Maging Mapamaraan sa Inyong Ministeryo
1 Ang pagiging mapamaraan ay nangangahulugan na nakagagawa ng pagbabago at pakikibagay. Sa ating pagiging mapamaraan ay naaabot natin ang higit na maraming tao at maraming mabubuting bagay ang naidudulot nito sa ating pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita.
2 Tayo ay dapat na nakagagawa ng mga pagbabago sa pag-eeskedyul ng panahon sa paglilingkod sa larangan. Sa ilang dako iilan lamang tao ang nasa tahanan kung araw. Papaano natin masusumpungan sila? Maaari ba nating baguhin ang ating eskedyul upang makapagpatotoo sa gabi? Ang ilang kongregasyon ay nagtamo ng napakaiinam na bunga sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga grupo na lumalabas sa paglilingkod sa larangan sa gabi, o sa Sabado o Linggo ng hapon. Ang pagpapatotoo ba sa gabi ay praktikal sa inyong teritoryo?
3 Isang mabuting patotoo ang maibibigay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong naghihintay sa mga paradahan ng bus, sa mga nakaupo sa nakaparadang sasakyan o sa mga naglalakad sa lansangan. Ang ating interes sa mga tao ang siyang mag-uudyok sa atin na lapitan ang lahat hangga’t magagawa natin taglay ang mabuting balita.—Mat. 9:35.
MAGING MAPAMARAAN SA PINTUAN
4 Kapag lumalapit sa pintuan, isipin ang pangangailangang maging mapamaraan sa inyong pakikipag-usap. Magmasid at makinig. Maayos ba ang tahanan? May mga bulaklak ba o halamanan? Mga laruan? May tanda ba ng pagiging relihiyoso? Kapag nagbukas ng pintuan, mapapansin natin kung ang maybahay ay bata pa o matanda na, abala o walang ginagawa, abp. Kapag nagsalita ang maybahay, malalaman natin kung ano ang kaniyang gusto, o ayaw, relihiyosong paniniwala at ikinababahala. Pinahahalagahan ng mga tao sa pangkalahatan kapag isinasaalang-alang natin ang kanilang kalagayan o pangmalas.
5 Kapag nagbangon ng pagtutol ang maybahay, katalinuhan na isaalang-alang iyon at pag-usapan sa maikli ang kaniyang pangmalas. Ang aklat na Reasoning From the Scriptures ay makatutulong sa atin sa bagay na ito. Ang impormasyon sa ilalim ng paksang “Creation” at “Evolution” ay partikular na makatutulong sa ating pag-aalok ng aklat na Creation sa Mayo.
6 Maraming mamamahayag ang gagamit ng bagong tract na Kingdom News No. 33, upang maiharap ang aklat na Creation. Nanaisin naman ng iba na gamitin mismo ang aklat upang pumukaw ng interes. Pagkatapos banggitin ang isang nakatatawag-pansing punto sa tract, maaari ninyong akayin ang pansin sa kabanata 4, “Could Life Originate by Chance?” at basahin ang parapo 1. Pagkatapos ay maaari ninyong sabihing ang kabanatang ito ay nagtataglay ng mga komento mula sa mga ebolusyonista tungkol sa posibilidad na maaaring nagsimula ang buhay sa di sinasadyang paraan. Maaari ninyong ipakita ang iba’t ibang mga sub-titulo, mga pagsipi, o mga ilustrasyon na makakaakit sa maybahay upang basahin ang aklat.
7 Papaano natin maiaalok ang aklat na Creation sa mga hindi naniniwala sa ebolusyon? Maaari ninyong itanong sa kanila kung bakit ang isang maibiging Diyos ay nagpapahintulot sa napakaraming pagdurusa. Pagkatapos ay bumaling sa parapo 1 sa pahina 188 at ipakita na ang katanungang ito ay tinatalakay sa aklat. O baka nanaisin ninyong bumaling sa pahina 191, basahin ang parapo 8, at ihambing ang mga ilustrasyon nina Adan at Eba sa mga pahina 189 at 191.
8 Sa pamamagitan ng ating lubusang paghahanda at sa ating pagsisikap na gumawa ng mga pagbabago sa ating eskedyul sa paglilingkod sa larangan at sa ating presentasyon, maaari tayong maging higit na mabisa sa ating pangangaral ng mabuting balita.