Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pag-aalok ng Suskripsiyon sa mga Pagdalaw-Muli
1 Samantalang totoo na ang karamihan sa mga suskripsiyon ay natatamo sa pag-aalok natin nito sa ministeryo sa bahay-bahay, maraming mga mamamahayag ang naging matagumpay sa pagkuha ng mga suskripsiyon sa mga pagdalaw-muli. Ang mga pagdalaw-muling ito ay sa mga tao na nangako na sususkribe, yaong mga nagpahiwatig na sila’y sususkribe, mga taong ang mga slips para sa natapos na suskripsiyon ay taglay natin, mga indibiduwal na ruta natin ng magasin, o mga tao na tinuruan natin noong una. Papaano natin gagawin ang gayong mga pagdalaw?
2 Kung may nagpahiwatig na nais niyang sumuskribe subali’t wala pang pera sa pagkakataong iyon, maaari nating punan ang subscription slip at itanong sa kaniya kung kailan niya nais na tayo’y bumalik upang kunin ang kontribusyon para sa suskripsiyon. Sabihin pa, hindi natin ipapasok ang suskripsiyon hangga’t hindi ibinibigay ng tao ang kontribusyon. Subali’t nasumpungan ng marami na sa pamamagitan ng pagsulat sa slip sa unang pagdalaw at pagbalik sa panahon na nais ng maybahay, sila ay nakakuha ng suskripsiyon.
3 Kung nais ninuman na basahin muna ang isang kopya bago magpasiya na sumuskribe, maaaring maglagay tayo ng kasalukuyang isyu at isaayos na bumalik. Kapag tayo ay bumalik, maaari nating ipagunita sa maybahay kung ano ang ating pinag-usapan at ibahagi ang ilang karagdagang punto sa kaniya. Pagkatapos ay banggitin natin sa kaniya na sinabi niyang nagnanais siyang sumuskribe pagkatapos na mabasa ang kasalukuyang isyu. Ang mga suskripsiyon ay kadalasang nakuha sa gayong mga pagdalaw.
4 Ang Samahan ay nagpapadala ng pahiwatig sa kongregasyon kapag malapit ng matapos ang suskripsiyon. Ang kapatid na humahawak ng suskripsiyon sa kongregasyon ay nais malaman kung sino ang maaaring dumalaw sa mga nagtapos na suskripsiyong ito. Kapag gumagawa ng gayong pagdalaw, maaari nating itampok ang ilang mahahalagang punto na sinaklaw sa magasin kamakailan at himukin ang suskritor na baguhin kaagad ito upang hindi niya malibanan ang anumang isyu.
5 Mayroong mga tao sa ating ruta ng magasin na hindi laging nasa bahay sa pagdalaw natin. O kaya’y maaaring malaki ang ating sinasaklaw na teritoryo at hindi natin nadadalaw ang mga ito kapag may bago tayong isyu ng magasin. Maaari nating sabihin sa kanila na sa pagkakaroon ng suskripsiyon ay hindi nila malilibanan ang anumang isyu ng magasin at sa ganitong paraan ay maaari tayong makakuha ng suskripsiyon.
6 Naririyan din ang mga dating nakipag-aral sa atin na tumigil na udyok ng ilang mga kadahilanan. Iminungkahi ng Samahan na puntahan natin ang gayong mga indibiduwal sa pana-panahon upang tingnan kung mapasisiglang muli ang kanilang interes. Maaari tayong dumalaw at bigyan sila ng pagkakataong sumuskribe kung hindi pa nila ginagawa iyon. Marahil may mababasa sila sa isa sa mga magasin na bubuhay sa kanilang interes na muling mag-aral ng Bibliya kasama natin.
7 Taglay natin ang pinakamabuting magasin sa daigdig, at tiyak na magnanais tayong gawin ang buong makakaya upang matulungan ang iba na makinabang mula sa mga ito. Kapag sumuskribe ang isang tao, ang lahat ng nasa sambahayan niya ay magkakaroon ng pagkakataon na mabasa ang impormasyon sa Bantayan at Gumising! na salig sa Bibliya at maaaring matulungan tungo sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.—1 Tim. 4:16.