Ano ang Kalagayan ng Inyong mga Anak sa Paaralan?
1 Ngayong ang ating mga kabataan ay nagsisipag-aral na naman sa paaralan sa taóng ito, papaano nila hinaharap ang hamon ng paglilingkod kay Jehova sa ilalim ng mga pagsubok sa kanilang katapatan? Papaano mapatitibay ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga pagsubok na kanilang hinaharap?
GAMITIN ANG SCHOOL BROCHURE
2 Ang School brochure ay dinisenyo upang maliwanag na maiharap sa mga guro ang paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova may kaugnayan sa mga gawain sa paaralan. Ito’y naglalaan din ng giya hinggil sa nagkakaisang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa paggawing moral.
3 Para sa maraming kabataan ang brochure na ito ay nagsisilbing isang tunay na sanggalang. Halimbawa, isang magulang na Saksi ang nakaalam na ang mga pahayag hinggil sa edukasyon sa sekso ay ibinibigay sa mga estudiyante ng mga taong mabababa ang moral. Taglay ang brochure, ipinakipag-usap ng magulang ang kaniyang pagtutol at hiniling ang pagbabago sa klase ng kaniyang anak na babae.
4 Malaki ang magagawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na maging “laging handa sa pagsagot sa bawa’t isa” na nagtatanong sa kanila. (1 Ped. 3:15) Sa ilang mga kaso ang mga magulang ay nag-eeskedyul ng pana-panahong pagdalaw sa paaralan upang makipag-usap sa guro. Ang gayong personal na interes ay nagpapatibay sa buklod ng magulang at ng anak. Ang ilan ay umuupo pa nga sa silid-aralan kapag ito ay ipinahihintulot.
MAGING ISANG SAKSI ARAW-ARAW
5 Isang kabataang Saksi sa Colorado ang humiling ng tulong sa kaniyang guro para sa mga mahihirap na salita kapag binabasa niya ang Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw. Isang araw, napansin niyang nawawala ang kaniyang bukleta. Iyon ay “hiniram” ng kaniyang guro noong maaga siyang umuwi dahilan sa pagkakasakit. Hindi nais ng guro na malibanan ang pagbasa ng teksto.
6 Ang isang positibong pangmalas kasama ng masikap na paghahanda ay tutulong kapuwa sa mga magulang at mga kabataan na ‘bigkisin ang kaisipan ukol sa gawain’ samantalang nasa paaralan.—1 Ped. 1:13.