Kung Paano Ipinakikita ng mga Tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang Personal na Interes
1 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay dinisenyo upang maging “posible ang pagbibigay ng personal na atensiyon sa espirituwal na pagsulong ng bawat indibiduwal. . . . Ito ay isang pagpapaaninaw ng kagandahang-loob ni Jehova at ng kaniyang magiliw na pangangalaga sa kaniyang bayan.” (om p. 75; Isa. 40:11) Ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay gumaganap ng mahalagang papel sa paglalaan ng ganitong personal na atensiyon.
2 Sa Pag-aaral sa Aklat: Yamang ang mga grupo sa pag-aaral sa aklat ay sadyang pinananatiling maliit, nakikilalang mabuti ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ang mga miyembro ng kaniyang grupo. (Kaw. 27:23) Kadalasang may mga pagkakataong makihalubilo bago at pagkatapos ng pag-aaral sa bawat linggo. Sa loob ng isang buwan, maaari niyang makausap ang halos lahat ng indibiduwal sa kaniyang grupo. Ito ay tumutulong sa mga miyembro ng pag-aaral sa aklat na maging komportable sa paglapit sa kaniya kapag napapaharap sila sa mga pagsubok o nangangailangan sila ng pampatibay-loob.—Isa. 32:2.
3 Sinisikap ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na pasiglahin ang lahat ng nasa grupo na makibahagi sa panahon ng pag-aaral. Ang isang paraan na ginagawa niya ito ay sa pamamagitan ng pagdaraos sa pag-aaral sa mabait at mahinahong paraan. (1 Tes. 2:7, 8) Humahanap siya ng mga paraan upang makabahagi ang lahat sa pagtalakay, pati na ang mga bata. Kung nahihiyang magkomento ang ilan, maaari siyang magbigay ng pribadong tulong sa pamamagitan ng patiunang pagsasaayos na kanilang basahin ang isang kasulatan o komentuhan ang isang partikular na parapo. O maaari niyang ipakita sa kanila kung paano magkomento sa kanilang sariling pananalita.
4 Kung ang katulong ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay isang ministeryal na lingkod, isasaayos ng tagapangasiwa na pangasiwaan ng ministeryal na lingkod ang pag-aaral nang minsan sa loob ng dalawang buwan. Nagbibigay ito ng pagkakataon sa tagapangasiwa na maobserbahan ang katulong at makapagbigay ng kapaki-pakinabang na mga mungkahi. Kay-inam na kaayusan upang tulungan ang mga kapatid na lalaki na mapasulong ang kanilang sining ng pagtuturo!—Tito 1:9.
5 Sa Ministeryo sa Larangan: Ang isa sa pangunahing mga pananagutan ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay ang pangunguna sa pag-eebanghelyo. (Bil. 27:16, 17) Gumagawa siya ng praktikal na mga kaayusan para sa panggrupong pagpapatotoo at nagsisikap na tulungan ang lahat ng nasa grupo na makasumpong ng kagalakan sa kanilang ministeryo. (Efe. 4:11, 12) Upang maisakatuparan ito, ginagawa niyang tunguhin na makasama sa paglilingkod ang bawat miyembro ng grupo. Nakikipagtulungan din siya sa tagapangasiwa sa paglilingkod sa paggawa ng kaayusan upang matulungan ng mas makaranasang mamamahayag ang mga nagnanais na mapasulong ang isang aspekto ng kanilang ministeryo.
6 Bilang Maibiging Pastol: Ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay interesado sa mga indibiduwal na nakagagawa lamang ng maliit na bahagi sa gawaing pangangaral dahil sa kanilang kalagayan. Tinitiyak niyang ang mga lubhang nalilimitahan dahil sa katandaan o pagiging baldado at yaong mga pansamantalang nalilimitahan dahil sa malubhang sakit o pinsala sa katawan ay nakababatid hinggil sa kaayusan na nagpapahintulot sa kanila na mag-ulat ng oras sa paglilingkod sa larangan nang 15, 30 o 45 minuto kung hindi nila kayang mag-ulat ng kumpletong isang oras sa loob ng isang buwan. (Ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang magpapasiya kung sino ang kuwalipikado para sa kaayusang ito.) Interesado rin siya sa mga kasama sa grupo na maaaring di-aktibo, anupat sinisikap na tulungan silang ipagpatuloy ang kanilang gawain kasama ng kongregasyon.—Luc. 15:4-7.
7 Kaylaking pasasalamat natin sa maibiging interes na ipinakikita ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat! Ang personal na atensiyon na ibinibigay nila ay tumutulong upang ‘makamtan ng lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya . . . , sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.’—Efe. 4:13.