Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Paggamit ng mga Brochure sa Pagpapasimula ng mga Pag-aaral
1 Noong Agosto nagkaroon tayo ng kasiyahang ialok ang mga brochure sa ministeryo sa larangan at walang alinlangan na marami ang nailagay. Ngayon ang atlng tunguhin ay ang makapagsimula ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang mga brochure na ito.
2 Papaano natin gagamitin ang brochure sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, yamang wala namang nasusulat na tanong sa ibaba ng mga pahina? Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbasa lamang ng brochure sa maybahay, na tinitingnan ang mga kasulatan at pinag-uusapan ang impormasyon. Upang matagumpay na maisakatuparan ito, dapat tayong maging pamilyar sa materyal na nasa brochure. Ang sumusunod na mga parapo ay nagbibigay ng mga mungkahi kung papaano mapasisimulan ang pag-uusap sa bawa’t brochure.
3 Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!: Ang brochure na ito ay nakatatawag ng pantanging pansin sa mga kabataan. Ang mga punto sa Kasulatan at mga larawan ay may numero para madaling hanapin. Upang mapasimulan ang isang pag-aaral, hilingin sa maybahay na buksan ang kaniyang kopya sa Bilang 4 at 5. Hilingan siyang ilarawan kung ano ang nakikita niya sa larawan. Ipakita sa kaniya kung papaanong pinaglaanan ni Jehova ng isang sakdal na pasimula sina Adan at Eba sa Eden. Tanungin siya kung ang lupa ay isang paraiso sa ngayon. Pagkatapos ng maikling komento sa masamang kalagayan sa ngayon, bumaling sa Bilang 49 at ipaliwanag kung papaanong ang Paraiso ay ibabalik sa lupa at kung papaanong aalisin ang kabalakyutan. Ipakita sa maybahay ang nasusulat na komento, kasulatan at larawan. Pagkatapos bumaling sa Bilang 1 at 2 at tanungin siya kung sino lamang ang makagagawang isang paraiso ang lupa. Gumawa ng mga kaayusan upang ipagpatuloy ang pag-uusap sa susunod na pagkakataon.
4 Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso: Iminumungkahi na ang parapo sa pahina 3 ay isaalang-alang. Ang isang tuwirang paraan ay ang imungkahi na basahing magkasama ang materyal sa susunod na mga pahina upang makita kung bakit kailangang-kailangan natin ang Kaharian ng Diyos. Bawa’t parapo ay maaaring basahin at pag-usapan at ang mga kasulatan ay basahin at suriin. Tulungan ang maybahay na mapahalagahan ang mga larawan at maunawaan kung papaano ito kaugnay ng mga parapong pinag-uusapan.
5 Ang Banal na Pangalan Na Mananatili Magpakailanman: Hilingin sa maybahay na buksan ang kaniyang kopya sa pahina 6. Basahin ang uluhang “Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas.” Pagkatapos ay tanungin ang kaniyang palagay kung papaano natin malalaman ang pangalan ng Diyos. Hintayin ang sagot. Pagkatapos ay sabihin sa kaniya na ang bahaging ito ng brochure ay sumasagot sa katanungan. Anyayahan ang maybahay na basahin ang unang parapo kasama ninyo, pag-usapan iyon, at isaalang-alang ang mga binanggit na mga kasulatan. Idiin na kung hindi sinabi sa atin ng Diyos mismo, walang paraan upang malaman natin ang kaniyang pangalan. Magpatuloy sa pagbasa at pagtalakay sa mga parapo at mga kasulatan.
6 Ang mga brochure na ito ay nagsisilbing tuntungang-bato tungo sa regular na pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Anumang bahagi ng brochure na kumuha ng atensiyon ng maybahay ay maaaring isaalang-alang at hindi na kailangang pag-aralan pa ang buong brochure bago tumungo sa isa sa aklat-aralin. Gamitin nawa nating lahat sa pinakamabuting paraan ang mga brochure sa pagtulong natin sa mga tulad-tupang mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.—Juan 17:3.