Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
1. Paano tayo tinutulungan ng ating limang lingguhang pagpupulong?
1 Iba’t iba ang format at layunin ng ating limang lingguhang pagpupulong. Gayunman, mahalaga ang lahat ng ito para tulungan tayong ‘isaalang-alang ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’ (Heb. 10:24, 25) Ano ang ilang natatangi at kapaki-pakinabang na aspekto ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat?
2. Ano ang mga kapakinabangan ng pagdalo sa mas maliliit na grupo gaya ng pag-aaral sa aklat?
2 Tulong Upang Sumulong sa Espirituwal: Karaniwang mas kaunti ang dumadalo sa pag-aaral sa aklat kaysa sa dumadalo sa ibang mga pulong ng kongregasyon. Dahil dito, mas madaling magkaroon ng mga kaibigan na makatutulong sa ating espirituwalidad. (Kaw. 18:24) Nasubukan mo na bang makipagkilala sa lahat ng kabilang sa inyong grupo ng pag-aaral sa aklat, marahil ay niyayaya ang bawat isa na gumawang kasama mo sa ministeryo? Tumutulong din ang pag-aaral sa aklat para malaman ng tagapangasiwa nito ang iba’t ibang kalagayan ng bawat isa sa grupo at makapagbigay siya ng personal na pampatibay-loob.—Kaw. 27:23.
3. Bakit napasisigla ang mga estudyante sa Bibliya na dumalo at magkomento sa pag-aaral sa aklat?
3 Naanyayahan mo na bang dumalo sa pag-aaral sa aklat na kasama mo ang iyong mga estudyante sa Bibliya? Ang mga interesadong tao na atubiling dumalo sa ating mas malalaking pagpupulong ay maaaring hindi gaanong mahiya sa pagdalo sa mas maliit na pagpupulong, lalo na sa isang pribadong tahanan. Dahil sa malapít na samahan dito, mas madaling magkomento ang mga kabataan at ang mga baguhan. At yamang mas maliit ang grupo, mas marami tayong pagkakataong magkomento at pumuri kay Jehova.—Awit 111:1.
4. Sa anu-anong paraan maaaring maging kumbinyente ang pag-aaral sa aklat?
4 Karaniwang idinaraos ang mga pag-aaral sa aklat sa kumbinyenteng mga lugar sa ating teritoryo. Bagaman hindi posible sa lahat na maiatas sa lugar na pinakamalapit sa kanila, malamang na mas malapit daluhan ang iniatas sa atin na pag-aaral sa aklat kaysa sa ibang mga pulong ng kongregasyon. Maaari ding maging kumbinyenteng tagpuan para sa paglilingkod sa larangan ang lugar ng pag-aaral sa aklat.
5. Paano tayo matutulungan sa ministeryo ng ating tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat?
5 Tulong Para sa Ministeryo: Ang tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay interesado sa pagtulong sa bawat isa na magkaroon ng regular, mabunga, at maligayang bahagi sa ministeryo. Kaya naman, sinisikap niyang gumawang kasama ng lahat sa grupo, na tumutulong sa kanila sa iba’t ibang aspekto ng ministeryo. Kung nahihirapan ka sa isang partikular na aspekto ng ministeryo, gaya ng pagdalaw-muli, ipaalam ito sa inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat. Marahil ay maisasaayos niyang gumawa kang kasama ng isang makaranasang mamamahayag sa grupo. Susulong ang kakayahan mo sa pagtuturo ng Bibliya sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa mahusay na mga paraan sa pagtuturo ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat.—1 Cor. 4:17.
6. Bakit natin dapat sikaping lubusang makinabang mula sa pag-aaral sa aklat?
6 Tunay ngang isang pagpapala ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat! Ang maibiging kaayusang ito mula kay Jehova ay tumutulong sa atin na mapanatiling matibay ang ating espirituwalidad sa mahirap na mga panahong kinabubuhayan natin.—Awit 26:12.