Pag-aalok ng Literatura sa Teritoryo na Iba’t Iba ang Wika
1. Bakit maraming kongregasyon ang nangangailangan ng literatura sa banyagang wika?
1 Sa maraming dako, makikita na sa larangan ang mga taong nagmula sa iba’t ibang lupain. Marami sa mga ito ang mas mabilis na natututo at nagiging mas malalim ang unawa kapag tinuruan sila sa kanilang katutubong wika. Ano ba ang mga kaayusan upang mabigyan ang mga interesadong ito ng salig-Bibliyang mga publikasyon sa wika na higit nilang nauunawaan?
2. Anong pagtutulungan ang kinakailangan kapag isa o higit pang kongregasyon na nagsasalita ng magkakaibang wika ang gumagawa sa iisang teritoryo?
2 Kung Kailan Iaalok ang Literatura: Kapag dalawa o higit pang kongregasyon na nagsasalita ng magkakaibang wika ang gumagawa sa iisang teritoryo, ang mga lupon ng matatanda na nasasangkot ay makikipagtulungan, sa pamamagitan ng kani-kanilang tagapangasiwa sa paglilingkod, sa paggawa ng kaayusan na kaayaaya sa lahat upang ang bawat grupo ng wika ay mabigyan ng lubusang patotoo. Kapag nangangaral sa bahay-bahay, ang mga mamamahayag ay kadalasan nang hindi mag-aalok ng literatura sa wika na ginagamit ng ibang (mga) kongregasyon. Gayunman, kapag ang mga mamamahayag ay nagpapatotoo nang di-pormal o sa pampublikong mga lugar, maaari silang mag-alok ng literatura sa mga wikang ginagamit sa komunidad.
3. Kailan dapat mag-stock ang isang kongregasyon ng literatura sa banyagang wika?
3 Kung Kailan Dapat Mag-stock ng Literatura: Ano ang maaaring gawin kapag may malaki-laking populasyon na banyaga ang wika sa isang lugar ngunit walang kongregasyon na gumagamit ng partikular na wikang iyon? Sa gayong mga kalagayan, ang mga kongregasyon ay maaaring mag-stock ng maliit na bilang ng saligang literatura na makukuha sa wikang iyon, gaya ng mga tract, ng mga brosyur na Hinihiling at Kaibigan ng Diyos, at ng aklat na Kaalaman. Maaaring ialok ng mga mamamahayag ang literaturang ito kapag nakatagpo sila ng mga taong nakababasa ng wikang iyon.
4. Paano makakakuha ng literatura sa wikang wala sa stock ng kongregasyon?
4 Kung Paano Pipidido ng Literatura: Kung ang kongregasyon ay walang stock na literatura sa wikang nababasa ng interesadong tao, paano makakakuha ng literatura sa wikang iyon? Maaaring itanong ng mamamahayag sa lingkod ng literatura kung aling mga publikasyon ang makukuha sa wikang iyon para mapidido ang kinakailangang literatura sa susunod na pagpidido ng kongregasyon ng literatura. Kung ang pidido ay para sa wikang Arabe, Hapones, Kastila, Koreano, o Tsino, maaari itong makuha mula sa stock natin sa sangay rito sa Pilipinas. Ngunit para sa ibang mga wika, kakailanganin nating pumidido mula sa ibang mga sangay, na maaaring tumagal nang ilang buwan.
5. Ano ang ating tunguhin kung bakit nais nating madaling makakuha ng mga publikasyong Kristiyano ang mga tao?
5 Gamitin nawa nating mabuti ang mga publikasyong Kristiyano upang tulungan “ang lahat ng uri ng mga tao,” anuman ang kanilang wika, na ‘sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan at maligtas.’—1 Tim. 2:3, 4.