Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Aklat na mga Kuwento sa Bibliya at Brochure na “Narito!”
1 Isang kapanapanabik na sandali nang ilabas ng tagapagsalita sa 1978 “Mapanagumpay na Pananampalataya” na Pang-Internasyonal na Kombensiyon ang bagong pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ang potensiyal nito sa pagtuturo ng Bibliya sa mga bata at matanda ay kaagad kinilala. Nalugod na malaman ng mga matatanda na ang mga kuwento ay nasa kronolohikal na kaayusan. Nakatulong ito sa marami na maging pamilyar sa sunod-sunod na mga pangyayari sa Bibliya.
2 Isang ina na may tatlong-taong-gulang na anak na lalake na madaling mawala ang atensiyon ay namangha na makitang tahimik nitong “pinag-aaralan” ang aklat sa loob ng 20 minuto. Pinasimulang turuan kaagad ng mag-asawang nasa kabataan pa ang kanilang anak na lalake mula sa mga Kuwento sa Bibliya pagkatapos na sila’y makapagpasimulang mag-aral ng Bibliya. Sa isang pagkakataon, nang kakain na lamang ang pamilya, ang batang lalake ay tumanggi malibang makapanalangin muna.
3 Mula nang mailabas ang mga Kuwento sa Bibliya siyam na taon na ang nakararaan, 23 milyong kopya ang naimprenta na sa 66 na mga wika. Mahigit sa 300,000 ang nailagay sa Pilipinas lamang. Ating pinahahalagahan ang mainam na pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya anupa’t magnanais na buong pusong ialok ito sa mga bata at matanda sa Hunyo.
BROCHURE NA “NARITO!”
4 Iniharap sa atin ni Jehova kamakailan ang isang kayamanan sa anyong isang bagong brochure na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay.” Isang payunir na babae na nahihirapang makapagsimula ng mga pag-aaral ay sumulat: ‘Sa pamamagitan lamang ng pagpapakita sa maybahay ng magandang larawan, pag-usapan iyon, magpakita ng mga kasulatan sa ibaba ng pahina 4, at pagkatapos ay basahin ang unang apat na parapo, kayo ay nakapagpasimula na ng isang pag-aaral!’
PAG-AALOK
5 Kapag gumagawa sa inyong teritoryo, maaari ninyong sabihin: “Bilang isang kapitbahay ninyo, nais kong ibahagi sa inyo ang ilang mabuting balita tungkol sa isang maaasahang pangako na hindi na matatagalan at magkakaroon ng kapayapaan sa buong daigdig. Di ba nais ninyong makita iyon? [Huminto sandali para sa kasagutan.] Nakita na nating lahat ang pagsisikap ng mga tao na isagawa ito. Subali’t pansinin kung sino ang sinasabi ng Bibliya na magdadala ng namamalaging kapayapaan. [Basahin ang Awit 46:8, 9.] Kapag ang digmaan at ang mga nagtataguyod nito ay wala na, hindi na kailanman pahihintulutang muli ng Diyos ang digmaan sa lupa. Tinitiyak ito sa atin ng mga salita ng kinasihang manunulat ng Awit 72:7. [Basahin.] Ang mga iingatan ng Diyos upang mabuhay nang mapayapa sa lupa ay yaong mga natuto tungkol sa kaniya at naglingkod sa kaniya. Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay nakatulong sa maraming tao na gawin iyon. Natitiyak kong kayo ay mapatitibay nito nang lubos sa pamamagitan ng pagbabasa nito. Makakamit ninyo ito sa abuloy na ₱35.00.”
6 Kung mayroon nang aklat na mga Kuwento sa Bibliya ang maybahay o kung angkop na mag-alok ng brochure na “Narito!” maaari ninyong gamitin ang mungkahi na ibinigay sa parapo 4. O maaari ninyong ituro ang isa sa mga sub-titulo sa brochure na sa palagay ninyo ay makakukuha ng interes ng maybahay. Ang brochure na “Narito!” ay dinisenyo lalo na sa pagpapasimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya. Kaya kapag ipinakita ninyo sa maybahay ang mga paksa, akayin din ang kanilang pansin sa mga tanong na nasa ibaba ng pahina, sa mga binanggit na kasulatan, at sa mga salig-sa-Bibliyang kasagutan sa mga parapo. Maaaring makapagpasimula kayo ng isang pag-aaral sa unang pagdalaw.
7 Tayo ay nagpapasalamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon sa paglalaan sa mga publikasyong gaya ng aklat na mga Kuwento sa Bibliya at ng brochure na “Narito!” Ating pinahahalagahan ang kanilang halaga at tayo‘y naliligayahang maialok ito sa iba sa buwan ng Hunyo.