Tanong
● Kailan wastong mag-iwan ng libreng literatura, at papaano ito dapat gawin?
Kung may interesado subali’t hindi makapag-abuloy para sa literatura, maaari nating bigyan ang taong iyon ng isang bukleta, isang matandang magasin, o isang tract. Marahil ang ilang matatandang isyu ng mga magasin ay maaaring ipamahagi nang libre kapag dumadalaw sa mga ampunan at mga ospital. Gayumpaman, kailangang gumamit ng matinong pagpapasiya kung gaano karami at kung gaano kalimit mag-iiwan ng mga magasin sa isang dako, yamang sa ilang dako ang mga nangangasiwa doon ay nagrereklamo na masyadong marami ang iniiwan doon.
Paminsan-minsan ang ilang mamamahayag ay nag-iiwan ng isang matanda nang isyu ng magasin sa pintuan kapag walang tao sa tahanan. Gayumpaman, kapag walang patumangga tayong nag-iiwan ng mga magasin sa mga bahay na walang tao sa bawa’t pagkakataong ginagawa ang teritoryo, maaaring akalain ng mga tao na ang mga magasin ay libre. Kaya makabubuting gumamit ng matalinong pagpapasiya sa bagay na ito. Kapag ang kongregasyon ay may problema dahilan sa pag-iiwan ng masyadong maraming matatandang magasin sa mga tahanang wala ang tao, dapat na repasuhin ng mga matatanda ang bagay na ito at magbigay ng mga mungkahi na angkop sa teritoryo at sa kabutihan ng gawain. Maaaring higit na angkop na mag-iwan ng tract kapag wala sa tahanan ang mga tao.
Yamang ang mga tao sa sanlibutan na may masamang motibo ay maaaring maghanap ng palatandaan na walang tao sa tahanan, ang tract o matandang magasin na iiwan sa pintuan ay dapat na ilagay sa paraang hindi nila makikita ito.—Mat. 7:12.