Alam Mo Ba?
Unang-Siglong Sinagoga: Ang paglalarawang ito ay batay sa ilang detalye ng unang-siglong sinagoga na natagpuan sa Gamla, mga 10 kilometro sa hilagang-silangan ng Dagat ng Galilea. Malamang na ganito ang hitsura ng mga sinagoga noon
Paano nagsimula ang mga sinagoga?
ANG salitang “sinagoga” ay galing sa terminong Griego na nangangahulugang “kapulungan” o “pagtitipon.” Angkop ang terminong ito dahil noon pa man, dito na nagtitipon ang mga Judio na miyembro ng isang komunidad para maturuan at sumamba. Hindi direktang tinutukoy sa Hebreong Kasulatan ang mga sinagoga, pero makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ginagamit na ang mga ito noong unang siglo C.E.
Naniniwala ang karamihan sa mga iskolar na nagsimula ang mga sinagoga noong ipatapon ang mga Judio sa Babilonya. Sinabi ng Encyclopaedia Judaica: “Dahil ang mga Tapon ay malayo sa Templo at nasa banyagang lupain, kailangan nila ng pampatibay. Kaya nagtitipon sila sa pana-panahon, malamang kapag Sabbath, at nagbabasa ng Kasulatan.” Nang makalaya sila, lumilitaw na ipinagpatuloy ng mga Judio ang kaugalian nilang magtipon para manalangin at magbasa ng Kasulatan, at nagtatag sila ng mga sinagoga saanman sila manirahan.
Kaya noong unang siglo C.E., ang mga sinagoga ang naging sentro ng relihiyon ng mga Judio. Dito rin nagsasama-sama ang mga Judio na nakabuo ng mga komunidad sa palibot ng Mediteraneo, sa buong Gitnang Silangan, at sa mismong Israel. “Naging lugar [ang sinagoga] para sa pag-aaral, seremonyal na pagsasalo-salo, pagdinig sa kaso, pag-aabuloy ng pondo para sa komunidad, pagtitipon, at mga miting sa politika,” ang sabi ni Professor Lee Levine ng The Hebrew University of Jerusalem. Idinagdag pa niya: “Siyempre, ang pinakamahalagang gawain dito ay ang mga relihiyosong serbisyo.” Kaya hindi nakapagtataka na laging pumupunta si Jesus sa mga pagtitipon sa sinagoga. (Mar. 1:21; 6:2; Luc. 4:16) Pinapatibay at tinuturuan niya ang mga tao roon. Nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano, lagi ring pumupunta sa mga sinagoga si apostol Pablo para mangaral. Natural lang para sa mga gustong mapalapít sa Diyos na pumunta sa mga sinagoga, kaya karaniwan na, iyan ang unang pinupuntahan ni Pablo para mangaral pagdating niya sa isang lunsod.—Gawa 17:1, 2; 18:4.