Itampok ang mga Magasin sa Iyong Ministeryo
1, 2. Paano nakaaapekto sa buhay ng mga tao Ang Bantayan at Gumising!?
1 “Kawili-wili, napapanahon, at nakapagpapatibay-loob.” “Ito ang pinakanakapagpapasiglang mga magasin na nabasa ko kailanman.” Mainam na inilalarawan ng mga komentong ito ang opinyon ng mga mambabasa sa buong daigdig hinggil sa Ang Bantayan at Gumising! Tunay nga, ang ating mga magasin ay napakahalagang mga kasangkapan upang maipangaral ang mabuting balita sa “lahat ng uri ng mga tao.”—1 Tim. 2:4.
2 Isang negosyante ang tumanggap ng magasing Gumising! na may paksang kinawiwilihan niya. Nang dakong huli, binasa niya ang kasama nitong isyu ng Ang Bantayan, na may artikulong nagpakilos sa kaniya na suriin ang nakagisnan niyang paniniwala sa Trinidad. Pinukaw nito ang kaniyang interes. Nabautismuhan siya pagkalipas ng anim na buwan. Isa pang lalaki ang regular na tumatanggap ng mga magasin subalit hindi naman ito binabasa. Ang kaniyang asawa naman ay umiiwas sa mga Saksi subalit binabasa nito ang mga magasing iniiwan sa kaniyang asawa. Naantig siya sa pangako ng Bibliya hinggil sa isang makalupang paraiso na punô ng matutuwid na tao. Nang maglaon, siya, ang kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang kapatid na babae ay naging mga lingkod ni Jehova.
3. Ano ang bentaha kung magkasamang iaalok Ang Bantayan at Gumising!?
3 Magkasamang Ialok ang mga Ito: Gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa, hindi natin matitiyak kung sino ang magbabasa ng ating mga magasin o kung ano ang pupukaw ng kanilang interes. (Ecles. 11:6) Kaya makabubuting magkasamang ialok Ang Bantayan at Gumising!, bagaman karaniwan nang isang magasin lamang ang itatampok natin sa ating presentasyon. Sa ilang kalagayan, baka angkop na mag-alok ng higit sa dalawang isyu ng ating magasin sa isang pagdalaw.
4. Paano natin maaaring iiskedyul ang gawaing pagmamagasin?
4 Makabubuting mag-iskedyul ng isang araw bawat linggo upang makibahagi sa gawaing pagmamagasin. Sa 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, ang lahat ng Sabado ay tinatawag na “Magazine Day.” Mangyari pa, yamang hindi pare-pareho ang kalagayan ng bawat indibiduwal sa iba’t ibang lugar, ang ilan ay maaaring sa ibang araw magtuon ng pansin sa pag-aalok ng ating mga magasin. Bahagi ba ito ng iyong lingguhang iskedyul?
5. Sa anu-anong pagkakataon tayo dapat maging alisto sa pagpapasakamay ng mga magasin, at ano ang makatutulong sa atin upang magawa ito?
5 Magtakda ng Personal na Tunguhin: Ang pagtatakda ng personal na tunguhin sa pagpapasakamay ng magasin buwan-buwan ay makatutulong upang maging palaisip tayo sa ating mga magasin. Mayroon ka bang ruta ng magasin? Nag-aalok ka ba ng mga magasin sa mga nakakausap mo sa ministeryo? Makapag-aalok ka ba ng mga magasin samantalang nagpapatotoo sa lansangan, sa lugar ng negosyo, at sa pampublikong mga lugar? Nagdadala ka ba ng mga magasin kapag naglalakbay, namimili, at nagpupunta sa mga appointment? Samantalahin ang bawat angkop na pagkakataon upang tulungan ang iba na makinabang sa Ang Bantayan at Gumising!
6. Paano natin magagamit sa kapaki-pakinabang na paraan ang mas matatagal nang isyu ng magasin?
6 Maaari din nating gawing tunguhin na ipasakamay ang mas matatagal nang isyu na taglay natin. Kahit na hindi naipasakamay ang mga magasin sa loob ng isa o dalawang buwan mula sa petsa ng isyu nito, hindi naman nawawala ang halaga ng nilalaman nito. Ipasakamay ito sa interesadong mga tao. Para sa milyun-milyong tao, ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay ‘salita sa tamang panahon.’ (Kaw. 25:11) Gamitin natin ang mga ito upang tulungan ang milyun-milyon katao upang makilala at paglingkuran si Jehova.