Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w17 Hunyo p. 16-20
  • Makikipag-ayos Ka Ba Para sa Kapayapaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makikipag-ayos Ka Ba Para sa Kapayapaan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MGA PROBLEMA AT SOLUSYON
  • IBA’T IBANG PERSONALIDAD SA KONGREGASYON
  • HUWAG HAYAANG MAGPATULOY ANG MGA ALITAN
  • “Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pakikipagkasundo sa Isa’t-Isa sa Pag-ibig
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Kapayapaan—Paano Ka Magkakaroon Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Bernabe—Ang “Anak ng Kaaliwan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
w17 Hunyo p. 16-20
Isang galít na sister sa Kingdom Hall

Makikipag-ayos Ka Ba Para sa Kapayapaan?

HINIHIMOK ng Diyos na Jehova ang mga Kristiyano na pahalagahan ang kapayapaan at itaguyod ito. Kung mapagpayapa tayo, iiral ang kapayapaan sa gitna ng kaniyang mga tunay na mananamba. Dahil dito, maaakit sa kongregasyong Kristiyano ang mga taong ayaw sa kaguluhan.

Halimbawa, nakita ng isang sikat na albularyo sa Madagascar ang kapayapaan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Nasabi niya sa sarili, ‘Kung aanib man ako sa isang relihiyon, ito na iyon.’ Nang maglaon, inihinto niya ang kaniyang mga espiritistikong gawain. Ilang buwan din niyang inayos ang kaniyang di-makakasulatang pag-aasawa, at naging mananamba siya ni Jehova, ang Diyos ng kapayapaan.

Tulad ng lalaking iyon, libo-libo ang nagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano taon-taon dahil natagpuan nila rito ang kapayapaang matagal na nilang hinahanap. Pero ipinakikita ng Bibliya na kapag may “paninibugho at hilig na makipagtalo,” puwedeng masira ang mga pagkakaibigan at magkaroon ng kaguluhan sa kongregasyon. (Sant. 3:14-16) Mabuti na lang, binibigyan tayo ng Bibliya ng mahusay na payo para maiwasan ang mga problemang iyon at mapatibay ang bigkis ng kapayapaan. Hinggil diyan, tingnan natin ang ilang karanasan.

MGA PROBLEMA AT SOLUSYON

“Hindi ko makasundo ang isang brother na katrabaho ko. Minsan, habang nagtatalo kami, dalawang tao ang dumating at nakita nila kaming nagsisigawan.”—CHRIS.

Dalawang sister na masama ang tingin sa isa’t isa

“Bigla na lang inihinto ng sister na lagi kong kapartner sa ministeryo ang pagsama sa akin. ’Tapos, hindi na niya ako kinakausap. Hindi ko alam kung bakit.”—JANET.

“May kausap akong dalawang tao sa telepono. Nagpaalam na y’ong isa, at akala ko wala na siya sa linya. Saka ako nagkuwento ng di-magagandang bagay tungkol sa kaniya sa isa ko pang kausap, pero hindi pa pala niya naibababa ang telepono.”—MICHAEL.

“Sa kongregasyon namin, dalawang payunir ang nagkaroon ng di-pagkakaunawaan. Pinagalitan ng isang payunir y’ong isa. Hindi nakapagpapatibay sa iba ang pag-aaway nila.”—GARY.

Baka isipin mong hindi naman ganoon kaseryoso ang mga problemang ito. Pero lahat ng ito ay puwedeng magdulot ng pangmatagalang pinsala sa damdamin at espirituwalidad ng mga nasasangkot. Ang nakatutuwa, naisauli ng mga kapatid na ito ang kapayapaan sa tulong ng Bibliya. Anong mga tagubilin sa Bibliya ang sinunod nila?

“Huwag kayong mayamot sa isa’t isa habang nasa daan.” (Gen. 45:24) Iyan ang sinabi ni Jose sa mga kapatid niya noong pabalik na ang mga ito sa kanilang ama. Napakahusay ng payo na iyan! Kapag hindi kinokontrol ng isa ang kaniyang damdamin at madali siyang mainis, baka magalit din ang iba. Nakita ni Chris na kahinaan niya ang pagiging ma-pride at nahihirapan siyang sumunod sa mga tagubilin. Pero dahil gusto niyang magbago, humingi siya ng tawad sa brother na nakaaway niya. Pinagsikapan din niyang kontrolin ang kaniyang galit. Napansin ng katrabaho niya ang pagsisikap ni Chris kung kaya nagbago rin ito. Ngayon, masaya na silang magkasamang naglilingkod kay Jehova.

“Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kaw. 15:22) Nakita ni Janet na kailangan pa niyang sundin ang tekstong iyan. Ipinasiya niyang kausapin ang sister. Mataktikang tinanong ni Janet ang sister tungkol sa sama ng loob nito. Sa umpisa, medyo naaasiwa sila. Pero gumanda ang pag-uusap nila dahil nanatili silang kalmado. Nakita ng sister na nagkamali siya ng unawa tungkol sa isang bagay na wala namang kinalaman si Janet. Humingi siya ng tawad, at ngayon, magkapartner na uli sila sa paglilingkod kay Jehova.

“Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid.” (Mat. 5:23, 24) Ibinigay ni Jesus ang payong iyan sa kaniyang Sermon sa Bundok. Nalungkot si Michael dahil hindi siya naging mabait at makonsiderasyon. Determinado siyang makipagpayapaan kaya personal siyang humingi ng tawad sa brother na nasaktan niya. Ano ang resulta? Sinabi ni Michael, “Talagang pinatawad niya ako.” Kaya magkaibigan na uli sila.

“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Col. 3:12-14) Kumusta naman ang dalawang matagal nang payunir? Tinulungan sila ng isang elder na pag-isipan ang mga tanong na gaya nito: ‘May karapatan ba kaming dalawa na palungkutin ang iba dahil sa aming di-pagkakaunawaan? Mayroon ba kaming makatuwirang dahilan para hindi pagtiisan ang isa’t isa at payapang maglingkod kay Jehova?’ Nakinig sila sa payo ng elder at sinunod ito. Ngayon, magkasundo na sila habang ipinangangaral ang mabuting balita.

Bilang pagsunod sa tagubilin ng Bibliya, puwede mong sundin ang Colosas 3:12-14 kapag may nakasakit sa iyo. Nakita ng iba na kung magiging mapagpakumbaba sila, kaya nilang magpatawad at kalimutan na lang ang nangyari. Kung parang hindi mo kayang gawin iyan, puwede mo kayang sundin ang simulain sa Mateo 18:15? Tinutukoy rito ni Jesus ang hakbang na dapat gawin kapag may nakagawa ng mabigat na kasalanan sa iba. Pero puwede mo ring sundin ang simulaing iyan kapag mayroon kang di-pagkakaunawaan sa isang kapatid. Lapitan mo siya, kausapin sa mabait na paraan, at mapagpakumbabang ayusin ang problema.

Marami pang praktikal na mungkahing ibinibigay ang Bibliya. Karamihan sa mga ito ay may kinalaman sa pagpapakita natin ng “bunga ng espiritu . . . pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Gal. 5:22, 23) Gaya ng langis na nagpapaganda sa takbo ng makina, ang makadiyos na mga katangiang ito ay nagpapaganda sa kaugnayan natin sa iba.

IBA’T IBANG PERSONALIDAD SA KONGREGASYON

Ang personalidad ay ang mga katangiang taglay ng bawat tao. Iba-iba ang personalidad natin, at puwede itong makapagpasaya sa pagkakaibigan. Pero puwede rin itong maging sanhi ng mga alitan. Ganito ang halimbawang ibinigay ng isang elder: “Baka mahirapang makitungo ang taong mahiyain sa taong palakaibigan at masayahin. Parang hindi naman importante ang pagkakaibang iyan, pero puwede itong mauwi sa matitinding problema.” Sa palagay mo, talaga nga kayang imposibleng magkasundo ang mga taong magkaiba ang personalidad? Pag-isipan ang halimbawa ng dalawang apostol. Ano kaya ang personalidad ni Pedro? Marahil iniisip mong tahasan siyang magsalita at padalos-dalos. Kumusta naman kaya si Juan? Marahil maiisip natin na siya ay maibigin, at maingat magsalita at kumilos. Mukhang may basehan naman ang ganiyang pananaw tungkol sa dalawang apostol na ito at para ngang magkaiba ang personalidad nila. Pero nagkasundo sila at nagtulungan. (Gawa 8:14; Gal. 2:9) Sa ngayon, posible rin namang gumawang magkakasama ang mga Kristiyanong may magkakaibang personalidad.

Sa kongregasyon ninyo, baka may kapatid na ang pagsasalita at pagkilos ay nakaiirita sa iyo. Pero alam mong namatay si Kristo para sa kaniya kung kaya dapat mo siyang ibigin. (Juan 13:34, 35; Roma 5:6-8) Sa halip na iwasan siya at isiping hindi kayo puwedeng maging magkaibigan, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang may ginagawang labag sa Kasulatan ang kapatid na ito? Sinasadya ba niya akong saktan? O baka naman magkaiba lang talaga ang personalidad namin?’ Mahalaga ring itanong: ‘Alin sa mabubuting katangian niya ang puwede kong tularan?’

Halimbawa, kung madaldal siya pero tahimik ka naman, isipin mo kung gaano kadali para sa kaniya ang magpasimula ng mga pag-uusap sa ministeryo. Baka puwede kang sumama sa kaniya sa ministeryo at tingnan kung ano ang matututuhan mo sa kaniya. Kung bukas-palad siya at medyo maramot ka, bakit hindi mo isipin ang kasiyahang dulot ng pagbibigay sa mga may-edad, maysakit, o nangangailangan? Ang punto? Kahit magkaiba ang personalidad ninyo, puwede kayong maging malapít sa isa’t isa kung titingnan ninyo ang magagandang katangian ng bawat isa. Baka hindi naman kayo maging matalik na magkaibigan, pero puwede kayong maging mas malapít sa isa’t isa para maging mas mapayapa ang ugnayan ninyo at ng buong kongregasyon.

Noong unang siglo, may dalawang kapatid na babae, sina Euodias at Sintique, na maaaring magkaiba ang personalidad. Pero pinayuhan sila ni apostol Pablo na “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon.” (Fil. 4:2) Sisikapin mo rin bang abutin ang tunguhing iyan para maitaguyod ang kapayapaan?

HUWAG HAYAANG MAGPATULOY ANG MGA ALITAN

Ang mga negatibong damdamin ay tulad ng mga panirang-damo sa hardin ng mga bulaklak. Kung hindi natin bubunutin ang mga ito mula sa ating puso, madaraig tayo ng mga ito. Makaaapekto pa nga ito sa espiritu ng kongregasyon. Kung mahal natin si Jehova at ang ating mga kapatid, gagawin natin ang lahat para huwag masira ng mga di-pagkakaunawaan ang kapayapaan ng bayan ng Diyos.

Dalawang sister na nag-uusap at nakikipagpayapaan

Kung magiging mapagpakumbaba ka at makikipagpayapaan, maganda ang puwedeng maging resulta

Kung sisikapin nating makipag-ayos at makipagpayapaan sa iba, baka magulat tayo sa magagandang resulta. Ganito ang karanasan ng isang Saksi: “Para akong bata kung tratuhin ng isang sister. Talagang kinaiinisan ko iyon. Sa tindi ng inis ko, naging mataray ako sa kaniya. Naisip ko, ‘Hindi naman niya ako nirerespeto, kaya hindi ko rin siya rerespetuhin.’”

Pero pinag-isipan ng sister na ito ang kaniyang iginagawi. “Nakita ko ang mga kapintasan ko, at hindi ako natuwa sa sarili ko. Alam kong kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip. Matapos kong ipanalangin ito kay Jehova, bumili ako ng maliit na regalo para sa sister at binigyan ko siya ng card kung saan humihingi ako ng tawad dahil sa masamang ugali ko. Nagyakapan kami at nagkasundong kalilimutan na namin ang lahat. Hindi na kami nagkaproblema mula noon.”

Kailangang-kailangan ng mga tao ang kapayapaan. Pero kapag nanganganib ang kanilang posisyon at pride, marami ang hindi na nagiging mapagpayapa. Karaniwan iyan sa mga hindi sumasamba kay Jehova, pero dapat umiral ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng kaniyang mga mananamba. Kinasihan niya si Pablo na isulat: “Ako . . . ay namamanhik sa inyo na lumakad nang karapat-dapat sa pagtawag na itinawag sa inyo, na may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan, na may mahabang pagtitiis, na pinagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:1-3) Walang kasinghalaga ang “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan” na iyan. Patibayin natin iyan at sikaping lutasin ang anumang di-pagkakaunawaan na babangon sa gitna natin.

Sina Pablo at Bernabe​—Magkapatid Kahit Magkaiba

Sina Pablo at Bernabe

Si Pablo ay taong may masidhing damdamin. Bago siya naging Kristiyano, ‘sumisilakbo siya ng pagbabanta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon.’ (Gawa 9:1) Inilarawan niya ang damdamin niya noon sa mga tagasunod ni Kristo: “Sukdulan ang galit ko sa kanila.”—Gawa 26:11.

Matapos mabautismuhan, gumawa si Pablo ng malalaking pagbabago, pero hindi nakalimutan ng mga tao ang kaniyang nakaraan. Kahit noong Kristiyano na siya, ang mga kapatid sa Jerusalem ay “natatakot sa kaniya, sapagkat hindi sila naniwalang siya ay isang alagad.”—Gawa 9:26.

Malamang na hindi mawawala ang takot ng kongregasyon kay Pablo kung hindi dahil kay Jose, isang Kristiyano mula sa Ciprus. Kilalang-kilala si Jose sa pagiging maibigin, at binigyan siya ng mga kapatid ng makahulugang pangalan na “Bernabe”—“Anak ng Kaaliwan.” (Gawa 4:36, 37) Iginagalang siya ng mga nangunguna sa kongregasyon, at tinulungan niya si Pablo. Mababasa natin: “Tinulungan siya ni Bernabe at dinala siya sa mga apostol, at sinabi niya sa kanila nang detalyado kung paanong sa daan ay nakita niya ang Panginoon . . . at kung paanong sa Damasco ay nagsalita siya nang may tapang sa pangalan ni Jesus.” (Gawa 9:26-28) Nang marinig ng kongregasyon sa Jerusalem ang patotoo ni Bernabe, tinanggap nila si Pablo. Magkasamang naglingkod ang dalawang lalaking ito bilang mga misyonero.—Gawa 13:2, 3.

Malamang na napahalagahan ni Bernabe ang sigasig at pagiging prangka ni Pablo. Samantala, tiyak na napahalagahan naman ni Pablo ang kabaitan at pagkamahabagin ni Bernabe.

Pero binabanggit ng Bibliya na minsan, nagkaroon sila ng “isang matinding pagsiklab ng galit.” Bakit? Hindi ito dahil sa pagkakaiba ng kanilang personalidad. Sa halip, ito ay dahil magkaiba ang opinyon nila kung kuwalipikado si Juan Marcos sa gawaing pagmimisyonero.—Gawa 15:36-40.

Kahit magkaiba ang personalidad nina Pablo at Bernabe, magkasama silang nakapaglingkod bago nito. At mababasa natin na muling nagkasamang maglingkod sina Pablo at Marcos nang maglaon. (Col. 4:10) Sa ngayon, hindi rin kailangang bumangon ang alitan dahil sa magkakaibang personalidad.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share