Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat—Kung Bakit Kailangan Natin Ito
1. Paano nagpasimula ang kaayusan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat?
1 Noong 1895, ang mga grupo sa pag-aaral ng mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay nakilala bilang Dawn Circles for Bible Study. Ang mga tomo ng Millennial Dawn ang ginamit na saligan sa pag-aaral. Nang maglaon, ang mga pulong na ito ay tinawag na Berean Circles for Bible Study. (Gawa 17:11) Kadalasan, isang maliit na grupo ang nagtitipon sa pribadong tahanan sa gabi na kumbinyente sa grupo. Sa ganitong paraan nagpasimula ang kaayusan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat.
2. Paano tayo makababahagi sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob” sa pag-aaral sa aklat?
2 Pampatibay-Loob at Tulong: Yamang sadyang pinaliit ang mga grupo sa pag-aaral sa aklat, mas maraming pagkakataon ang mga nagsisidalo na ipahayag ang kanilang pananampalataya. Ang resulta ay “pagpapalitan ng pampatibay-loob . . . , ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba.”—Roma 1:12.
3, 4. Paano tayo tinutulungan ng kaayusan sa pag-aaral sa aklat upang ganapin ang ating ministeryo?
3 Ang pagmamasid sa paraan ng pagtuturo ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay makatutulong sa atin na ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15) Pansinin kung paano niya idiniriin ang maka-Kasulatang saligan ng materyal. Kapag angkop sa tinatalakay na publikasyon, maaari niyang itampok ang susing mga punto sa pamamagitan ng pangwakas na repaso, na Bibliya lamang ang ginagamit. Ang kaniyang mabuting halimbawa ay makatutulong sa atin na pasulungin ang ating pagtuturo sa ministeryong Kristiyano.—1 Cor. 11:1.
4 Karagdagan pa sa pangangasiwa sa lingguhang aralin, nangunguna sa pag-eebanghelyo ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat. Nakikipagtulungan siya sa tagapangasiwa sa paglilingkod sa pamamagitan ng paggawa ng praktikal na mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan. Sinisikap niyang tulungan ang buong grupo na tupdin ang kanilang Kristiyanong pananagutan na ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 9:16.
5. Anong personal na tulong ang inilalaan sa pamamagitan ng pag-aaral sa aklat?
5 Interesado ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat sa espirituwal na kapakanan ng bawat isa sa grupo. Ipinamamalas niya ang interes na ito sa mga pulong ng kongregasyon at kapag gumagawa siyang kasama ng iba sa paglilingkod sa larangan. Sinasamantala niyang magbigay ng espirituwal na kaloob kapag dumadalaw siya sa mga kapatid sa kanilang tahanan. Dapat madama ng lahat na malaya silang makalalapit sa tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat para sa espirituwal na tulong kailanma’t kailangan nila ito.—Isa. 32:1, 2.
6. (a) Paano napalalakas ang ating mga kapatid sa ilang lupain sa pamamagitan ng pagtitipon sa maliliit na grupo? (b) Paano ka personal na nakikinabang mula sa kaayusan ng pag-aaral sa aklat?
6 Palakasin ang Isa’t Isa: Sa mga lupain kung saan ipinagbabawal ang gawain ng bayan ng Diyos, madalas na nagtitipon ang mga kapatid sa maliliit na grupo. Ganito ang naalaala ng isang kapatid na lalaki: “Bagaman ipinagbabawal ang ating Kristiyanong mga gawain, kailanma’t posible ay idinaraos namin ang aming lingguhang pagpupulong sa mga grupo na binubuo ng 10 hanggang 15. Mula sa mga pulong ay nakakuha kami ng espirituwal na lakas, kapuwa mula sa pag-aaral ng Bibliya at sa pagsasamahan pagkatapos ng pag-aaral. Pinaghahambing namin ang aming mga karanasan, at nakatulong ito sa amin na matantong pare-pareho lamang ang pinagpupunyagian ng bawat isa sa amin.” (1 Ped. 5:9) Palakasin din nawa natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng lubusang pagsuporta sa kaayusan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat.—Efe. 4:16.