Paghaharap ng Mabuting Balita—Na may Personal na Pananalig
1 Ang apostol Pablo ay nagsabi sa kongregasyon ng Tesalonica, “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang kundi sa kapangyarihan din naman at ng banal na espiritu at matibay na pananalig . . . at kayo’y nagsitulad sa amin at sa Panginoon.” (1 Tes. 1:5, 6) Oo, si Pablo at ang kaniyang mga kasama, lakip na ang kongregasyon sa Tesalonica ay tiyak na nakakaalam na sila ay sumasamba nang wasto sa Diyos. Ang pananalig na ito ay nakikita sa kanilang pananalita. Ang ating ministeryo din naman ay dapat na kakitaan ng matibay na personal na pananalig.
MAGSALITA MULA SA PUSO
2 Papaano natin maipakikita ang personal na pananalig sa ating ministeryo? Una sa lahat ito ay sumasaklaw sa pagpapahayag ng nasa ating puso. Ang ating pagkilos ay dapat na magpakita na talagang pinaniniwalaan natin ang ating sinasabi. Kapag tayo ay nagsasalita mula sa puso, ang ating kataimtiman at pananalig ay makikita, yamang ‘mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.’—Luk. 6:45.
3 Upang maipakita natin ang personal na pananalig, dapat tayong magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa katotohanan at sa organisasyon ni Jehova. Ang positibong pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ay magpapasigla sa inyo sa paghaharap ng katotohanan nang may pananalig. Si Jesus ay naglaan ng isang mainam na halimbawa para sa atin sa pakikipag-usap sa babaeng Samaritana.—Juan 4:21-24.
4 Ang paraan ng ating pag-aalok ng literatura ay nagpapakita kung tayo ay nagsasalita mula sa puso. Kailangan tayong maging pamilyar sa alok na literatura at pumili ng tiyak na mga punto na magbibigay ng gana sa maybahay. Ito ay magpapatibay sa ating pagtitiwala habang ating inihaharap ang literatura.
IWASAN ANG KINAGAWIAN
5 Kung minsan ang ilang kinagawian ay makakaapekto sa pangmalas ng maybahay sa ating kataimtiman at pananalig. Ang hindi kinakailangang pagtingin sa ating literatura o paggala ng ating tingin habang nagsasalita sa maybahay ay maaaring magbigay ng impresyon na hindi tayo taimtim. Dapat tayong tumingin sa maybahay habang nagsasalita, na nagpapakita na pinaniniwalaan natin ang ating sinasabi.
6 Ang ilan na mahiyain ay maaaring mahirapang tumingin sa maybahay. Kung gayon, ano ang maaaring gawin sa bagay na ito? Kung minsan ang suliraning ito ay dahilan sa labis na pag-iisip hinggil sa inyong kahinaan samantalang nagsasalita, na marahil ay nakakadama na may higit na kuwalipikadong tumulong sa taong ito. Gayumpaman, gawain ito ni Jehova. Isipin ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang walang hanggang lakas at kapangyarihan sa halip na sa inyong sariling kahinaan. Nang si Pablo ay tumayong nag-iisa, sinabi niya, “Ang Panginoon ay sumaakin at ako’y pinalakas, upang sa pamamagitan ko ang mabuting balita ay maitanyag nang ganap.” (2 Tim. 4:17) Kayo rin naman ay maaaring tumanggap ng lakas mula kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin.
7 Ang iba pang kinagawian, tulad ng pagpapalipat-lipat ng paa o labis na pagbuklat ng inyong Bibliya o literatura ay tanda ng pagkakaroon ng nerbiyos. Ang mga ito ay maaaring makontrol kung babantayan ninyo at kung kayo ay magtitiwala kay Jehova na tutulong sa inyo na magkaroon ng higit na tibay ng loob.
8 Ang anyo ng mukha ay mahalaga rin yamang karaniwang inihahayag nito ang laman ng inyong puso. Ang matibay na pananalig at taimtim na interes sa maybahay ang dapat na makita sa inyong anyo.
9 Ang pagpili natin ng mga salita ay mahalaga din naman. Kung paulit-ulit nating ginagamit ang mga salitang gaya ng “sa palagay ko” at “marahil” maaaring madama ng maybahay na hindi ninyo tiyak ang inyong sinasabi. Ang pagpili natin ng mga salita ay dapat na magpakita ng ating pananalig.—Ihambing ang Mateo 7:28, 29.
10 Habang kayo ay nagsisikap na iharap ang mabuting balita taglay ang pananalig, makatitiyak kayo na ang ‘inyong mga gawa ay hindi sa walang kabuluhan kung tungkol sa Panginoon.’—1 Cor. 15:58.