Pagtulong sa Di-palagiang mga Mamamahayag
1 Sinabi ni Jesus: “Ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.” (Mat. 7:24) Ito ay nangangahulugan ng pagluluwal ng maiinam na gawa, lakip na ang pangangaral ng mabuting balita. Ang gayong pagsunod ay paglalagay ng tulad batong pundasyon na hindi magigiba sa panahon ng mga bagyo ng kahirapan.
2 Ang ilan sa atin ay mga di-palagiang mamamahayag, at ito ay ikinababahala natin nang malaki. Ano ang nagpapangyari sa isa na hayaang lumipas ang buong buwan na hindi nagkakaroon ng kaunting bahagi sa pangangaral at paggawa ng alagad?
3 Ang ilan ay maaaring nagkasakit nang malubha, at ang iba naman ay maaaring naghintay sa katapusan ng buwan, upang masumpungan lamang ang sarili na naapektuhan ng di inaasahang mga suliranin na humadlang sa kanila sa pakikibahagi. Ang iba ay maaaring nagkukulang ng pagpapahalaga sa ministeryo bilang isang mahalagang paglilingkod na dapat nilang bigyan ng pangunang dako. (2 Cor. 4:7) Ang panggigipit mula sa asawang di-kapananampalataya ay maaaring isang salik na nakasisira ng loob. Ang pagkabigong mapanatili ang mabuting ugali sa pag-aaral at pagiging regular sa pagdalo sa pulong ay nakaapekto sa iba, upang maiwala nila ang damdamin ng pagkaapurahan. (2 Ped. 3:12, 12) May nakakaapekto sa kanilang puso. Kaya hindi sila napapasiglang magsalita mula sa kasaganaan nito. (Mat. 12:34) Ano man ang dahilan, nais nating tulungan sila.
ANO ANG MAAARING GAWIN NG MGA MATATANDA
4 Dapat pagsikapan ng mga matatanda na malaman ang mga kalagayan at pangangailangan ng lahat sa kongregasyon upang tulungan sila. Sa kanilang mga pagtitipon dapat na alamin ng mga matatanda kung sino ang di-palagian at tiyakin kung sino ang makatutulong sa kanila at kung papaano. Dapat na alamin ng kalihim ang anumang tanda ng pagtungo sa pagiging di-palagian sa paglilingkod sa larangan kapag itinatala ang ulat sa Congregation’s Publisher Record card.
ANO ANG MAGAGAWA NG MGA KONDUKTOR SA PAG-AARAL NG AKLAT
5 Bawa’t buwan ang kalihim ay magbibigay sa mga konduktor sa Pag-aaral ng Aklat ng listahan ng mga hindi nag-ulat, upang karakarakang matulungan ang mga ito. (Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Hulyo, 1984, pahina 3.) Dapat na may kabaitang lapitan ng konduktor sa pag-aaral ang di-palagian at tiyakin kung ano ang maaaring humahadlang sa kaniya at kung papaanong siya ay makatutulong. (Kaw. 27:23) Pagkatapos na malaman ang kaniyang kalagayan, dapat na isaayos ng konduktor na personal na gumawang kasama niya o kaya’y ng iba pang maygulang na mamamahayag o payunir. Ang pagbibigay ng praktikal na mga mungkahi sa paghahanda ng isang angkop na eskedyul para sa kanilang kalagayan ay maaaring makatulong din naman. Maaari ba silang magplanong makibahagi nang palagian sa unang Linggo o sa ikalawa at ikaapat na Sabado ng buwan?
6 kapag bumibisita sa mga grupo ng pag-aaral ng aklat, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay maaaring gumawa ng mga kaayusan upang dalawin ang mga di-palagian kasama ng konduktor sa pag-aaral. Kaya ang dalawang maygulang na kapatid ay parehong makapagbibigay ng payo at makatutulong sa mga ito na makapaglagay ng tulad batong pundasyon ng pagsunod sa utos ni Kristo na mangaral at gumawa ng mga alagad. Sila ay maaaring mapasiglang ilagay ang gawaing pangangaral nang nauuna sa mga bagay na dapat gawin. (Roma 10:10) Magsikap tayo sa ganitong paraan upang ipakita ang ating pag-ibig sa “mga kasambahay natin sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.