Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang New World Translation
1 Ang Salita ng Diyos ay may mabisang kapangyarihan sa mga tagapakinig nito. Tingnan kung ano ang ginawa nito sa atin mismo. Ang sinasabi nito ay higit na makapangyarihan kaysa anupamang maaaring salitain ng tao. (Heb. 4:12) Oo, ang halaga nito ay walang kapantay!
2 Sa maraming tahanan ay walang Bibliya. At kahit doon sa may Bibliya, marami ang hindi bumabasa nito. Ang ilang salin ay mahirap maunawaan. Kaya ang pagkakaroon ng isang modernong-wikang salin ay maaaring makatulong sa lalong marami na basahin ang Salita ng Diyos. Kung kanilang gagamitin ang New World Translation, ito’y tutulong sa kanilang masakyan ang kahulugan ng mga Kasulatan. Puede ba ninyong tulungan ang iba na makinabang dito? Sa buwan ng Nobyembre ay may mainam tayong pagkakataon upang gawin ito. Narito ang ilang mga mungkahing nais ninyong gamitin sa pag-aalok ng Bibliya kasama ang aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan?
3 Ang isang paraan upang itampok ang kabutihan ng New World Translation ay sa paggamit ng seksiyong “Bible Topics for Discussion.” Halimbawa, maaari ninyong sabihin: “Upang ipakita kung bakit kailangang pag-aralan ang Bibliya, pansinin kung paano tumutulong ang seksiyong ito na ‘Bible Topics for Discussion.’ Dito sa ilalim ng paksang ‘Bible’ may masusumpungang ilang maiinam na teksto sa kasulatan.” (Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17 sa ilalim ng sub-titulong “A. God’s Word is inspired.”) “May iba pang magagandang paksa na makikita sa seksiyong ito ng Bibliya. Maaari ko bang iwan sa inyo ang Bibliya at ang aklat na ito sa abuloy na ₱63.00?” Sabihin pa, ibang mga paksa sa Bibliya ang maaari ninyong piliin depende sa inaakala ninyong angkop sa pagkakataong iyon.
4 Kung ang maybahay ay may ilang minuto lamang upang makipag-usap, maaari ninyong talakayin sa maikli ang Paksang Mapag-uusapan, nguni’t binabasa ang mga kasulatan. Pagkatapos ay ipakita sa kaniya ang indise ng mga aklat na nasa harap ng Bibliya. Maaari ding sabihin: “Mapapansin ninyo na ang Bibliyang ito ay gumagamit ng mga salitang madaling mauunawaan.” Saka ipakita ang aklat at ialok sa mungkahing abuloy.
5 Ang isa pang namumukud-tangi sa New World Translation na tutulong sa mambabasa na kumuha ng malinaw na pagkaunawa sa maraming kasulatan ay ang 92-pahinang indise ng mga salita sa Bibliya. Matapos gamitin ang Paksang Mapag-uusapan, maaari ninyong ipaghalimbawa ang kahalagahan nito sa ganitong paraan: “Nahihirapan ang marami sa ngayon na panatilihin ang kapayapaan kahit sa mismong sambahayan. Ang dumaraming humihiwalay sa kanilang mga asawa ay patotoo nito. May ilang mag-asawa na hindi talagang magkasundo. Nguni’t taglay ng Bibliya ang mahalagang payo na nagpapakita kung paano matatamo ang kaligayahan sa tahanan. Pansinin kung paano makatutulong ang indise ng mga salita sa Bibliya dito sa New World Translation. Sa ilalim ng paksang ‘Husband(s)’ may itinatalang ilang magandang reperensiya sa Kasulatan. Tingnan kung ano ang sinasabi hinggil sa asawang lalake at asawang babae.” (Tukuyin ang Efeso 5:25 at 1 Pedro 3:1.) “Ang magandang pantulong na ito ay magiging inyo kasama ang aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan? Ang mga ito ay ₱63.00 lamang.”
6 Hindi rin dapat kaligtaan ang mahalagang katangiang nasusumpungan sa apendise ng New World Translation. Ang talaan ng mga aklat ng Bibliya ay nakakatulong din at nagbibigay ng kanaisnais na impormasyon tungkol sa bawa’t aklat—ang manunulat, kung saan isinulat, kailan natapos ang pagsulat, at ang haba ng panahong sinasaklaw.
7 Sabihin pa, ang mabisang pag-aalok ng Bibliya ay nangangailangan ng paghahanda. Kumuha ng ilang minuto upang isaalang-alang kung aling katangian ng New World Translation ang maitatampok ninyo upang ipakita ang praktikal na kahalagahan nito. Magsalita na may kataimtiman at kombiksiyon at tulungan ang iba na makinabang mula sa makapangyarihang impluwensiya ng Bibliya sa kanilang buhay.