Naghahayag ng Kaharian ni Jehova
1 Mula ng taong 1939 ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova” ay lumitaw sa pabalat ng bawa’t isyu ng Ang Bantayan, at gaano kaangkop ito! Ang mga tao saanman ay kailangang makaalam ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Bakit? Sapagka’t ang Kaharian ang siyang lunas sa lahat ng mga suliranin na bumabagabag sa sangkatauhan at sapagka’t ang mismong buhay ng mga tao ay nanganganib. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at ng magasing ito libu-libong mga tao sa lahat ng panig ng lupa ang nakakilala at umibig kay Jehova, at sila’y may kasiglahan na nakikisama sa lumalaking bilang ng tapat na mga tagapagtaguyod ng kaniyang Kaharian.
2 Angkop nga kung gayon na ating gamitin ang mga buwan ng Abril at Mayo para sa ika-49 na taunang kampanya sa suskripsiyon ng Bantayan. Bagaman ang pagdiriin ay dapat na ilagay sa Ang Bantayan, may maiinam na resulta ang natatamo sa pag-aalok din ng suskripsiyon sa Gumising!
PAGGAMIT SA ANG BANTAYAN SA PAGTULONG SA IBA
3 Nais nating kunin ang bawa’t pagkakataon na mag-alok ng suskripsiyon. Ang ilang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng bahay-bahay; mga pagdalaw-muli; pangangaral sa lansangan at sa mga dako ng negosyo; sa mga kapitbahay, kamanggagawa, o kamag-aral; at bilang regalo sa mga kamag-anak. Walang pagsalang iisipin ninyo ang iba pang paraan upang maialok ang mga suskripsiyon. Ang mga nakatutulong na mungkahi ay ibinigay sa Ating Ministeryo sa Kaharian para sa Abril, 1983.
4 Ang mga panimulang artikulo sa mga isyu ng Abril at Mayo ng Ang Bantayan ay tumatalakay sa paksang “Diyos,” na sumasaklaw sa iba’t ibang bahagi nito bawa’t isyu. Halimbawa, ang isyu ng Abril 1 ay tumatalakay sa “Ang Diyos—Siya ba’y Isang Tunay na Persona?” Ang isyu ng Abril 15 ay tungkol sa “Ang Karunungan ng Diyos—Nakikita Mo Ba?” Ang isyu ng Mayo 1 ay sumasagot sa katanungang, “Ang Lahat Bang mga Hula ay Mula sa Diyos?” Ang isyu ng Mayo 15 ay tumatalakay sa paksang, “Ano ang Nagawa ng Diyos para sa Inyo?” Ang mga paksang ito ay dapat na maging isang malaking tulong sa atin sa masiglang paghaharap ng mga suskripsiyon sa Abril at Mayo.
5 Upang makabuluhang maitawid ang anumang bagay, mahalaga ang patiunang paghahanda. Lubusang maging bihasa sa materyal na inyong ihaharap. Itampok ang espesipikong mga punto sa mga magasin.
6 Maging handa ring ilarawan ang layunin at nilalaman ng Ang Bantayan sa pangkalahatang paraan. Ang mga maybahay ay maaaring interesado sa mga bagay gaya ng bilang ng mga wika na doo’y nalathala Ang Bantayan, gaano karaming kopya ang inililimbag bawa’t isyu, bilang ng mga lupain na doo’y ipinamamahagi ito, at ang bagay na ito ay binabasa ng mga tao ng lahat ng relihiyon.
MGA PUNTO NA DAPAT TANDAAN
7 Ang tunay na layunin sa likuran ng ating gawain ay upang magbigay ng patotoo at linangin ang interes sa Salita ng Diyos. Ang Bantayan ay isang mahalagang tulong para maunawaan at igalang ng mga tao ang Bibliya. Kaya tiyaking dalawin ang mga napaglagyan ng mga magasin at suskripsiyon, na pinagsisikapang mapasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya doon sa mga nagpamalas ng interes. Kadalasan ang mga usapan ay maaaring mapasimulan sa mga artikulo ng magasin, na aakay sa dakong huli sa isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya, magpakita ng pagtitiwala at kataimtiman habang inyong inihahayag ang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng suskripsiyon sa Bantayan sa Abril at Mayo.