Ngayon Na ang Panahon Upang Mangaral!
1. Bakit ngayon na ang panahon upang mangaral?
1 “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” Sa patnubay ng mga anghel, ang mensaheng ito ay ipinahahayag “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Bakit? “Sapagkat dumating na ang oras ng paghatol [ng Diyos].” Sa ngayon, nabubuhay tayo sa “oras ng paghatol” na iyan, na sasapit sa kasukdulan sa pagkalipol ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Napakahalaga para sa mga tao na “sambahin . . . ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” Walang ibang gawain sa ngayon ang maihahambing sa kahalagahan o pagkaapurahan ng paghahayag ng “walang-hanggang mabuting balita.” Oo, ngayon na ang panahon upang mangaral!—Apoc. 14:6, 7.
2. Paano ipinakikita ng mga lingkod ni Jehova na batid nila ang pagkaapurahan ng panahon?
2 Sa nakalipas na sampung taon, ang mga lingkod ni Jehova ay gumugol nang halos 12 bilyong oras sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Marami ang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay upang gumugol ng mas maraming panahon sa espirituwal na pag-aani. (Mat. 9:37, 38) Bilang halimbawa, noong 2004, may katamtamang bilang na mahigit sa 850,000 mamamahayag ang naglingkod bawat buwan bilang mga payunir. Para sa mga regular pioneer, humihiling ito ng katamtamang 70 oras bawat buwan sa gawaing pangangaral. Para naman sa mga auxiliary pioneer, ang kahilingan ay 50 oras.
3. Anong mga pagbabago ang madalas na kailangang gawin ng mga mamamahayag upang makapagpayunir?
3 Kung Paano Makapagpapayunir: Yamang batid nila na “ang panahong natitira ay maikli na,” nagsisikap ang mga payunir na panatilihing simple ang kanilang buhay. (1 Cor. 7:29, 31) Naghahanap sila ng mga paraan para mabawasan ang kanilang gastusin upang mas kaunting oras na lamang ang kailangan nilang gugulin sa sekular na trabaho. Halimbawa, lumipat ang ilan sa mas maliit na tirahan. Inalis naman ng iba ang di-kinakailangang materyal na ari-arian. (Mat. 6:19-21) Kadalasan, kailangan din nilang bawasan ang personal na mga gawain. Ang lahat ng ito ay ginawa upang maabot ang tunguhing makapaglaan ng higit na panahon at atensiyon sa ministeryo. (Efe. 5:15, 16) Dahil sa pagtitiyaga, espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, at may-pananalanging pananalig kay Jehova, maraming mamamahayag ang nakagawa ng praktikal na iskedyul upang makapagpayunir.
4. Anong praktikal na mga hakbang ang makatutulong sa iyo upang maabot ang tunguhing magpayunir?
4 Maaari ka bang magpayunir? Bakit hindi tanungin ang matatagumpay na payunir kung paano nila ito nagagawa? Gumawang kasama nila sa ministeryo sa larangan upang maranasan ang kanilang kagalakan. Pag-aralan ang mga artikulo hinggil sa pagpapayunir sa ating mga publikasyon. Magtakda ng praktikal na mga tunguhin na aakay sa iyo na magpayunir. Kung may nakahahadlang sa iyong planong magpayunir, idulog ito kay Jehova sa panalangin, at hilingin sa kaniya na tulungan kang lutasin ang mga ito.—Kaw. 16:3.
5. Paano tayo natutulungan ng pagpapayunir upang mapasulong ang ating mga kakayahan sa ministeryo?
5 Mga Pagpapala at Kagalakan: Pinasusulong ng pagpapayunir ang ating kakayahan sa paggamit ng Salita ng Diyos, na nagbibigay naman ng higit na kagalakan. “Tunay na isang pagpapala na magamit nang wasto ang Salita ng Diyos ng katotohanan,” ang komento ng isang kabataang payunir na sister. “Kapag nagpapayunir ka, napakadalas mong gamitin ang Bibliya. Kapag nagpupunta ako ngayon sa bahay-bahay, naiisip ko na ang mga tekstong angkop sa bawat may-bahay.”—2 Tim. 2:15.
6. Anong pagsasanay ang nakakamit sa pagpapayunir?
6 Marami ring mahahalagang kasanayan na kailangan sa buhay ang matututuhan sa pagpapayunir. Makatutulong ito sa mga kabataan na gamitin nang may katalinuhan ang kanilang panahon, magbadyet ng salapi, at makitungo sa mga tao. Dahil sa pagpapayunir, marami ang higit na nakapagtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. (Efe. 4:13) Karagdagan pa, madalas na nararanasan ng mga payunir ang tulong ni Jehova.—Gawa 11:21; Fil. 4:11-13.
7. Paano tayo natutulungan ng pagpapayunir na maging malapít kay Jehova?
7 Marahil, ang isa sa pinakadakilang mga pagpapala ng pagpapayunir ay nakatutulong ito sa atin na maging malapít kay Jehova. Makapagpapalakas ito sa atin sa panahon ng mga pagsubok. Isang sister na nakapagbata ng matinding kahirapan ang nagsabi: “Ang malapít na kaugnayang nalinang ko kay Jehova sa pagpapayunir ay nakatulong sa akin na makapagbata.” Idinagdag pa niya: “Masayang-masaya ako na ginugol ko ang aking buhay bilang adulto sa paglilingkod kay Jehova nang buong panahon. Dahil dito ay nakatulong ako sa mga paraang hindi ko akalaing magagawa ko.” (Gawa 20:35) Maranasan nawa natin ang gayunding saganang pagpapala habang ginagawa natin ang ating buong makakaya sa napakahalagang gawaing pangangaral.—Kaw. 10:22.