Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Paggamit ng mga Inilathalang Mungkahi
1 Upang maging dalubhasa sa isang gawain ito ay nangangailangan ng maraming panahon at pagsisikap. Ang ilang gawain ay humihiling sa isang tao na pasulungin pa ang kaniyang kakayahan sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay. Gayundin, upang maging mabisang mga lingkod ni Jehova ito ay nagsasangkot sa pagsulong sa katotohanan at patuluyang pagpapaunlad sa ating ministeryo.
2 Nang suguin ni Jesus ang 70, tinuruan niya sila kung ano ang kailangan nilang sabihin at kung papaano sila kikilos. (Luk. 10:1-11) Idiniin din ni apostol Pablo ang pangangailangan na ingatang matalas ang kakayahan sa paglilingkod: “Mag-ingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo.” Ito’y nagpapakita na ang wastong pagsasanay ay kailangan upang maging matagumpay sa ministeryo. Upang matugunan ang pangangailangang ito, “ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng maraming pantulong, isa na rito ang Ating Ministeryo sa Kaharian.
NAKATUTULONG NA MGA PAALAALA
3 Sa nagdaang mga taon ang buwanang paglalaang ito ay nagbigay sa atin ng maraming nakatutulong na paalaala. Dito ay nakasusumpong tayo ng mga mungkahing presentasyon, alok para sa buwan, at impormasyon kung papaano natin mapasusulong ang ating paglilingkod sa larangan. Subali’t upang lubusang makinabang sa gayong patnubay, kailangan nating ikapit ang mga bagay na ating natutuhan. Sa pamamagitan ng paggawa nito, tayo ay nakikinabang mula sa karunungan at karanasan ng mga kapatid na may mayamang karanasan bilang mga aktibong mangangaral. Ang Awit 19:7 ang nagsasabi: “Ang paalaala ni Jehova ay maaasahan, na ginagawang pantas ang walang karanasan.” Kaya, lalo na doon sa nagpapasimula pa lamang na maglathala ng mabuting balita, sila ay makikinabang mula sa nakatutulong na mungkahi na ibinibigay sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Subali’t tayo man ay baguhan o makaranasan na sa ministeryo, ang may pagpapahalagang pagkakapit ng nakatutulong na mga paalaala ay nagdudulot ng mayamang mga kapakinabangan.—Awit 119:2; ihambing ang Kawikaan 1:5.
4 Isaalang-alang ang isang halimhawa ng isang kapatid na isinapuso ang patnubay na ibinigay sa isyu ng Hulyo, 1983 sa ilalim ng “Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pagkakaroon ng Ruta ng Magasin.” Papaano siya nakinabang? Ngayon siya ay palagiang dumadalaw sa 60 mga tao, na nagdadala sa kanila ng kasalukuyang magasin. Walang pagsalang ang kapatid na ito at ang kaniyang mga dinadalaw ay pinagpapala sa pamamagitan ng kaniyang pagkakapit sa patnubay na nasumpungan sa Ating Ministeryo sa Kaharian.
5 Sa isyu ng Agosto, 1981, ang artikulong “Lubusan ba Ninyong Ginagawa ang Inyong Teritoryo?” ay nagbigay ng isang mungkahi sa paggawa sa mga wala-sa-tahanan. Inirekomenda nito na mag-ingat ng isang rekord tungkol dito at pagkatapos ay muling balikan bago lisanin ang teritoryo. Ang isang kongregasyon dahilan sa pagsunod sa mungkahing ito ay nasumpungan ang 50 porsiyento ng mga wala-sa-tahanan pagkatapos na ang mga mamamahayag ay nagbalik makalipas ang isang oras o mahigit pa. Kaya sila ay nagtamo ng kagalakan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga maiinam na mungkahi.
6 Sa pagbabakasyon, isang mag-asawa ang nagkapit ng mungkahi na masusumpungan sa isyu ng Abril, 1985 sa ilalim ng “Isang Panahon ‘Upang Magalak at Gumawa ng Mabuti.’” Sa paghanap ng pagkakataon upang makapagbigay ng impormal na patotoo, sila ay nakapaglagay ng literatura at nakapagsagawa ng maraming pakikipag-usap. Nasumpungan nila na pinapangyari nito na maging higit na kasiya-siya ang kanilang bakasyon. Habang dumadalaw sa mga kaibigan at mga kamag-anak, ang kanilang mga karanasan ay naglalaan ng isang saligan para sa nakapagpapatibay na mga pag-uusap.
7 Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga apostol: “Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito.” (Juan 13:17) Nalalaman niya na ang kaniyang mga alagad ay magiging maligaya sa kanilang ministeryo kung kanilang isinasagawa ang mga bagay na itinuro niya sa kanila. Oo, ang kaligayahan sa ministeryo ay idinudulot ng paggamit sa mga inilalaan ng organisasyon ni Jehova. Patuloy nating gamitin ang mga paalaala at mga mungkahi na inilalaan sa Ating Ministeryo sa Kaharian upang tayo ay maging mga mabisang lingkod ni Jehova.