Tulong sa Tamang Panahon
1 Dahilan sa kaniyang pagmamalasakit sa kapakanan ng kongregasyon, si Jesus ay laging naglalaan ng “tulong sa tamang panahon.” (Heb. 4:16) Ang karamihan sa tulong na ito ay inilalaan sa pamamagitan ng mga “kaloob na lalake,” gaya ng ipinangako sa Efeso 4:8, 11, 12. Ang isa sa mga kaloob na ito ay ang tagapangasiwa sa paglilingkod sa bawa’t kongregasyon.
2 Sa papaanong paraan makatutulong sa atin ang tagapangasiwa sa paglilingkod? May iba’t ibang paraan: (1) Siya’y nagsisikap na panatilihin tayong gising sa kahalagahan ng gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad. (2) Tinitiyak niyang ang mabuting organisasyon at pangunguna ay nailalaan sa pamamagitan ng mga Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. (3) Isinasaayos niya ang personal na pagtulong upang mapasulong ang ating pagkamabisa bilang mga ministro.
MGA PAGDALAW NG TAGAPANGASIWA SA PAGLILINGKOD
3 Kadalasang inaatasan ang tagapangasiwa sa paglilingkod na mangasiwa sa isang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, subali’t minsan sa isang buwan ay iniiwan niya ang sariling grupo upang gumawa sa ibang pag-aaral ng aklat sa loob ng isang linggo. Ang kaniyang katulong ang papalit habang siya’y wala. Kaniyang pinatatalastasan ang mga konduktor sa pag-aaral nang patiuna hinggil sa kaniyang dalaw upang sila’y makapagplano at lubusang makinabang mula sa isang linggong gawain.
4 Sa loob ng pantanging linggong ito, ang pag-aaral ng aklat ay idinaraos sa 45 minuto. Ito’y naglalaan ng pagkakataon sa tagapangasiwa sa paglilingkod upang makapagbigay ng isang nakapagpapatibay na pahayag na dinisenyo upang tulungan tayo na mapasulong ang ating gawaing pag-eebanghelyo.
5 Ang lahat ng mga mamamahayag sa grupo ay dapat na magkaroon ng lubusang bahagi sa paglilingkod sa panahon ng pantanging dalaw na ito. Kapag angkop, maaaring organisahin ang pagpapatotoo sa gabi para sa linggong iyon. Ang isa sa mga tunguhin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ay gumawa sa larangan kasama ng maraming mamamahayag hangga’t maaari. Marahil ay sasamahan niya ang iba sa mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya. Ang sinumang nangangailangan ng tulong o pampatibay-loob sa ministeryo ay maaaring lumapit sa kaniya at hilingin ang kaniyang tulong.
6 Tatalakayin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang gawain ng grupo kasama ng konduktor sa pag-aaral. Ang mga kaayusan sa paglilingkod ay rerepasuhin upang matiyak na ang mga iyon ay praktikal at kombiniyente sa lahat. Maaari niyang isaayos na dalawin ang mga di palagiang mamamahayag kasama ng konduktor sa pag-aaral. Gayundin, maaari niyang repasuhin ang salansan ng mga ulat sa pag-aaral sa Bibliya kasama ng konduktor sa pag-aaral. Marahil maaari nilang samahan ang ilang mamamahayag sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya at mag-alok ng espirituwal na pampatibay-loob.
7 Sa mga kongregasyong marami ang mga grupo ng pag-aaral ng aklat, ang mga pagdalaw ng tagapangasiwa sa paglilingkod ay maaaring maging mas madalang. Kaya dapat na gumawa ng higit na pagsisikap ang lahat upang makinabang nang lubusan kapag siya’y dumadalaw. Sa mga kongregasyon na may iilan lamang na mga Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay magsisikap na dalawin ang bawa’t grupo kahit minsan sa bawa’t anim na buwan.
8 Sa pamamagitan ng pagbibigay ng buong pusong pagtangkilik sa tagapangasiwa sa paglilingkod kapag siya’y dumadalaw sa ating grupo ng pag-aaral sa aklat, susulong ang ating pagkamabisa at makasusumpong tayo ng ibayong kagalakan sa ministeryo.