Ang Pakikibahagi sa Ministeryo Bawa’t Linggo ay Nagdadala ng Higit na Kagalakan
1 Sa sinaunang mga Kristiyano, ang pangangaral ng mabuting balita ay isang mahalagang bahagi ng kanilang buhay. Kaya sinabi nila: “Sapagka’t hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig.” (Gawa 4:20) Ang ulat ay nagsasabi rin na “sa araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Kristo.”—Gawa 5:42.
2 Ang palagiang pakikibahagi sa pagdadala ng mabuting balita ay ipinakita din ni apostol Pablo, na “nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga.” (Gawa 18:4) Kahit pa bilang isang bilanggo, siya ay palagiang nangangaral at nagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian.—Gawa 28:30, 31.
3 Ang palagiang pagdadala ng mabuting balita ay nagbunga ng malaking kagalakan sa ating mga kapatid noong unang siglo. Ang ilan sa mga walang gaanong pinag-aralan at ordinaryo ay nagkaroon ng tapang at kakayahan sa kanilang pagtulad kay Jesus sa pagsasalita. (Gawa 4:13) Anong laking kagalakan ang idinulot nito sa kanila na ang kanilang pagtuturo ay nagdala ng kaligtasan sa maraming tapat-pusong mga tao!
SAMANTALAHIN ANG MGA KAAYUSAN NG PAGLILINGKOD LINGGU-LINGGO
4 Ang isang kaayusan para sa palagiang paglilingkod bawa’t linggo ay makatutulong sa inyo na tamasahin ang gayong mga pagpapala. Espesipikong ipinakikita sa ating kalendaryo na ang unang Linggo ng bawa’t buwan pati na ang ikalawa at ikaapat na Sabado ay mga pantanging araw para sa ministeryo sa larangan. Sinusunod ba ninyo ang eskedyul na ito? Sa pamamagitan ng pagsasagawa nito at pagdaragdag ng isa pang dulong sanlinggo, tatamasahin ninyo ang linggu-linggong pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Ang karamihang kongregasyon ay nagsasaayos ng mga pagtitipon bago maglingkod tuwing Sabado at Linggo at sa gitnang sanlinggo.
5 Kung hindi kayo nakikibahagi nang palagian sa unang Linggo at sa ikalawa at ikaapat na Sabado, bakit hindi ilagay ito na isang tunguhin sa inyong pagsisikap na makibahagi sa ministeryo bawa’t linggo? Bakit hindi may pananalanging isaalang-alang ang mga mungkahi na ibinigay rito upang kayo rin ay magkaroon ng bahagi bawa’t linggo?
MGA PAGPAPALANG MAAARI NINYONG TAMASAHIN
6 Maaaring kayo ay hindi nakakabahagi sa pagdadala ng mabuting balita kagaya ng mga payunir. Gayumpaman, kung ginagawa ninyo iyon nang palagian bawa’t linggo, ang inyong ministeryo ay magiging higit na mabisa at lalaki ang inyong kagalakan. Nang suguin ni Jesus ang 70, sila ay “nagbalik taglay ang kagalakan,” na naglalahad ng kanilang mga karapasan.—Luk. 10:17.
7 Pinasisigla ang lahat na mageskedyul ng panahon upang ibahagi ang mabuting balita sa iba bawa’t linggo. Habang ginagawa ninyo ang gayon, ang inyong kakayahan bilang isang guro ay susulong at lalaki ang inyong kagalakan, ang lahat ay sa kaluwalhatian at karangalan ni Jehova.