Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Paglilingkod sa Larangan
1 Gaano kahalaga na bigyan ng sapat na pangangalaga at atensiyon ang pamilya ng isa! Si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Datapuwa’t kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kaysa hindi sumasampalataya.” (1 Tim. 5:8) Ang isa sa pangunahing pananagutan ng mga Kristiyanong magulang ay ang turuan at sanayin ang kanilang mga anak. (Deut. 6:6, 7; Efe. 6:4; 1 Tim. 4:15, 16) Ang pagsasanay sa pamilya ay magpapangyari na higit na maraming kuwalipikadong ministro ang magpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian.—2 Tim. 2:1, 2.
2 Ang mga magulang ay dapat na may regular na eskedyul ng kanilang panahon upang gumawa kasama ng kanilang mga anak sa larangan ng paglilingkuran. Ang palagiang pagsasama sa inyong mga anak ay tutulong sa kanilang makita ang kahalagahan ng paglilingkod sa larangan. Habang sumusulong ang kanilang kakayahan at nakakaranas ng mga pagpapala ni Jehova sa kanilang gawain, ang kanilang kagalakan ay susulong.—Awit 71:17.
3 Ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang inyong mga anak na masiyahan sa ministeryo sa larangan? Ipakita sa kanila kung papaano sila makikibahagi. Maghandang magkasama para sa paglilingkod sa larangan. Depende sa kanilang edad, sila ay maaaring matutong makinig samantalang nasa mga pintuan, o magbigay sa mga maybahay ng isang paanyaya o tract. Habang sila ay sumusulong, sanayin sila na makibahagi sa pagbasa ng kasulatan. Maraming mga kabataan ang nasisiyahang magpatotoo taglay ang mga magasin. Maaaring matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na humanap ng mga litaw na punto sa bagong mga magasin at magbigay ng mabisang presentasyon. Ang palagian at progresibong pagsasanay ay nagluluwal ng mga positibong bunga.—Efe. 4:13, 14.
KAHALAGAHAN NG HALIMBAWA
4 Tinutularan ng mga bata ang kanilang nakikita. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mabuti ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak.” (Kaw. 13:22) Kung gayon, ang mga magulang ay kailangang magbigay ng mabuting halimbawa. Ang inyong saloobin hinggil sa paglilingkuran ay may malaking epekto sa inyong mga anak. Ang inyo bang pagsasalita at paggawi ay nagpapakita na minamalas ninyo ang pagpapayunir bilang isang tunguhin na maaaring tamuhin ng bata at matanda?—Deut. 5:29.
5 Maraming kabataan na hindi pa bautisado ang nakikibahagi na sa paglilingkod sa larangan. Nagagalak tayong makasama sila. (Mat. 19:13-15) Maaaring masyadong bata pa sila upang ganap na maunawaan ang kahulugan ng pag-aalay. Subali’t dapat na tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makita ang pangangailangan na sumulong at sa takdang panahon ay kumuha ng hakbanging mag-alay at magpabautismo. Umaasa kami na ang ating mga kabataang mamamahayag ay patuloy na susulong sa kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang pagnanais na paglingkuran siya.