Tulungan ang Iyong Tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
1 Bawat isa sa atin ay nagtatamo ng maraming pakinabang mula sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Noong nakaraang buwan ay tinalakay natin kung paano ginagampanan ng tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang kaniyang papel. Ngunit ano naman ang magagawa natin upang matulungan siya at sa gayo’y makinabang tayo at ang iba?
2 Dumalo Linggu-linggo: Dahil pinananatiling maliit ang bawat grupo sa pag-aaral, mahalaga ang iyong pagdalo. Gawin mong tunguhin na dumalo linggu-linggo. Makatutulong ka rin sa pamamagitan ng pagdating sa tamang oras, yamang ito ang magpapangyari sa tagapangasiwa na mapasimulan ang pulong sa maayos na paraan.—1 Cor. 14:40.
3 Nakapagpapatibay na mga Komento: Ang isa pang paraan upang makatulong ka ay sa pamamagitan ng paghahandang mabuti at pagbibigay ng nakapagpapatibay na mga komento. Ang pagkokomento hinggil sa isang punto lamang ang kadalasang pinakamainam, at pinasisigla rin nito ang iba na magkomento. Iwasang saklawin ang buong parapo. Kung nakaantig sa iyong damdamin ang isang punto sa materyal, patingkarin ang pagtalakay sa pamamagitan ng pagkokomento sa kung ano ang niloloob mo hinggil dito.—1 Ped. 4:10.
4 Kung may pribilehiyo kang magbasa ng mga parapo para sa kapakinabangan ng grupo, maging masikap sa pagganap sa atas na iyan. Ang mahusay na pagbasa ay nakatutulong sa tagumpay ng pag-aaral.—1 Tim. 4:13.
5 Panggrupong Pagpapatotoo: Ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay ginaganap sa maraming lugar na pinagdarausan ng pag-aaral sa aklat, at ang iyong pagsuporta sa mga kaayusang ito ay nakatutulong sa tagapangasiwa sa kaniyang pangunguna sa gawaing pag-eebanghelyo. Ituring ang mga kaayusang ito bilang mga pagkakataon upang mapalapit sa iyong mga kapatid at upang mapatibay sila.
6 Mga Ulat sa Paglilingkod sa Larangan: Ang pagbibigay ng iyong ulat sa paglilingkod sa larangan nang nasa panahon sa katapusan ng bawat buwan ay isa pang paraan upang matulungan ang tagapangasiwa. Maaari mong ibigay nang tuwiran sa kaniya ang iyong ulat o ihulog ito sa kahon para sa mga ulat ng paglilingkod sa Kingdom Hall. Magagamit ng kalihim ang kahon upang tipunin ang mga ulat ng paglilingkod sa larangan na kinolekta ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat.
7 Ang pakikipagtulungan mo sa iyong tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay pahahalagahan. Higit sa lahat, makatitiyak ka na si Jehova ay ‘sasaiyo sa espiritu na iyong ipinakikita.’—Fil. 4:23.