Tulungan ang mga Anak sa Pagpuri kay Jehova
1 Mula nang ilabas noong 1978, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay napatunayang isang mahalagang tulong kapuwa sa mga magulang at mga kabataan. Labis ang kagalakan ng isang ina nang ang kaniyang siyam na taong gulang na anak na lalaki, na dati’y ayaw maupo upang mag-aral ay umuwi sa bahay at nagtanong: “Inay, maaari bang kunin ninyo ang aking bagong aklat?” Ito ang karaniwang epekto ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa mga bata. Papaano natin gagamitin ito nang lubusan sa pagtulong sa mga bata sa pagpuri kay Jehova?
PAPAANO ITO MAISASAGAWA
2 Ang aklat na mga Kuwento sa Bibliya ay maaaring gamitin sa pagkikintal ng mga espirituwal na katangian sa isip at puso ng inyong mga anak. Halimbawa, ang kuwento 58 ay nagdiriin ng mga katangian ng tibay-loob at pagtitiwala kay Jehova nang ilahad nito ang pagharap ni David sa higanteng Filisteong si Goliath. (1 Sam. 17:45-51) Kung minsan ang mga bata ay napapaharap sa mga hadlang na waring tulad higante para sa kanila. Kung inihahanda ng mga magulang ang mga anak nang patiuna, ang mga bata ay maaaring makapuri sa pangalan ni Jehova nang may tibay-loob sa kabila ng mga panggigipit at mga tukso.—Kaw. 22:6; tingnan ang Genesis 18:19.
3 Maaaring wala naman kayong mumunting mga anak. Subali’t maaari kayong gumawang kasama ng mga kabataan sa kongregasyon, na tinutulungan silang pumuri sa pangalan ni Jehova. Ang mga Kristiyanong kabataan ay napatitibay-loob at napasisigla kapag ang mga inatasang lingkod sa kongregasyon ay nagpakita ng personal na interes sa kanila. (Kaw. 27:23) Maaari ba kayong gumugol nang higit pang panahon sa mga kabataan? Lalo nang kapakipakinabang kung tayo ay tumutulong sa kanila sa paglilingkod sa larangan.
PAG-AALOK NG AKLAT NG MGA KUWENTO SA BIBLIYA
4 Sa buwan ng Disyembre, tayo ay mag-aalok ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ang mga kabataan ay maaaring tulungang magharap nito nang mabisa sa paglilingkod sa larangan. Maaari silang makapagpasimula ng isang pag-aaral dito.
5 Pinasisigla namin kayo mga kabataan na gumawa ng isang pantanging pagsisikap sa Disyembre upang pumuri kay Jehova sa inyong paaralan. Kakailanganin ang tibay-loob upang gawin iyon, subali’t si Jehova ay magbibigay sa inyo ng kinakailangang lakas. Lumikha ng pagkakataon upang malaman ng inyong mga kamag-aral Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.
6 Mga magulang, talakayin ang ilan sa mga iminungkahing presentasyon kasama ng inyong mga anak. Tulungan silang gumamit ng mga kasulatan sa Paksang Mapag-uusapan. Mapapansin ng mga kabataan at ng mga matatanda ang mga batang handang-handa sa pagpuri kay Jehova.
7 Ipakita rin natin sa ating mga anak ang kahalagahan ng pag-iingat ng isang mabuting house-to-house record upang sila’y makagawa ng mga pagdalaw-muli sa mga nagpakita ng interes. Ingatan sa harapan nila ang tunguhing makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kakailanganing tulungan ninyo silang magdaos ng pag-aaral kapag mayroon silang napasimulan.
8 Nais nating ang ating mga kabataan ay mapabilang doon sa binanggit ng mang-aawit na nagsabi: “Purihin ng bawa’t bagay na may hininga si Jah. Purihin ninyo si Jah!” (Awit 150:6) Manalangin ukol sa patnubay ni Jehova sa pagbibigay ng kinakailangang tulong.