Gawing Mabisa ang Paggamit ng Bagong Brochure
1 Ang isang tampok na bahagi ng “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kumbensiyon ay ang paglalabas ng brochure na Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig. Ang bagong brochure na ito ay ginawa sa tunguhing tulungan ang ating mga estudiyante sa Bibliya na higit na makilala ang tanging organisasyong ginagamit ni Jehova sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban.
2 Sa maraming mga taon iminungkahi ng Samahan na sa pagtatapos ng bawa’t pag-aaral sa Bibliya ay gumamit tayo ng ilang minuto upang talakayin ang kahit na isang bahagi ng makabagong teokratikong organisasyon. Sa ganitong paraan ang mga bagong interesadong tao ay madaling mapahahalagahan ang mga katotohanan ng Bibliya na kanilang natututuhan. Ang bagong brochure, taglay ang maraming makulay na ilustrasyon nito ay dapat na maging isang kapakipakinabang na tulong sa pagsasagawa ng ganitong pagtalakay.
PAANO GAGAMITIN ITO
3 Ang brochure ay nagtataglay ng 15 mga uluhan, mula sa “Ibig Naming Makatulong” hanggang sa “Nagkakaisa sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos.” Mayroong sapat na impormasyon sa ilalim ng ilang uluhan para sa ilang pagtalakay. Gumamit ng panahon sa pagbasa sa lahat ng mga binanggit na kasulatan kasama ng estudiyante sa Bibliya. Makakasumpong kayo ng mga tanong para sa repaso sa pagtatapos ng karamihang seksiyon. Maaaring gamitin ito upang maitampok ang mga pangunahing punto. Gayumpaman, tandaan na ang pagtalakay ay dapat na maging maikli at hindi dapat na madaig ang materyal na tinalakay sa pag-aaral mismo ng Bibliya.
4 Nanaisin ninyong maging pamilyar sa brochure sa lalong madaling panahon. Dalhin ang sariling kopya ninyo sa ministeryo sa larangan. Maaaring magkaroon ng pagkakataon na magamit ito sa gawain sa bahay-bahay. Ang mga taimtim na tao na nasusumpungan natin ay maaaring nakarinig ng maling impormasyon hinggil sa mga Saksi ni Jehova at ang brochure ay makatutulong upang ituwid ang kanilang maling palagay sa ating gawain at paniniwala.
5 Ang isang seksiyon sa brochure ay tumatalakay sa “Mga Pulong para sa Pag-uudyukan sa Pag-iibigan at Mabubuting Gawa.” Maaari ninyong gamitin ito upang idiin ang kahalagahan ng mga pulong na Kristiyano at pasiglahin ang estudiyante na dumalo nang palagian. Kapag tinatalakay ang tungkol sa Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon, maaari ninyong ipaliwanag kung paano ito idinadaos at ipakita sa estudiyante ang publikasyon na kasalukuyang pinag-aaralan. Yamang ang Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon ay idinadaos sa bilis na nagpapahintulot sa pagbasa ng lahat ng binanggit na mga kasulatan, dapat na maging madali para sa nagpapasimulang mga estudiyante na umalinsabay at makibahagi sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbasa sa mga kasulatan at pagkokomento kung nais nila. Ang maliliit na grupo ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat na makabahagi at magkakilala ang isa’t isa.
6 Tunay na pinagpala tayo na maging buhay sa panahong ito ng kawakasan nang isinauli ni Jehova ang tunay na pagsamba sa gitna ng kaniyang bayan sa lupa. Milyun-milyon ang nakakakilala sa pinahiran ng espiritung mga tagasunod ni Kristo at nagsisipagsabi: “Kami ay magsisiyaon kasama mo, sapagka’t aming narinig na ang Diyos ay kasama mo.” (Zac. 8:23) Gamitin natin ang bagong brochure sa pinakamabuting paraan upang akayin ang mga baguhang interesadong tao tungo sa organisasyon ni Jehova.