Gamiting Mabuti Ang Bantayan at Gumising!
1 Ang Bantayan at Gumising! ang pinakamahalaga at pinakamabuting mga magasin na maaaring basahin ng mga tao sa ngayon. Bakit? Sapagkat ang mga espirituwal na katotohanang taglay nito ay maaaring makaapekto nang walang hanggan sa buhay ng mga tao. Gayunpaman, marami ang hindi ganap na palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, o hindi nila alam kung saan titingin upang masapatan iyon. Pribilehiyo nating tularan si apostol Pablo sa pagtulong sa mga tao na mabuksan ang kanilang mga mata sa espirituwal na paraan.—Mat. 5:3; Gawa 26:18.
2 Maging Positibo at Maghandang Mabuti: Malamang na may tulad tupang mga tao sa inyong teritoryo na tutugon sa katotohanan. Maaaring kailangan lamang ng ilan ang maibiging pampatibay-loob upang basahin ang mga magasin. Kaya, maging positibo at mapanghikayat habang inyong iniaalok Ang Bantayan at Gumising! Laging magdala ng suplay ng mga magasin at samantalahin ang bawat pagkakataong maipamahagi ang mga ito, kahit may itinatampok na ibang mga publikasyon.
3 Ano ang magpapangyari sa atin na maging higit na mabisa sa pamamahagi ng mga magasin? Una, dapat nating tunay na kilalanin ang kahalagahan nito. Dapat tayong maging pamilyar sa mga artikulo ng mga magasing ating iniaalok, na magpapalaki sa ating pagtitiwala at pagnanais na iharap ang mga ito. Ingatan ito sa isipan sa pasimula pa lamang ng pagbabasa nito. Maging alisto sa pagpili ng mga puntong itatampok sa ating ministeryo. Tanungin ang sarili: ‘Kanino kaya makatatawag ng pansin ang artikulong ito? Pahahalagahan kaya ito ng isang ginang ng tahanan, ng isang kabataan, o marahil ng isang negosyante? Ang punto kayang ito ay makatatawag ng pansin sa isang estudyante, sa isang taong may asawa, sa isang nababahala sa kapaligiran?’ Upang maging tunay na mabisa, dapat nating mairekomenda ang mga magasin batay sa atin mismong personal na kaalaman at kasiyahan sa mga napapanahong artikulo nito.
4 Gamiting Mabuti ang mga Matatandang Isyu: Tandaan, hindi nawawala ang kahalagahan ng Ang Bantayan at Gumising! kahit na ang mga ito ay hindi nailalagay sa loob ng isa o dalawang buwan buhat nang ilabas ito. Hindi nababawasan ang kahalagahan ng impormasyong taglay ng mga ito sa paglipas ng panahon, anupat hindi tayo dapat mag-atubili sa pag-aalok ng mga matatandang kopya kung maayos pa ang mga ito. Ang pagpapahintulot na matambak ang mga matatandang magasin at ang hindi kailanman paggamit sa mga ito ay nagpapakita ng kakulangan ng pagkilala sa mahahalagang instrumentong ito. Ang bawat magasin ay nagtataglay ng mga katotohanan na may kakayahang gumising at makasapat sa espirituwal na pangangailangan. Sa halip na ilagay sa isang tabi ang mga matatandang isyu at kalimutan ang mga ito, hindi kaya mas mabuti kung gagawa ng isang pantanging pagsisikap upang mailagay ang mga ito sa kamay ng mga taong interesado o kaya’y mag-iwan ng mga ito kapag ang mga tao ay wala sa tahanan?
5 Ang magasing Gumising! ay nakatulong sa marami na sa pasimula’y mga taong walang hilig sa espirituwal upang maging palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan. Ang Bantayan ay isang susing instrumento sa espirituwal na palatuntunan ng pagpapakain sa bayan ni Jehova. Ang mga magasing ito ay magkatuwang sa isa’t isa, at gumaganap ng isang mahalagang papel sa pangangaral ng mabuting balita.
6 Habang ating sinasamantala ang bawat pagkakataong makapaglagay ng mga magasin, magkakaroon tayo ng lubos na pagtitiwala sa pagkamabisa nito upang matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng tulad tupang mga tao. Nanaisin nating mapanatili ang isang positibong saloobin, maghandang mabuti, at maging palagian sa ministeryo. Bilang mga mamamahayag ng mabuting balita, tayo nawang lahat ay palagiang gumamit na mabuti sa mga magasing Ang Bantayan at Gumising!