Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Lumang Publikasyon
1 Hindi nababawasan ng kahalagahan ang katotohanan dahilan sa edad. Ang mga katotohanan na nakaimbak sa ating mga puso at isip ay gaya ng di mababayarang kayamanan, ilan ay luma, ilan ay bago. Pinayuhan ni Kristo Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘ilabas’ ang mga bago at lumang mga katotohanan hinggil sa Kaharian sa kanilang gawain bilang mga ‘tagapagturo sa madla.’ (Mat. 13:52) Gayundin sa ngayon, ang “tapat at maingat na alipin” ni Kristo ay naglaan ng iba’t ibang publikasyon na mula doo’y natutuhan natin ang mga katotohanan ng Kaharian. Ang ilan ay bago, ang ilan ay luma; subali’t hindi ba kayo sumasang-ayon na ang lahat ng ating mga literatura ay naglalaman ng mahahalagang mga impormasyon na pakikinabangan ng tao? Kung gayon, nanaisin ninyong makibahagi sa kampanya taglay ang mga lumang publikasyon sa Enero at Pebrero.
2 Makikita ninyo sa Mga Patalastas sa pahina 3 kung anong mga aklat ang maaaring ialok sa isang pantanging halaga sa Enero at Pebrero. Pakisuyong pansinin na ang ilan sa mga ito ay nasa puting papel at maaaring ialok sa kalahating halaga, bagaman ang iba na nasa papel na newsprint ay maaaring ialok sa mas mababa pang halaga. Patatalastasan kayo ng mga matatanda sa inyong kongregasyon kung anong mga aklat ang taglay nila na maaari ninyong gamitin. Kung wala nito ang isang kongregasyon, makatuwirang pumidido nito sa Samahan kapag natanggap na ang Ating Ministeryo sa Kaharian na ito.
3 Kapag ginagamit ang Paksang Mapag-uusapan na, “Namamalaging Kaligayahan sa Pamamagitan Lamang ng Pamahalaan ni Jehova,” paano ninyo ihaharap ang alok na literatura? Naniniwala kami na anomang publikasyon ang ialok ninyo, may mga komento sa mga pahina nito hinggil sa Kaharian at mga pagpapala nito para sa sangkatauhan. Gumamit ng ilang sandali para repasuhin ang mga nilalaman ng mga aklat na inyong ihaharap at magpasiya kung ano ang inyong itatampok pagkatapos ng maka-Kasulatang pagtalakay ninyo.
4 Bakit hindi pagsikapan na magdala ng iba’t ibang aklat na ito sa inyong bag sa pangangaral sa Enero at Pebrero? Sa ganitong paraan, kapag nagpakita ng interes ang maybahay sa isang partikular na paksa, makapipili kayo ng publikasyon na higit na angkop para sa kaniya.
5 Nais ba ninyong makitang lumalalim ang kaunawaan at kaalaman sa Bibliya ng tinuturuan ninyo? Kung gayon, bakit hindi ninyo irekomenda na basahin nila ang ilan sa mga lumang aklat na ating iniaalok? At kung kayo ay bagong nakikiugnay sa organisasyon ni Jehova at hindi pa nakakabasa ng ilan sa mga publikasyong ito, nanaisin ninyo na idagdag ito sa inyong aklatan at basahin ang mga ito o gamiting reperensiya kapag mayroon kayong pagkakataon.
6 Kung ang inyong kongregasyon ay masyadong marami ng mga publikasyong ito at nadarama ng mga matatanda na hindi ninyo maipamamahagi ito sa dalawang buwang kampanya, maaari nilang patalastasan ang tagapangasiwa ng sirkito. Maaaring may nalalaman siyang iba pang kongregasyon na nangangailangan nito.
7 Panalangin natin na pagpalain ni Jehova ang pagsisikap na ito upang magamit ang mga lumang publikasyon natin sa pagtuturo nang higit tungkol sa Kaniyang Kaharian.