Pagtugon sa Pag-ibig ni Jehova sa Panahon ng Kabataan
1 Nakikita ba ninyo mga kabataan sa kongregasyon ang saganang katunayan ng pag-ibig ni Jehova sa palibot ninyo? Tinutugon ba ninyo ang pag-ibig na iyon sa paraan na makalulugod sa kaniya? Paano ninyo magagawa iyon?
2 Ang karamihan sa inyo ay may maibiging mga magulang na naglalaan sa inyo sa paraang materyal, espirituwal, emosyonal, at mental. Tunay na ito’y isang mayamang pagpapala mula kay Jehova. Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, siya ay naglaan ng maraming publikasyon at mga artikulo na dinisenyo para sa inyo, upang matulungan kayong mapagtagumpayan ang pang-araw-araw na mga suliranin. Kung inyong sinasamantala ang paglalaang ito, kayo’y masasangkapang mabuti upang harapin ang mahihirap na kalagayan na nakalilito sa mga kabataan sa ngayon. Minamalas ba ninyo ang lahat ng ito bilang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa inyo?—1 Juan 4:8, 19.
3 Pinapangyari ni Jehova na ang Bibliya ay maaaring makuha ng lahat, maging bata o matanda. At ang kapakinabangan ng pantubos sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ay kumakapit sa matatapat na kabataan at sa mga matatanda. Ang pag-asa ng Kaharian ay nasa inyo, lakip na ang mga pangako nito ukol sa isang paraisong lupa, na doo’y magiging malaya kayo sa mga kabalisahan na namamayani sa maraming mga kabataan na hindi nakikilala si Jehova.
4 Hindi ba ito nagpapasigla sa inyong puso para kay Jehova na malamang napakalaki ang kaniyang ginawa para sa inyo kahit na hindi ninyo hinihiling iyon? (Roma 5:8) Paano kayo tutugon sa pag-ibig ni Jehova sa isang praktikal na paraan?
IPAKITA ANG INYONG NADARAMA SA PAMAMAGITAN NG GAWA
5 Maaari ninyong dibdibin ang katotohanan. Halimbawa, maaari ninyong gawing tunguhin na basahin ang buong Bibliya sa loob ng isang taon. Maaari ninyong gawin ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng apat o limang pahina bawa’t araw. Pag-aralang gamitin ang Index upang hanapin ang mga kasagutan sa inyong mga katanungan. Ang pag-aaral at pagsasaliksik ay makapagdaragdag sa inyong espirituwal na pagsulong. (Kaw. 2:2-4; 1 Tim. 4:15) Maghanda para sa mga pulong at maging handa na magbigay ng komento. Sa mga pulong at mga kombensiyon, kumuha ng nota at pagkatapos ay pag-usapan ito kasama ng iba pa. Sa paggawa nito naipamamalas ninyo ang taimtim na pagpapahalaga sa mga ginawa alang-alang sa inyo, at kayo ay lalaki sa espirituwal.—2 Ped. 1:5-8.
6 Mayroon pa ring mga bagay na maaari ninyong gawin upang tulungan ang kongregasyon. Naisip na ba ninyo ang magbigay ng regular na abuloy upang mapagtakpan ang mga gastos sa Kingdom Hall? Sa pagbasa lamang sa Marcos 12:41-44 ito’y makatutulong sa inyong makita na ang maliit na abuloy ay lubos na pinahahalagahan ni Jehova at ng kaniyang anak. Tumulong kayo kung kinakailangan sa paglilinis ng Kingdom Hall at sa kapaligiran nito.
PAGTULONG SA IBA SA ESPIRITUWAL
7 Kahit na kayo ay bata pa, maaari ninyong mapasulong ang oras na ginagamit sa pagtulong sa iba sa espirituwal. Mayroon ba kayong personal na tunguhin sa oras bawa’t linggo o buwan? Maraming kabataan ang nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanilang mga kamag-aral o sa iba pa. Marahil ay magagawa rin ninyo ito kung hihilingin ninyo ang tulong ni Jehova at may tibay-loob ninyong pagsisikapan ito.
8 Ang inyo nawang pagtugon sa pag-ibig ni Jehova ay magpatunay na kayo ay nagpapahalaga sa ginawa niya para sa inyo. Kung inyong aalalahanin ang inyong Maylikha sa inyong kabataan, makatitiyak kayo sa kaniyang pag-ibig nang walang hanggan.—Ecles. 12:1.