Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Panahon ng mga Pista Opisyal
1 Sa ganitong mga buwan sinisikap ng marami na magkamit ng kaunting kaligayahan sa kabila ng mga kabalisahan ng sanlibutang ito. Nakadama na ba kayo ng negatibong saloobin hinggil sa pagpapatotoo sa gayong mga tao sa panahong ito na sila’y abalang-abala? Sa kabila ng mga kalabisan na palasak sa panahong ito ng mga pista opisyal, ang pag-iisip ng marami ay bumabaling sa Diyos dahil sa malimit nilang naririnig ang kasabihang “Kapayapaan sa lupa, kabutihang-loob sa mga tao.”
2 Tiyak na marami tayong makakatagpo na totoong abala sa panahong ito ng mga pista opisyal. Ito’y humihiling ng konsiderasyon sa atin. Nang nasa lupa si Jesus, hindi lamang niya inunawa ang damdamin ng iba at nahabag sa kanila kundi siya’y nagsikap din na tumulong sa kanila. Ang mga tao sa ating kapanahunan ay may gayon ding pangangailangan ukol sa pabalita ng Kaharian.—Mat. 9:36, 37.
3 Kapag lumapit ang maybahay sa pintuan, sikaping maging makonsiderasyon. Siya ba’y abala dahil sa iniistima ang kaniyang mga panauhin? Kung gayon ay mabuting paikliin ang iyong presentasyon. Sa ibang kalagayan baka mapansin mong hindi gaanong abala ang maybahay kung kaya’t makapagpatuloy kang may taktika sa iyong pagpapatotoo.
ANO ANG MAAARI MONG SABIHIN?
4 Pagkatapos ng palakaibigang pagbati, maaari mong sabihin: “Marami tayong naririnig sa mga panahong ito hinggil sa kapayapaan sa lupa at kabutihang-loob sa mga tao. Naisip na ba ninyo kung talaga ngang darating ang tunay na kapayapaan sa lupa?” Hayaang sumagot ang maybahay, saka ipagpatuloy ang iyong presentasyon at ialok ang mga babasahin.
5 Kung kailangan ang isang mas maikling presentasyon, maaari mong sabihin: “Sa buwang ito, iniisip ng marami ang kapanganakan ni Jesus. Yaon ay isang totoong mahalagang pangyayari. Maaari ko bang ipakita sa inyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isa pang mahalagang pangyayari—ang pagdating ng Kaharian ng Diyos? Si Jesus mismo ay nagsabi . . . [Basahin ang Mateo 6:33.].” Pagkatapos ay iharap ang kasalukuyang alok, na itinatampok ang isang punto tungkol sa Kaharian.
6 Kung babatiin tayo ng isang maligayang pasko, hindi kailangang gawing isyu ang mga pagbating ito. Sa halip, maaari nating pasalamatan sila sa kanilang kagandahang-loob at panahon sa pakikinig sa atin. Sabihin pa, kung tuwiran silang nagtatanong kung ano ang palagay natin hinggil sa pasko, sasagutin natin silang tapatan at may paggalang. Ang aklat na Nangangatuwiran ay naglalaan ng mainam na impormasyon sa mga pahina 176-8 (111-13 sa Tagalog) na makatutulong sa inyo.
MAGPAKITA NG KONSIDERASYON
7 Sa Araw ng Pasko at sa Bagong Taon maaari tayong magpakita ng konsiderasyon sa pamamagitan ng hindi pagdalaw nang napakaaga, yamang marami ang nagnanais na magpatanghali ng gising sa mga pista opisyal. O maaari tayong magpasimula sa ating paglilingkod sa paggawa ng ilang pagdalaw-muli sa mga alam nating tatanggap sa atin. Pinahahalagahan natin ang katalinuhan ng payo ni Pablo: “Sa lahat ng mga bagay ay inirerekumenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos.”—2 Cor. 6:4.
8 Maraming mainam na mga karanasan ang natamasa dahil sa pakikibahagi sa pagpapatotoo sa mga pista opisyal. Gayumpaman, tayong lahat ay nararapat maging mataktika at gawing kaakit-akit ang ating pabalita sa puso at isip ng maybahay. Alalahanin ang payo ni Pablo sa Colosas 4:6: “Ang inyong pananalita nawa’y laging may biyaya, na magkalasang asin.”