Regular na Pagpapayunir—Maaari ba Kayong Magsimula sa Setyembre?
1 Ang Setyembre ay pagpapasimula ng 1988 taon ng paglilingkod. Ito rin ang unang buwan ng paglilingkod ng marami bilang regular payunir. Ito ba’y para sa inyo?
2 Marami ang nakabahagi sa auxiliary na pagpapayunir noong 1987 taon ng paglilingkod. Ang paglilingkod na ito ay maaaring maging isang tuntungang-bato para sa pagiging isang regular payunir. Kung ito ay totoo sa inyong kaso, bakit hindi magpasimula sa Setyembre? Angkop ang payo ng mga Kasulatan: “Huwag mga tamad sa pagsusumikap. Maging maningas sa espiritu. Maging alipin ni Jehova.”—Roma 12:11.
3 Bago kayo magpasiyang pumasok bilang isang regular payunir, dapat na sundin ninyo ang payo ni Jesus na “umupo at tayahin ang halagang magugugol.” (Luk. 14:28) Ang mga salik kagaya ng kalusugan, obligasyon sa pamilya, edad at mga pananagutan sa kongregasyon ay dapat na isaalang-alang. Subali’t kung nasuri na ninyo ang inyong kalagayan at natitiyak ninyo na kayo ay maaaring maging isang regular payunir, huwag mag-atubili.
MAGTIWALA SA KAPANGYARIHAN NI JEHOVA
4 Huwag basta hayaang ang anumang kapansanan o obligasyon sa pamilya ay makahadlang sa inyo sa pagiging isang payunir. Marahil ay may kilala kayong mga payunir na naglilingkod sa kabila ng katandaan, mahinang katawan, at personal o pampamilyang mga pananagutan. Nagtitiwala tayo na ang “kapangyarihang higit sa normal” ay magiging atin kung tayo ay mananalig kay Jehova at hindi sa ating sariling lakas.—2 Cor. 4:7.
5 Daan-daan ang inaasahang magpapasimulang magpayunir sa Setyembre. Ito’y katunayan ng pagkilos ng kapangyarihan ni Jehova. Sa pamamagitan ng may pananalanging pagpaplano at lubusang pagtitiwala kay Jehova, marami ang makagagawa ng kinakailangang pagbabago at sumama sa ranggo ng mga regular payunir sa pagpapasimula ng 1988 taon ng paglilingkod. Makakabilang ba kayo sa mga ito?
6 Ang mga pagpapala na nakalaan sa mga nagiging regular payunir ay naglalakip sa kagalakan na makibahagi ng buong-panahon sa gawaing pangangaral at pagtulong sa mga baguhan sa larangan. Gayundin, ang mga makapagpapasimulang magpayunir sa Setyembre ay may pagkakataong makadalo sa Pioneer Service School sa Oktubre, 1988. Gaano katotoo ang kawikaan: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman”!—Kaw. 10:22.