ARALING ARTIKULO 15
Tularan si Jesus at Manatiling Payapa
“Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso.”—FIL. 4:7.
AWIT 113 Ang Taglay Nating Kapayapaan
NILALAMANa
1-2. Bakit ganoon na lang ang pagkabahala ni Jesus?
NOONG huling araw ni Jesus bilang tao, ganoon na lang ang pagkabahala niya. Malapit na siyang dumanas ng malupit na kamatayan sa kamay ng masasamang tao. Pero hindi lang iyon ang inaalala niya. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ama at gusto niya itong palugdan. Alam niyang dapat siyang manatiling tapat sa panahon ng napakahirap na pagsubok para maipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova. Mahal din ni Jesus ang mga tao, at alam niyang magkakaroon lang tayo ng pag-asang mabuhay magpakailanman kung mananatili siyang tapat.
2 Kahit nababahala si Jesus, payapa pa rin ang kalooban niya. “Ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan,” ang sabi niya sa kaniyang mga apostol. (Juan 14:27) Mayroon siyang “kapayapaan ng Diyos,” ang pagiging kalmado at payapa kapag ang isa ay may malapít na kaugnayan kay Jehova. Dahil sa kapayapaang iyon, napanatag ang puso’t isip ni Jesus.—Fil. 4:6, 7.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Hindi naman natin daranasin ang gaya ng dinanas ni Jesus, pero lahat ng sumusunod sa kaniya ay magkakaroon ng mga pagsubok. (Mat. 16:24, 25; Juan 15:20) At gaya ni Jesus, mababahala rin tayo kung minsan. Paano natin maiiwasan ang sobrang pag-aalala para hindi tayo mawalan ng kapayapaan ng isip? Talakayin natin ang tatlong bagay na ginawa ni Jesus sa panahon ng ministeryo niya sa lupa, at tingnan natin kung paano natin siya matutularan kapag napaharap tayo sa mga pagsubok.
LAGING NANANALANGIN SI JESUS
Mananatili tayong payapa sa tulong ng panalangin (Tingnan ang parapo 4-7)
4. Magbigay ng mga halimbawang nagpapakitang madalas manalangin si Jesus noong huling araw niya sa lupa kaayon ng 1 Tesalonica 5:17.
4 Basahin ang 1 Tesalonica 5:17. Noong huling araw ni Jesus sa lupa, madalas siyang manalangin. Nang pasimulan ni Jesus ang pag-alaala sa kamatayan niya, nanalangin siya para sa tinapay at alak. (1 Cor. 11:23-25) Bago umalis sa lugar na pinagdausan nila ng Paskuwa, nanalangin muna siya kasama ang mga alagad. (Juan 17:1-26) Nang dumating siya at ang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo noong gabing iyon, paulit-ulit siyang nanalangin. (Mat. 26:36-39, 42, 44) At ang huling sinabi ni Jesus bago siya mamatay ay isa ring panalangin. (Luc. 23:46) Nanalangin si Jesus kay Jehova sa bawat mahalagang pangyayari noong araw na iyon.
5. Bakit humina ang loob ng mga apostol?
5 Ang isang dahilan kung bakit nakayanan ni Jesus ang pagsubok ay dahil umasa siya sa kaniyang Ama sa panalangin. Pero hindi naging matiyaga sa pananalangin ang mga apostol nang gabing iyon. Dahil diyan, humina ang loob nila nang dumating ang pagsubok. (Mat. 26:40, 41, 43, 45, 56) Mananatili lang tayong tapat sa harap ng mga pagsubok kung tutularan natin si Jesus at ‘mananalangin nang patuluyan.’ Ano ang puwede nating ipanalangin?
6. Paano makakatulong sa atin ang pananampalataya para manatiling payapa?
6 Puwede nating ipanalangin kay Jehova na ‘bigyan tayo ng higit pang pananampalataya.’ (Luc. 17:5; Juan 14:1) Kailangan natin ng pananampalataya dahil susubukin ni Satanas ang lahat ng sumusunod kay Jesus. (Luc. 22:31) Paano tayo tutulungan ng pananampalataya na manatiling payapa kahit sunod-sunod ang problema natin? Kapag nagawa na natin ang lahat para maharap ang problema, makakatulong ang pananampalataya para ipaubaya na natin kay Jehova ang lahat. Dahil nagtitiwala tayong mas alam niya ang dapat gawin, magiging payapa ang ating isip at puso.—1 Ped. 5:6, 7.
7. Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi ni Robert?
7 Makakatulong ang panalangin para manatiling payapa ang ating isip anumang problema ang dumating. Tingnan natin ang halimbawa ni Robert, isang tapat na elder na mahigit nang 80. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang Filipos 4:6, 7 para makayanan ang maraming pagsubok. Nagkaproblema ako sa pera. At pansamantala akong nawala sa pagiging elder.” Ano ang nakatulong kay Robert para manatiling payapa ang kaniyang isip? “Nananalangin agad ako kapag nagsisimula na akong ma-stress,” ang sabi niya. “Habang dumadalas at nagiging mas marubdob ang panalangin ko, lalo akong napapanatag.”
MASIGASIG NA NANGARAL SI JESUS
Mananatili tayong payapa sa tulong ng pangangaral (Tingnan ang parapo 8-10)
8. Sa Juan 8:29, ano ang isa pang dahilan kung bakit panatag si Jesus?
8 Basahin ang Juan 8:29. Kahit noong pinag-uusig si Jesus, panatag siya dahil alam niyang napapasaya niya ang kaniyang Ama. Nanatili pa rin siyang masunurin noong panahong mahirap para sa kaniya na gawin ito. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ama at pangunahin sa buhay niya ang paglilingkod kay Jehova. Bago bumaba sa lupa, siya ay “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. (Kaw. 8:30) At noong nasa lupa siya, masigasig niyang tinuruan ang iba tungkol sa kaniyang Ama. (Mat. 6:9; Juan 5:17) Ang gawaing iyan ay talagang nagpasaya kay Jesus.—Juan 4:34-36.
9. Bakit nananatili tayong panatag kapag abala tayo sa pangangaral?
9 Matutularan natin si Jesus kung susunod tayo kay Jehova at ‘laging maraming gagawin sa gawain ng Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Kapag tayo ay “lubhang abala” sa pangangaral, nananatili tayong positibo kahit may mga problema. (Gawa 18:5) Halimbawa, madalas na mas mabigat ang problema ng mga nakakausap natin sa ministeryo kaysa sa atin. Pero kapag inibig nila si Jehova at isinabuhay ang payo ng Diyos, umaayos ang buhay nila at nagiging mas masaya sila. Kapag nakikita natin iyan, lalo tayong nagiging kumbinsido na hindi tayo pababayaan ni Jehova. At dahil diyan, nananatili tayong panatag. Napatunayan iyan ng isang sister na nadedepres at nakakaramdam na wala siyang halaga. “Kapag busy ako sa ministeryo,” ang sabi niya, “mas panatag ako at masaya. Siguro dahil kapag nangangaral ako, pakiramdam ko, napakalapit ko kay Jehova.”
10. Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi ni Brenda?
10 Tingnan din ang halimbawa ng sister na si Brenda. Siya at ang anak niyang babae ay parehong may multiple sclerosis. Naka-wheelchair si Brenda at mahina na. Nakakapagbahay-bahay pa rin siya kung minsan, pero mas nakakapangaral siya sa pamamagitan ng sulat. Sinabi niya: “Nang matanggap kong hindi na ako gagaling, mas nakapagpokus ako sa pangangaral. Ang totoo, nakakatulong ito para maalis sa isip ko ang problema at makapagpokus sa pagtulong sa mga napapangaralan ko. At lagi kong naaalala ang pag-asa ko sa hinaharap.”
TINANGGAP NI JESUS ANG TULONG NG MGA KAIBIGAN NIYA
Mananatili tayong payapa sa tulong ng mabubuting kaibigan (Tingnan ang parapo 11-15)
11-13. (a) Paano napatunayan ng mga apostol na tunay silang mga kaibigan ni Jesus? (b) Ano ang nadama ni Jesus dahil sa mga kaibigan niya?
11 Sa buong panahon ng pangangaral ni Jesus, naging tunay na mga kaibigan ang kaniyang tapat na mga apostol. Sila ang uri ng kaibigang sinasabi sa isang kawikaan: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kaw. 18:24) Napakahalaga kay Jesus ng ganoong mga kaibigan. Sa panahon ng kaniyang ministeryo, walang isa man sa mga kapatid niya ang naniwala sa kaniya. (Juan 7:3-5) May pagkakataon pa ngang napagkamalan siyang baliw ng mga kapamilya niya. (Mar. 3:21) Sa kabaligtaran, nasabi ni Jesus sa tapat niyang mga apostol noong gabi bago siya mamatay: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.”—Luc. 22:28.
12 Paminsan-minsan, nagkakamali rin ang mga apostol, pero sa halip na magpokus doon si Jesus, tiningnan niya ang pananampalataya nila sa kaniya. (Mat. 26:40; Mar. 10:13, 14; Juan 6:66-69) Noong huling gabing kasama sila, bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa tapat na mga lalaking ito: “Tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Siguradong malaking pampatibay-loob sa kaniya ang mga kaibigan niyang ito. Talagang nagpasaya kay Jesus ang suporta nila sa kaniyang ministeryo.—Luc. 10:17, 21.
13 Bukod sa mga apostol, si Jesus ay may iba pang kaibigan, mga lalaki at babaeng tumulong sa kaniya sa pangangaral at sa iba pang paraan. May mga nag-imbita sa kaniya para kumain sa bahay nila. (Luc. 10:38-42; Juan 12:1, 2) May mga sumama sa kaniya sa paglalakbay at naglingkod sa kaniya gamit ang mga pag-aari nila. (Luc. 8:3) May mabubuting kaibigan si Jesus dahil mabuting kaibigan rin siya sa kanila. Ginagawan niya sila ng mabuti at hindi niya sila inaasahang gumawa ng mga bagay na hindi nila kaya. Kahit sakdal si Jesus, pinahahalagahan pa rin niya ang suporta ng mga kaibigan niyang di-sakdal. At siguradong natulungan nila siyang manatiling payapa.
14-15. Paano tayo magkakaroon ng mabubuting kaibigan, at paano sila makakatulong sa atin?
14 Tutulungan tayo ng mabubuting kaibigan na manatiling tapat kay Jehova. At magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan kung mabuti rin tayong kaibigan. (Mat. 7:12) Halimbawa, ipinapayo ng Bibliya na gamitin natin ang ating panahon at lakas para sa iba, lalo na sa mga “nangangailangan.” (Efe. 4:28) May naiisip ka ba sa inyong kongregasyon na puwede mong tulungan? Puwede bang ikaw na ang mag-grocery para sa mga kakongregasyon mong mahina na at hindi na makaalis ng bahay? Puwede mo bang dalhan ng pagkain ang isang pamilyang kapos sa pera? Kung marunong kang gumamit ng jw.org® website at JW Library® app, matutulungan mo ba ang iba sa inyong kongregasyon na magamit ito sa pag-aaral? Kapag nakapokus tayo sa pagtulong sa iba, magiging masaya tayo.—Gawa 20:35.
15 Tutulungan tayo ng mga kaibigan natin na manatiling panatag kapag may problema tayo. Kung paanong nakinig si Elihu habang sinasabi ni Job ang mga pinagdaraanan niya, natutulungan tayo ng mga kaibigan natin kapag matiyaga silang nakikinig sa ating mga ikinababahala. (Job 32:4) Hindi natin dapat asahang sila ang magdedesisyon para sa atin, pero makabubuti ring pakinggan natin ang payo nila mula sa Bibliya. (Kaw. 15:22) At kung paanong mapagpakumbabang tinanggap ni Haring David ang tulong ng mga kaibigan niya, mapagpakumbaba rin nating tanggapin ang tulong ng ating mga kaibigan kapag nangailangan tayo. (2 Sam. 17:27-29) Oo, ang ganoong mga kaibigan ay regalo ni Jehova.—Sant. 1:17.
KUNG PAANO MANANATILING PAYAPA
16. Ayon sa Filipos 4:6, 7, ano lang ang paraan para maging payapa tayo? Ipaliwanag.
16 Basahin ang Filipos 4:6, 7. Bakit sinasabi sa atin ni Jehova na matatanggap natin ang kapayapaang ibinibigay niya “sa pamamagitan ni Kristo Jesus”? Kasi magkakaroon lang tayo ng namamalaging kapayapaan ng isip at damdamin kung naiintindihan natin at pinaniniwalaan ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. Halimbawa, dahil sa haing pantubos ni Jesus, mapapatawad ang lahat ng ating kasalanan. (1 Juan 2:12) Talagang nakakapagpagaan iyan ng pakiramdam! Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, aalisin ni Jesus ang anumang pagdurusang nararanasan natin dahil kay Satanas at sa sistema niya. (Isa. 65:17; 1 Juan 3:8; Apoc. 21:3, 4) Napakagandang pag-asa niyan! At kahit mahirap ang ipinagagawa sa atin ni Jesus, kasama naman natin siya, at sinusuportahan niya tayo sa mga huling araw ng sistemang ito. (Mat. 28:19, 20) Nakakapagpalakas iyan ng loob! Magaan na pakiramdam, pag-asa, at lakas ng loob—ilan lang ito sa mahahalagang bagay para magkaroon ng kapayapaan ng isip.
17. (a) Paano mananatiling payapa ang isang Kristiyano? (b) Gaya ng pangako sa Juan 16:33, ano ang magagawa natin?
17 Kung gayon, paano mo mapananatiling payapa ang iyong isip kapag dumaranas ka ng mabibigat na pagsubok? Magagawa mo iyan kung tutularan mo si Jesus. Una, manalangin at patuloy na manalangin. Ikalawa, sundin si Jehova at masigasig na mangaral kahit sa panahong mahirap itong gawin. At ikatlo, umasa sa tulong ng mga kaibigan mo. At babantayan ng kapayapaan ng Diyos ang iyong isip at puso. Kaya gaya ni Jesus, mapagtatagumpayan mo ang anumang pagsubok.—Basahin ang Juan 16:33.
AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
a Lahat tayo ay nagkakaproblema, kaya kung minsan, nawawalan tayo ng kapayapaan ng isip. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong bagay na ginawa ni Jesus na puwede nating tularan para manatiling payapa kahit may mabibigat na pagsubok.