguhin ang mga nakasanayan nila at matutong humarap sa mga problema nang nag-iisa.”

Sinabi ni Stanisław: “Nang magdiborsiyo kami, pinagbawalan ako ng dati kong asawa na dumalaw sa dalawa naming maliliit na anak na babae. Kaya pakiramdam ko, wala nang nagmamahal sa akin at pinabayaan na rin ako ni Jehova. Nawalan ako ng ganang mabuhay. Pero nang maglaon, nakita kong maling-mali ang iniisip ko.” Nag-alala rin si Wanda sa magiging kinabukasan niya pagkatapos ng kaniyang diborsiyo. Sinabi niya: “Pakiramdam ko noon, di-magtatagal at wala nang magmamalasakit sa akin at sa mga anak ko, kahit pa nga mga kapananampalataya ko. Pero nakita ko kung paano ako inalalayan at tinulungan ng mga kapatid habang pinalalaki ko ang aking mga anak para maging mga mananamba ni Jehova.”

Ipinapakita ng gayong mga pananalita na matapos ang diborsiyo, ang ilan ay nadadaig ng negatibong mga damdamin. Maaaring bumaba ang tingin nila sa sarili at madamang hindi sila karapat-dapat pag-ukulan ng pansin. Maaari din silang maging mapamuna. Kaya baka maisip nilang walang malasakit sa kanila ang kongregasyon. Pero gaya ng makikita sa mga karanasan nina Stanisław, Wanda, at ng iba pa, napapatunayan ng mga diborsiyado na talagang nagmamalasakit sa kanila ang mga kapatid. Sa katunayan, malaking tulong ang ibinibigay ng mga kapuwa Kristiyano, kahit hindi ito agad napapansin.

PAGKADAMA NG LUNGKOT AT PAGKASIRA NG LOOB

Tandaan na sa kabila ng mga pagsisikap natin, makadarama pa rin ng kalungkutan paminsan-minsan ang mga kapananampalataya nating diborsiyado. Ang mga sister, partikular na, ay baka makadamang iilan lang ang nagmamalasakit sa kanila. Inamin ni Alicja: “Walong taon na ang nakalilipas mula nang magdiborsiyo kami ng asawa ko. Pero kung minsan, nanliliit pa rin ako, kaya nagmumukmok na lang ako at nag-iiiyak dahil sa awa sa sarili.”

Ang mga damdaming inilarawan dito ay karaniwang nadarama ng mga diborsiyado. Pero nagpapayo ang Bibliya na huwag ibukod ng isa ang kaniyang sarili, dahil ang paggawa nito ay maaaring mauwi sa pagtanggi sa “lahat ng praktikal na karunungan.” (Kaw. 18:1) Gayunman, kung ang isa ay nalulungkot, makabubuting iwasan niya ang madalas na paglapit sa di-kasekso para humingi ng payo o may mapaghingahan ng niloloob. Sa gayon, maiiwasan ang pag-usbong ng maling romantikong damdamin.

Kapag ang ating diborsiyadong mga kapatid ay nalulungkot, nasisiraan ng loob, at nag-aalala sa magiging kinabukasan nila, dapat natin silang unawain at tulungan sa abot ng ating makakaya bilang pagtulad kay Jehova. (Awit 55:22; 1 Ped. 5:6, 7) Makakatiyak tayo na pahahalagahan nila ang anumang tulong na ibibigay natin bilang mga tunay na kaibigan.​—Kaw. 17:17; 18:24.

a Binago ang ilang pangalan.

Balanseng Pananaw sa Diborsiyo

Para sa mga lingkod ni Jehova, ang pag-aasawa ay seryosong bagay. Ang pananaw nating iyan ay batay sa sinasabi ng Kasulatan. Halimbawa, malinaw na sinasabi ng Malakias 2:16 tungkol sa Diyos: “Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo.” Ang tanging maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo ay seksuwal na imoralidad. Kaya maling-mali na isipin man lang na makipagdiborsiyo sa di-makakasulatang dahilan, marahil para makapag-asawa ng iba.​—Gen. 2:22-24; Deut. 5:21; Mat. 19:4-6, 9.

Gayunman, kapag hindi maiiwasan ang diborsiyo, maaaring dahil sa pagtataksil ng asawa ng isang Kristiyano, handang umalalay ang mga kapatid sa kongregasyon. Bilang pagtulad kay Jehova, ginagawa nila ang kanilang buong makakaya para tulungan ang mga matuwid na “wasak ang puso.”​—Awit 34:15, 18; Isa. 41:10.

PAANO KA MAKAKATULONG?

May maitutulong ka ba? Ano ang magagawa mo para alalayan ang isa na nakadarama ng mga damdaming binanggit sa artikulong ito? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya at alamin kung paano nakapagbigay ng praktikal na tulong ang ilang tapat na Kristiyano.

Makinig at maging maunawain. (Kaw. 16:20, 23)

Pagkatapos ng diborsiyo, baka ayaw nang pag-usapan ng isa kung bakit sila nagdiborsiyo ng asawa niya. Ang totoo, ang paglalabas ng mga hinanakit ay maaaring hindi naman makatulong para mabawasan ang kabalisahan ng isa. (Kaw. 12:25; Roma 12:15) Si Michał, na tumulong kay Adam, ay naniniwala ring hindi kailangang marinig ng isa ang lahat ng detalye para maging maunawain at makapagpakita ng empatiya. Sinabi niya: “Sinikap kong ipaliwanag kay Adam na kapag nadaraig siya ng negatibong damdamin, baka may masabi siya sa akin na pagsisihan niya sa bandang huli.” Sa gayon, nilinaw ni Michał na hindi niya gustong ungkatin ang bawat detalye. Pero bilang tunay na kaibigan, naging handa siyang makinig. Maaari tayong makatulong nang malaki sa isang kapatid na diborsiyado kung bago o pagkatapos ng pulong ay sasabihin natin: “Kumusta? Alam kong mahirap ang pinagdaraanan mo. Nandito lang ako kung kailangan mo ng tulong.”

Magmalasakit. (Fil. 2:4)

Naaalala ni Mirosław: “Nag-iiskedyul kami ng misis ko ng panahon para tulungan ang isang sister pagkatapos ng kaniyang diborsiyo. Halimbawa, inayos namin ang lock ng pinto niya. Inihatid din namin siya sa doktor gamit ang aming sasakyan.” Parang simpleng mga bagay lang iyon, pero praktikal at talagang nakatulong. Unti-unting nakabangon ang sister na inalalayan ng mag-asawa. Nagpayunir pa nga siya nang maglaon, at ang 11-anyos na anak niyang babae ay nabautismuhan.

Isang mag-asawa ang nagmamalasakit sa isang diborsiyadong sister

Tiyakin sa isang diborsiyado na naiintindihan ni Jehova ang sitwasyon niya.

Kapag nadarama ng isa na wala siyang halaga, maaari mong tiyakin sa kaniya na mahal ng Diyos ang mga lingkod Niya. Sa paningin ng Diyos, bawat isa sa atin ay natatangi at ‘higit na mahalaga kaysa maraming maya.’ (Mat. 10:29-31) “Si Jehova ang tagasuri ng mga puso” kaya naiintindihan niya ang mga diborsiyado. Hindi niya iiwan ang sinumang tapat sa kaniya. (Kaw. 17:3; Awit 145:18; Heb. 13:5) Kaya habang tinutulungan mo ang isang diborsiyado, tiyakin sa kaniya na pinahahalagahan ng Diyos ang pag-ibig niya sa katotohanan at ang pagsisikap niyang suportahan ang tunay na pagsamba.​—Fil. 2:29.

Pasiglahin ang isang diborsiyado na manatiling malapít sa kongregasyon.

Dahil sa hirap na pinagdaraanan nila, ang ilan ay hindi nakakadalo sa mga pulong. Pero ang mismong mga pagtitipong iyon ang magpapalakas sa kanila, dahil ang mga iyon ay “ukol sa ikatitibay.” (1 Cor. 14:26; Awit 122:1) Malaki ang magagawa ng mga elder pagdating sa bagay na ito. Si Wanda, na nabanggit na, ay nagsabi: “Hindi namin malilimutan ang pagmamalasakit at pagmamahal nila.”

Pasiglahin ang isang diborsiyado na patibayin ang kaugnayan niya sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin, personal na pag-aaral, at pagbubulay-bulay. (Sant. 4:8)

Si Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat at nasa langit, pero binibigyang-pansin niya ang “isa na napipighati” at may takot sa Kaniyang salita. Ipaalala iyan sa isang diborsiyado, at idiin na makakatulong sa bawat isa sa atin ang pagiging malapít sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at personal na pag-aaral.​—Isa. 66:2.

Yayain siyang sumama sa iyo sa ministeryo o sa paghahanda para sa pulong.

Dalawang brother na magkasama sa pangangaral

Makakatulong ito sa isang Kristiyano para magkaroon ng higit na kumpiyansa habang sinisikap niyang makabangon pagkatapos ng diborsiyo. Si Marta, na umalalay sa isang masigasig na sister na lumong-lumo pagkatapos ng diborsiyo, ay nagsabi: “Regular kaming nagpapartner sa ministeryo. Ang saya-saya namin kapag naaabot namin ang aming mga goal. Kung minsan, magkasama kaming nag-aaral para sa pulong, at pagkatapos ay naghahanda ng masarap na makakain.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share