Ang Auxiliary na Pagpapayunir—Isang Pintuan Tungo sa Higit na Gawain
1 May pananabik nating tinitingnan sa hinaharap ang bagong sistema na ipinangako ni Jehova, kung kailan ang lahat ng ating panahon at lakas ay magagamit sa paglilingkuran kay Jehova!
2 Subali’t kahit na ngayon, ang lumalagong bilang ng bayan ni Jehova ay nakakatikim na sa kagalakan ng paglilingkod kay Jehova ng buong panahon. Marami ang pumasok sa gawaing pagpapayunir. Ikinatuwiran nilang sa ganitong paraan ay higit silang nagiging abala sa paglilingkod kay Jehova. May pagkukusa nilang inihandog ang kanilang sarili.—Awit 110:3.
3 Bilang paghahanda sa lalo pang malaking gawain sa harapan natin sa bagong sistema, marami ang gumagamit nang may katalinuhan sa mga tuntungang-bato na nagpapangyari sa kanilang pasulong na mapalawak ang kanilang paglilingkod sa Kaharian. Ang isa sa mga ito ay ang auxiliary na pagpapayunir. Ang marami sa nagsagawa nito ay nakita na “si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Anupa’t sila’y nagsumite ng ikalawang aplikasyon para sa auxiliary na pagpapayunir na may tsek sa kahon na nagpapakitang sila’y nagnanais na patuloy na maglingkod bilang gayon hangga’t makakaya nila. Ang pagkakaroon ng karanasan sa gawaing ito ay nakatulong sa marami na maghanda para sa regular na pagpapayunir.
4 Ang susunod na mga buwan ay nagbibigay sa atin ng napakainam na pagkakataon na mapalawak ang ating ministeryo. Maaari ba kayong mag-auxiliary payunir sa Oktubre at Nobyembre, o maging sa Disyembre bago magpasimula ang mga pandistritong kombensiyon? Kung hindi pa ninyo nasusubukan ang gawaing ito, pinasisigla namin kayong gawin iyon sa mga buwang ito. Masusumpungan ninyo itong isang kasiyasiyang karanasan. Malaking kagalakan ang matatamo sa pagkakaloob sa iba ng mahalagang katotohanan na inyong natutuhan. Maaari ninyong mabuksan sa iba pang tulad-tupa ang maliwanag na pag-asa sa kinabukasan na taglay rin ninyo. Ang iba sa inyong kongregasyon ay mapasisigla sa pamamagitan ng inyong halimbawa, at marahil ang ilan sa kanila ay mapakikilos na ‘iukol kay Jehova ang kanilang mga gawa’ at ang kanilang mga panukala sa hinaharap ay “matatatag.”—Kaw. 16:3.
5 Yaong mga hindi pa bautisado subali’t nakikibahagi na sa ministeryo ay malugod naming inaanyayahan na isaalang-alang kung paano nila mapalalawak ang kanilang Kristiyanong gawain. Maaari silang gumawa kasama ng masisigasig na mga auxiliary o regular payunir at magtamo ng kapakipakinabang na karanasan. Isipin lamang kung anong pampatibay-loob kapuwa para sa mga baguhan at mga may karanasan na gumawang magkakasama sa ministeryo!—Roma 1:12; Isa. 40:30, 31.
6 Ang mga pagpapala ni Jehova ay nagpapayaman sa atin sa espirituwal at nagpapakilos sa atin na ibigay ang pinakamabuti natin sa paglilingkod sa kaniya. Ang atin nawang pagsisikap sa susunod na ilang mga buwan ay maging kalugod-lugod kay Jehova habang tayo ay naghahandang paglingkuran siya nang walang hanggan.