Tayong Lahat ay Kailangang Mag-aral
1 Naroroon ang kaniyang mga alagad nang si Jesus ay nanalangin kay Jehova: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at siyang iyong sinugo, samakatuwid baga’y si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, ang lahat ng mga alagad ni Kristo ay kailangang kumuha ng gayong kaalaman. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng personal at pampamilyang pag-aaral, at sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Mayroon ba kayong praktikal na eskedyul para sa personal na pag-aaral nang palagian?
2 Ang mga nagiging interesadong mga baguhan ay nakikinabang nang malaki sa pagkakaroon ng personal na pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Gayumpaman, upang sumulong sa espirituwal, sila ay kailangang magpatuloy sa pagkuha ng kaalaman at pagkatapos ay ikapit ang kanilang natutuhan. (Heb. 5:13, 14) Ginagawa ba ninyo iyon?
3 Ang mga kabataang lingkod ni Jehova ay nasa mainam na kalagayan upang kumuha ng kaalaman. Ang kanilang kaisipan ay nasasabik na kumuha ng impormasyon, at sila’y kadalasang nagnanais makaalam ng dahilan sa kanilang pinag-aaralan. Nilalang tayo ni Jehova taglay ang ganitong pagnanais. Gamitin nang may katalinuhan ang inyong panahon upang kumuha ng espirituwal na kaalaman, na ‘sinasamantala ang panahon’ para sa personal na pag-aaral.—Col. 4:5.
PERSONAL NA AKLATAN
4 Mayroon ba kayong personal o pampamilyang aklatan? Ito ba’y naglalaman ng mga tomo ng Gumising! at Ang Bantayan, ng aklat na Aid, at ng mga publikasyong ating ginagamit sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa mga pulong sa Kingdom Hall? Mayroon ba kayong Watch Tower Publications Index 1930-1985 at ng makukuhang mga matatandang publikasyon ng Samahan?
5 Makakasumpong kayo ng mahahalagang impormasyon sa matatandang publikasyon. Nabasa na ba ninyo o napag-aralan ang bukletang Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood? Ang mga matatandang Yearbook ay nagbibigay ng kasaysayan ng gawain sa iba’t ibang bansa. Ang aklat na “Your Will Be Done on Earth” ay nagbibigay ng mainam na paliwanag sa mga hula at pangitain sa aklat ni Daniel.
6 May pangangailangan ukol sa indibiduwal at pampamilyang pag-aaral upang maging malakas sa espirituwal at masangkapan para sa paglilingkod sa larangan. Ginagawa ba ninyo ito? Kayo ba’y naghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon? Kayo ba’y naghahanda para sa ministeryo sa larangan sa pagsisikap na maging higit na mabisa hangga’t maaari? Binabasa ba ninyo ang inyong kopya ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan? Ginagamit ba ninyo ito sa paglilingkod sa larangan?
7 Gamitin ang Index upang hanapin ang mga kasagutan sa inyong mga sariling katanungan at niyaong mga iniharap sa inyo ng mga taong nasumpungan ninyo sa ministeryo sa larangan. Masusumpungan ng mga matatanda na ang Index ay isang mahalagang kasangkapan upang hanapin ang impormasyong makatutulong sa mga humihingi sa kanila ng espirituwal na tulong.
8 Ang Ikalawang Timoteo 2:15 ay nagpapayo: “Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, . . . na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.” Upang maisagawa ito tayong lahat ay kailangang mag-aral at ikapit ang ating natutuhan.