Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Kamag-anak at mga Kakilala
1 Likas lamang na ang isang tao na tumanggap ng katotohanan ay magnais na ibahagi ito sa iba, lalo na sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Pagkatapos na anyayahan si Andres na maging tagasunod ni Jesus, nasumpungan niya ang kaniyang kapatid na si Simon nang “maaga pa kinaumagahan” at nagsabi: “Nasumpungan namin ang Mesiyas.” Gayundin, karakarakang hinanap ni Felipe si Nathaniel at hinimok siyang “pumarito ka at tingnan mo.”—Juan 1:41, 45, 46.
2 Kumusta naman kayo? Nagsasalita ba kayo sa inyong mga kamag-anak at mga kakilala tungkol sa katotohanan? Marahil ay nag-aatubili kayo dahilan sa takot na baka tanggihan nila ang pabalita at magbago ang kanilang damdamin sa inyo. Huwag mag-atubili. Ang pag-ibig sa kapuwa ay humihiling na kayo ay magsalita ng katotohanan nang walang takot. (Luk. 10:27) Yamang kilala na nila kayo, ang inyong mga kamag-anak ay maaaring mas gustong makinig sa inyo kaysa sa isang di kakilala na nagtungo sa kanilang pintuan.
BAKIT? PAPAANO?
3 Tandaan na ang lahat ng sangkatauhan na hindi naglilingkod kay Jehova ay “hiwalay” sa Diyos. Kaya ang kanilang buhay ay nasa panganib. (Col. 1:21) Nais ni Jehova na ang lahat ay makarinig ng katotohanan at “magsipagsisi.” (2 Ped. 3:9) Mayroon tayong maselang na pananagutan na sabihin sa lahat kung ano ang taglay ng kinabukasan. (Ezek. 33:7-9) Makaiisip ba kayo ng pamamaraan na tutulong sa inyong sambahayan at mga kakilala na matuto ng katotohanan?
4 Ang 1985 Yearbook ay naglalahad ng karanasan ng isang babae sa Hapon na napasa katotohanan dahilan sa pagtitiyaga ng isang espesyal payunir. Siya noon ay aktibong aktibo sa kaniyang dating relihiyon at maraming mga kamag-anak na nasa relihiyon pa ring iyon. Siya ay nagpasimulang mangaral sa kanila at sa loob ng limang taon mahigit sa 50 sa kanila ang naging mga Saksi.
5 Maaaring hindi magtagumpay ang una ninyong pagsisikap, subali’t huwag masisiraan ng loob. Sa maraming kaso, ang kasiyasiyang pagtugon ay hindi natatamo hanggang lumipas ang mga buwan o maging ng mga taon ng pagsisikap. Sinabi ni Jesus na maririnig ng kaniyang mga tupa ang kaniyang tinig, subali’t hindi natin aasahan na gagawin nila iyon sa unang pagdalaw. (Juan 10:16) Sa maraming taon marahil sila ay pinahirapan ng matandang sanlibutang ito, at maaaring kailanganing sila’y palaging pahiran ng nagpapaginhawang langis ng katotohanan ng Bibliya bago sila tumugon.
6 Ang Filipos 2:15 ay nagpapakita na upang tayo ay “lumiliwanag tulad sa mga ilaw” kailangan nating maging “walang sala at walay malay, mga anak ng Diyos na walang dungis.” Kaya dapat na makita ng ating sambahayan na ang katotohanan ay nakagawa ng isang malaking pagbabago sa ating buhay.—1 Ped. 2:12.
7 Gayumpaman, higit pa ang kailangan kaysa pagiging isa lamang mabuting halimbawa. Kailangang magbigay ng patotoo. (Roma 10:14; Gawa 8:31) Upang maabot ang miyembro ng pamilya na nasa malayong lugar, ang pagsulat ay isang mabisang paraan upang maibahagi ang mabuting balita. Ang inyong sulat ay hindi dapat na maging mapamuna, kundi positibo, nagpapatibay at palakaibigan. Dapat na maipakita nito ang kagalakan at pag-asa na nasa inyong puso mula nang matuto ng katotohanan.
MAGING POSITIBO
8 Ang ilang mga kapatid na babae ay natatakot na lubusan silang salangsangin ng kanilang asawang lalaki kaya ayaw silang magsabi sa kanila kung ano ang kanilang ginagawa sa kongregasyon. Sabihin pa, bawa’t isa ay kailangang gumawa ng personal na pagpapasiya sa bagay na ito. Subali’t hindi natin dapat kaligtaan ang kahalagahan ng marubdob na panalangin kay Jehova kapag naghahandang magpatotoo sa mga miyembro ng pamilya at mga kakilala. (Fil. 4:6; 1 Tim. 2:1) Magkaroon ng positibong saloobin. Walang pagsalang pagpapalain ni Jehova ang inyong taimtim na pagsisikap.