Itawag-Pansin “ang Liwanag ng Sanlibutan”
1. Anong malaking liwanag ang inihula sa Salita ng Diyos, at anong okasyon ang tumatawag ng pantanging pansin sa liwanag na ito?
1 Sa pamamagitan ni propeta Isaias, inihula ni Jehova: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag. Para roon sa mga tumatahan sa lupain ng matinding dilim, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” (Isa. 9:2) Ang “malaking liwanag” na iyon ay nakita sa mga gawa ng mismong Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ang kaniyang pangangaral samantalang nasa lupa at ang mga pagpapalang idinulot ng kaniyang hain ay nagpabuti sa espirituwal na kalagayan ng mga nasa kadiliman. Ang gayong liwanag ang siyang kailangan ng mga tao sa madilim na panahong ito. Ang Hapunan ng Panginoon ay nagbibigay sa atin ng natatanging pagkakataon upang itawag-pansin “ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Noong nakaraang taon, milyun-milyon ang nagpakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng pakikisama sa atin sa pagsunod sa utos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc. 22:19) Habang papalapit ang pagdiriwang ng Memoryal sa taóng ito, paano natin maitatawag-pansin ang malaking liwanag na pinasikat ni Jehova?—Fil. 2:15.
2. Paano natin mapasisidhi ang ating taos-pusong pagpapahalaga sa haing pantubos, at ano ang magiging epekto kung gagawin natin ito?
2 Linangin ang Taos-Pusong Pagpapahalaga: Ang Memoryal ay naaangkop na panahon upang bulay-bulayin ang dakilang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus sa paglalaan ng haing pantubos para sa sangkatauhan. (Juan 3:16; 2 Cor. 5:14, 15) Ang paggawa nito ay tiyak na magpapasidhi ng ating taos-pusong pagpapahalaga sa sagradong okasyong ito. Nanaisin ng buong bayan ng Diyos na maglaan ng panahon para magbasa at magbulay-bulay sa pantanging pagbasa sa Bibliya sa Memoryal, gaya ng nakabalangkas sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Kung mumuni-munihin natin ang walang-kapantay na mga katangian ni Jehova, na maluwalhating isiniwalat sa pamamagitan ng paglalaan niya ng pantubos, maipagmamalaki natin na siya ang ating Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa nagawa ng pantubos para sa atin ay magpapasidhi ng ating taos-pusong pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Anak at mag-uudyok sa atin na gawin ang ating buong makakaya sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Gal. 2:20.
3. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa Memoryal?
3 Kung pasisidhiin natin ang ating pagpapahalaga sa paglalaan ni Jehova ng kaligtasan, mauudyukan nito ang ating mga estudyante sa Bibliya, mga dinadalaw-muli, mga kamag-anak, kapitbahay, kamag-aral, katrabaho, at iba pa na inaanyayahan natin sa natatanging okasyong ito na manabik din sa Memoryal na gaya natin. (Luc. 6:45) Kaya gumawa ng pantanging pagsisikap na anyayahan sila, at bigyan sila ng nakalimbag na imbitasyon sa Memoryal upang magsilbing paalaala sa kanila. Upang walang makaligtaan, nasumpungan ng marami na nakatutulong ang paglilista ng mga regular nilang inaanyayahan sa Memoryal, anupat idinaragdag sa listahang ito ang mga baguhan taun-taon. Ang paggawa nito sa organisadong paraan at ang pagsisikap nating gawin ang ating buong makakaya upang anyayahan ang interesadong mga tao ay mainam na paraan upang ipahayag ang ating pasasalamat sa Diyos na Jehova “sa kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad.”—2 Cor. 9:15.
4. Ano ang makatutulong sa atin na pag-ibayuhin ang ating ministeryo sa Marso, Abril, at Mayo?
4 Pag-ibayuhin ang Ministeryo: Mapag-iibayo mo ba ang iyong ministeryo sa Marso, Abril, at Mayo? Tiyak na pagpapalain ng Diyos ang pagsisikap mong ibahagi sa iba ang “maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo.” Iniutos ni Jehova, ang Pinagmumulan ng lahat ng espirituwal na kaliwanagan: “Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman.” (2 Cor. 4:4-6) Kung kinakailangan, isasaayos ng mga elder na magdaos ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan sa iba pang oras at lugar, anupat nangunguna sa pagsuporta sa mga mamamahayag na nagnanais gumugol ng mas maraming panahon sa ministeryo. Maaaring kasali rito ang mga kaayusan sa pagpapatotoo sa lansangan nang umagang-umaga o paggawa sa lugar ng negosyo at pagpapatotoo sa telepono sa hapon o sa maagang bahagi ng gabi. Upang matulungan kang pag-ibayuhin ang iyong ministeryo, magtakda ng makatuwirang tunguhing oras, at magsikap nang husto na abutin ito. Para sa marami, kasali sa pagbibigay nila kay Jehova ng pinakamainam ang pag-o-auxiliary pioneer.—Col. 3:23, 24.
5. Paano nakikinabang ang marami sa binawasang kahilingang oras para sa mga auxiliary pioneer?
5 Makapag-o-auxiliary Pioneer Ka Ba? Mahigit pitong taon na ang nakararaan mula nang bawasan ang kahilingang oras para sa mga auxiliary pioneer. Dahil sa pagbabagong ito, mas marami ang nakaranas ng mga pagpapalang dulot ng pag-o-auxiliary pioneer. Nasubukan mo na ba ito? Nakaugalian na ng ilan na mag-auxiliary pioneer taun-taon. Sa maraming kongregasyon, maraming mamamahayag ang sama-samang nag-o-auxiliary pioneer, at nagiging kasiya-siya at tampok na bahagi ito ng paglilingkod ng kongregasyon sa buong santaon. Maaari ka bang makibahagi sa isang buwan ng maligayang paglilingkod bilang auxiliary pioneer sa panahon ng Memoryal? Para sa ilan, napakagandang buwan ang Abril yamang may limang Sabado at limang Linggo ito.
6. Anu-anong kapana-panabik na mga kaayusan ang inilalaan sa atin?
6 Nakaiskedyul bang dalawin ng tagapangasiwa ng sirkito ang inyong kongregasyon sa Marso, Abril, o Mayo? Nasa harap mo ang isa pang karagdagang pagpapala. Gaya ng ipinatalastas, sa 2006 taon ng paglilingkod, ang lahat ng mag-o-auxiliary pioneer sa buwan na dadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito ay aanyayahang dumalo sa unang bahagi ng pulong ng mga payunir sa linggo ng dalaw. Ang mga impormasyong nakapagpapatibay sa espirituwal na inilalaan sa pulong na ito ay tiyak na tutulong sa maraming auxiliary pioneer na magsikap na maging regular pioneer. Bukod diyan, sa Marso ay masisiyahan tayong tulungan ang mga tao na lumapit sa espirituwal na liwanag sa pamamagitan ng bagong publikasyon sa pag-aaral na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Bakit hindi mo gawing tunguhin na makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang bagong aklat?
7, 8. (a) Ano ang tutulong sa atin sa paggawa ng iskedyul sa pag-o-auxiliary pioneer? (b) Paano makatutulong ang kooperasyon ng pamilya, at paano makikinabang dito ang buong pamilya?
7 Habang isinasaalang-alang mo ang kahilingang 50 oras para sa mga auxiliary pioneer, pag-isipan kung anong iskedyul ang magpapahintulot sa iyo na magpasinag ng liwanag ng katotohanan sa loob ng mga 12 oras bawat linggo. Ipakipag-usap ito sa mga naging matagumpay sa paggawa nito, at sa iba pa. Baka magpasigla ito sa kanila na samahan ka sa pag-o-auxiliary pioneer. Sa pamamagitan ng mahusay na pagpaplano, nasusumpungan ng bautisadong mga mamamahayag, bata man at matanda, na hindi naman masyadong mahirap abutin ang kapuri-puring tunguhing ito. Ipanalangin mo ito. Pagkatapos, kung posible sa iyo na mag-auxiliary pioneer, magplano at masiyahan dito!—Mal. 3:10.
8 Napatunayan ng maraming pamilya na maaaring maabot ng kahit isang miyembro ng pamilya ang tunguhing ito basta makikipagtulungan ang lahat. Ipinasiya ng isang pamilya na lahat ng limang bautisadong miyembro ay magpatala bilang auxiliary pioneer. Ang dalawang anak na hindi pa bautisado ay gumawa rin ng pantanging pagsisikap na pag-ibayuhin ang kanilang gawain. Paano nakinabang ang pamilya sa ginawa nilang karagdagang pagsisikap? Ganito ang kanilang isinulat: “Talagang kasiya-siya ang buwang iyon, at damang-dama namin na tumibay ang buklod ng aming pamilya. Pinasasalamatan namin si Jehova sa kaniyang kamangha-manghang pagpapala!”
9. Paano natin mapasisikat ang ating liwanag sa panahong ito ng Memoryal?
9 Mapasisigla kaya tayo at lalong mapalalapit sa ating makalangit na Ama dahil sa ating pantanging gawain sa Marso, Abril, at Mayo? Nakadepende ito nang malaki sa ating personal na pagsisikap na pasidhiin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Anak at pag-ibayuhin ang ating pakikibahagi sa ministeryo. Ang kapasiyahan nawa natin ay maging kagaya niyaong sa salmista, na umawit: “Lubha kong dadakilain si Jehova sa pamamagitan ng aking bibig, at sa gitna ng maraming tao ay pupurihin ko siya.” (Awit 109:30) Pagpapalain ni Jehova ang ating masigasig na gawain sa panahong ito ng Memoryal. Kaya pasikatin nawa natin ang malaking liwanag upang marami pa ang makalabas sa kadiliman at ‘magtaglay ng liwanag ng buhay.’—Juan 8:12.