Kayo Ba ay Nagpapatotoo sa Paaralan?
1 Bagaman kayo ay nagtutungo sa paaralan upang turuan, kayong mga kabataang Kristiyano ay may pagkakataon rin na magturo sa iba habang nasa paaralan. Maibabahagi ninyo ang mabuting balita sa inyong mga guro at mga kamag-aral. Ang inyong may kabihasahang pagpapatotoo sa paaralan ay malaki ang magagawa upang magdulot ng papuri sa pangalan ni Jehova at magdala ng malaking kasiyahan at kagalakan sa inyo.
KUNG ANO ANG INAASAHAN NI JEHOVA
2 Nais ni Jehovang Diyos na ang mga kabataan ay mapasangkot sa tunay na pagsamba. (Awit 148:12, 13) Nilayon niya ang isang dako para sa mga kabataan sa paglilingkuran sa kaniya. (Awit 110:3; Mat. 19:13, 14) Sa pamamagitan ng pagsasangkot sa inyong sarili sa masigasig na pagpapatotoo sa kapuwa estudiyante at sa pagpapanatili sa matuwid at tapat na paggawi habang nasa paaralan, kayo ay makakabahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. (Kaw. 27:11) Ang inyong taimtim na halimbawa ng pananampalataya ay magpapangyaring purihin din ng iba si Jehovang Diyos.—Mat. 21:15, 16; Fil. 2:20.
3 Ingatan sa kaisipan na ang pagkadalubhasa ay bunga ng pagsasanay. Ang pagkatuto lamang kung papaano tutugtugin ang isang instrumento sa musika ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay nakatutugtog na nang mabuti. Gayundin, ang mga kabataan ay dapat munang lubusang makibahagi sa mga panimulang gawain ng Kristiyano bago sila maging mabisa sa ministeryo. Magpatuloy na sumulong gaya ng ginawa ng kabataang si Jesus. (Luk. 2:52) Mag-aral na bumasang mabuti. Lubusang gawin ang pag-aaral. Isapusong mabuti ang pag-aaral ng inyong pamilya at ng kongregasyon. Sa paggawa nito, magkakaroon kayo ng mabuting katayuan gaya ng kabataang si Timoteo.—Gawa 16:1, 2.
ANO ANG MAGAGAWA NG MGA MAGULANG
4 Mga magulang, pasiglahin at tulungan ang inyong mga anak na mangaral nang impormal habang nasa paaralan. Ipakita sa kanila na ang pananatili sa katotohanan at pagpapatotoo tungkol dito ay kadalasang nagsasanggalang sa kanila na hindi masangkot sa maling paggawi habang nasa paaralan. Nagdudulot din ito ng paggalang mula sa mga kamag-aral na hindi Saksi.
5 Sa paaralan, ang mga kalagayan ay kadalasang bumabangon na doo’y malaki ang panggigipit upang makibahagi sa mga proyekto ng klase o paglalakbay sa pana-panahon bukod pa sa regular na oras sa paaralan. Ang panggigipit mula sa mga guro at tagapagsanay sa palakasan upang makibahagi sa extracurricular na mga gawain ay maaaring lubhang malaki kaysa makakayanang mag-isa ng inyong anak. May maiinam na impormasyon na inilathala sa mga pahina 22-5 ng School brochure upang papagtibayin ang wastong kaisipan sa mga bagay na ito. Bakit hindi gawing saligan ang mga paksang ito ng inyong lingguhang pampamilyang pag-aaral nang pansamantala? Ang seksiyong masusumpungan sa mga pahina 8-11 ay bumabalangkas sa mga moral na simulain na kailangang sundin ng isang kabataang Saksi upang mapaluguran si Jehova. Kung kailangan pa ang karagdagang impormasyon, ito ay masusumpungan sa aklat na Kabataan. Ang paglalaan ng panahon upang maisaalang-alang ang mga bagay na ito sa inyong anak ay magluluwal ng kapakipakinabang na resulta.—Kaw. 22:6.
GAMITIN ANG SCHOOL BROCHURE
6 Bakit hindi ninyo dalhin ang brochure sa paaralan? Kung walang kopya ang inyong guro, paglaanan siya. Ipakita kung papaano binabalangkas ang mga bagay-bagay sa tuwiran nguni’t maikling paraan, na ipinaliliwanag na pahahalagahan ninyo kung babasahin ng guro ang brochure upang maging pamilyar sa kung ano ang maaasahan sa inyong magiging paggawi habang nasa paaralan. Ito ay tutulong sa inyo na maiwasan ang mga problema may kaugnayan sa pagsaludo sa bandila, mga kapistahan, at iba pang mga kalagayan.
7 Habang patuloy ninyong ikinakapit ang mga Kristiyanong simulain sa taon ng pag-aaral, makatitiyak kayo na maraming mabubuting pagpapala ang naghihintay sa inyo mula kay Jehova, maging ngayon at sa hinaharap. Kapuwa sa pamamagitan ng inyong bibigang pagpapatotoo at sa inyong mainam na paggawi, huwag ninyong kalilimutan na kayo ay isang Saksi ni Jehova. Kagaya ng sinasabi ng Kawikaan 20:11, “Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay magiging malinis at kung magiging matuwid.”—Tingnan din ang Awit 37:37.