Isang Karera Taglay ang Walang Hanggang Gantimpala
1 Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Gawin mo ang gawa ng ebanghelisador, lubusang ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Tim. 4:5) Inilaan ni Timoteo ang kaniyang buhay sa gawain ng Diyos. Siya’y napaalipin kasama ni Pablo, na nagpapakitang talagang ‘hinahanap niya ang mga kapakanan ni Kristo.’ (Fil. 2:19-21) Ang lahat ng tunay na Kristiyano ay dapat na magkaroon ng gayunding espiritu.
2 Minamahalaga ba ninyo ang ministeryo? Maaari bang gawin ninyong karera ang pagpapayunir? (Mat. 6:33; 2 Cor. 4:1, 7) Sa araw-araw ay magkakaroon kayo ng kasiyahan na makipag-usap sa iba tungkol kay Jehova, tumulong sa iba na makilala at ibigin siya. (Awit 96:1-4) Anong di mailarawang kagalakan habang nakikita natin na tumutugon ang mga tao sa tagubilin ng Bibliya! Ang ilan noong una ay namumuhay nang imoral, marahas, o walang pag-asa, subali’t ngayon ay naglilingkod na sila kay Jehova. Ang pagpapayunir ay isang karera na makapagdudulot ng namamalaging kabutihan. Kaya, suriin ang inyong kalagayan at kung maaari, maglagay ng tiyak na petsa bilang inyong tunguhin sa pagpasok sa pambuong-panahong paglilingkuran. Gumawa ukol doon. Manalangin ukol sa tulong ni Jehova upang tamuhin iyon. Ang mga gantimpala ay malaki!
ISANG KASIYASIYANG PARAAN NG PAMUMUHAY
3 Ang pagpapayunir taglay ang tamang motibo ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng higit na espirituwal na pangmalas sa buhay. Ito ay makatutulong sa inyo na maging timbang, upang matalinong magamit ang inyong panahon, wastong paggastos, at maging kontento sa mga pangangailangan sa buhay. (1 Tim. 6:6) Ang pagpapayunir ay maaaring magsangkot sa mga pagsasakripisyo. Handa ba kayong magsakripisyo dahilan sa inyong pag-ibig kay Jehova? Ito ay magsisilbing isang proteksiyon mula sa makasanlibutang mga ambisyon at asosasyon. Ang mga kapakinabangan ng pagpapayunir ay maaaring maging walang hanggan.—Mal. 3:10.
MAGPASIGLA SA PAGPAPAYUNIR
4 Sa ngayon, maraming mga Kristiyano ang naliligayahan na ang kanilang mga magulang ay nagpamalas ng espiritu ng pagpapayunir. Gaya ng inilahad ng isang misyonero: “Sa panahon ng aking kabataan ang aking ina ay napakasigasig sa ministeryo. Sa palagay ko hindi masyadong mahalaga kung ano ang kaniyang sinabi kundi kung ano ang kaniyang ginawa, ang kaniyang mabuting halimbawa, ang nakaimpluwensiya sa akin nang lubusan upang magkaroon ng pagnanais na gamitin ang aking buhay sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova.” Isang kapatid na babae na nasa buong-panahong paglilingkod ang nagsabi: “Ang pagiging di materyalistiko ng aking ina at ang malinaw na pangmalas sa katotohanan ang nakatulong sa akin na iwasan na masangkot sa sekular na karera.” Isang kabataang ministro ang nagsabi tungkol sa kaniyang mga magulang: “Lagi nilang inilalagay sa harapan ko ang kagalakan at ang pribilehiyo ng pagpapayunir. . . . Ito ang dapat na gawin ng lahat ng mga magulang sapagka’t ito’y talagang nakatulong sa akin.” Tunay na naaalaala at ginagantimpalaan ni Jehova ang gayong walang pag-iimbot at maibiging mga magulang.
5 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Katotohana’y ang aanihin ay marami, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mat. 9:37, 38) Yamang tayo ay nasa panahon ng katapusan, ang pangangailangan ukol sa mga manggagawa ay higit na malaki ngayon kaysa noong kaarawan ni Jesus. Kaya ipinaaabot ng mga payunir sa iba pa ang paanyaya: “O dakilain ninyo kasama ko si Jehova, at tayo’y mangagbunyi na magkakasama sa kaniyang pangalan.”—Awit 34:3.