Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Suskripsiyon
1 “‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, . . . sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova.’” (Amos 8:11) Ang mga salitang ito ay natutupad sa ngayon. Ang mga tao saanman ay nagugutom sa katotohanan ng Salita ng Diyos.
2 Mapaglalaanan ng bayan ni Jehova ang pangangailangang ito. Sa mahigit na isang daang taon ating ginagamit Ang Bantayan upang masapatan ang ganitong gutom sa espirituwal. Sa nakaraang 68 mga taon ang Gumising! ay nakatulong din sa mga taimtim na tao na sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan.
3 Walang alinlangan na nasiyahan kayo at nakinabang mula sa maraming maiinam na artikulo na lumabas sa mga magasing ito sa nakaraang mga taon. Bakit hindi tulungang makinabang din ang iba? Papaano natin magagawa ito?
4 Sa Abril at Mayo tayo ay mag-aalok ng suskripsiyon lalo na sa Ang Bantayan. Gayumpaman, maaaring piliin ng iba ang Gumising! at maaaring maging angkop din sa ibang pagkakataon na mag-alok ng suskripsiyon para sa magasing ito. May mga maiinam na karanasan sa pagkuha ng mga suskripsiyon. Halimbawa ang isang kapatid na lalake sa Macao ay nakakuha ng 82 bagong mga suskripsiyon sa isang buwan at 200 sa sumunod na buwan. Bagaman hindi pa tayo nagkaroon ng gayong tagumpay, ang pagkakaroon ng positibong saloobin ay tiyak na makatutulong sa pagtatamo ng mga suskripsiyon.
5 Ang positibong saloobing ito ay napakahalaga. Sumulat ang isang tagapangasiwa ng sirkito: “Mayroon itong mabuting epekto sa aming lahat. Dahilan sa pagiging positibo sa pagkuha ng suskripsiyon pangkaraniwan na lamang sa aming grupo na sa pagbabalik mula sa paglilingkod ay may mga apat o limang suskripsiyon ang nakuha.”
6 Isang kasiyasiyang espirituwal na pagkain ang inihanda para sa atin ng uring “tapat at matalinong alipin”! Sa pagtatampok ng temang “Ang Bibliya at Buhay Pampamilya,” Ang Bantayan ng Abril 1, 1988 ay tumatalakay sa paksang “Bakit Napakaraming Lumalayas na mga Anak?” at mayroon ding isang mainam na artikulong “Pagpapatibay sa Buklod ng Pamilya.” Ang Gumising! ng Abril 8, 1988 ay nagtatampok sa temang “Tayo ba’y Nasa mga Huling Araw Na?” Ito’y napakaiinam na mga paksa na aakit sa lahat ng mga tao sa ating teritoryo at magpapasigla sa kanilang sumuskribe ng mga magasin.
7 Bagaman ang kagutom sa espirituwal ay lumulubha, maligaya nating nararanasan ang katuparan ng Isaias 65:13: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain.” Kumakain tayong mabuti! Taglay ang gayong saganang espirituwal na pagkain, bakit hindi ito ibahagi sa iba? Maging positibo sa pag-aalok ng suskripsiyon sa lahat ng pagkakataon sa Abril at Mayo!