Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Paggamit ng mga Tract sa Bawa’t Pagkakataon
1 Ang ilang halaman ay nagluluwal ng daan-daan o libu-libong binhi. Sa ganitong paraan ay tiniyak ni Jehova na ang gayong buhay-halaman ay mamamalagi sa lupa.—Gen. 1:29, 30.
2 Gayundin, pinapangyayari ni Jehova na maging sagana ang binhi ng katotohanan ng Kaharian hindi lamang sa bibig ng kaniyang mga lingkod kundi sa pamamagitan ng inilathalang mga pahina. Isipin lamang ang daan-daang milyong mga aklat, bukleta, magasin, at mga brochure na naipamahagi sa nakaraang mga taon. Kamakailan lamang isang bagong set ng tract ang ginawa. Ginagamit ba natin ang mga ito upang palaganapin ang mabuting balita sa lahat ng pagkakataon?
3 Upang magamit nang mabisa ang mga tract, kailangang maging pamilyar tayo sa mga ito. Dahilan sa kumbiniyenteng laki nito madaling dalhin ito saan man kayo magtungo. Higit pang mahalaga, ang pabalita ng bawa’t tract ay malinaw, tuwiran sa punto, at nakahihikayat. Nakikita ba ninyo ang maraming pagkakataon upang gamitin ang mga ito?
4 Gawain sa Bahay-Bahay: Nasumpungan ng maraming mamamahayag na ang pag-aalok ng walang bayad na tract sa pambungad ay nagbubukas ng daan para sa pag-uusap. Nanaisin ninyong subukan ito taglay ang kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan, na ginagamit Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan o Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya. Sa inyong pakikipag-usap maaaring matuklasan ninyo na namatayan kamakailan ang tao ng isang mahal sa buhay. Gaano kaangkop na ibahagi ninyo ang nakakaaliw na pabalita sa tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? O ang pag-uusap ay maaaring maghayag na ang tao ay may ilang maling pagkaunawa hinggil sa pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova. Ang tract na Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova? ay maaaring siyang talagang kailangan. Kadalasang tumatanggap ang maybahay ng tract kahit na tinanggihan ang alok na literatura. Hindi natin alam kung ano ang magiging epekto ng isang tract sa taong iyon o sa iba pa sa sambahayan na maaaring makabasa niyaon.—Ecles. 11:6.
5 Impormal na Pagpapatotoo: Sa ating pang-araw-araw na gawain, maaaring makasama natin ang makasanlibutang mga tao. Saan man tayo naroroon, ang mga tract ay tutulong sa atin na maging handa sa pagbibigay ng patotoo. Ang pag-aalok ng tract ay kadalasang nagbubukas ng daan para sa bibigang pagpapatotoo.
6 Sa inyong pinagtatrabahuhan, bumabanggit ba ang inyong mga kamanggagawa tungkol sa mga panggigipit at mga suliranin sa pamumuhay? Kung sila’y talagang “nagbubuntong-hininga at dumadaing” sa masamang kalagayan sa daigdig, ang impormasyon sa Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan ay makasasaling sa kanilang mga puso, na makapagbubukas ng daan para sa higit pang pag-uusap.—Ezek. 9:4.
7 Naririnig ba ng mga kabataan sa paaralan ang mga grupo at mga kamag-aral na pinag-aalinlangan ang pagkamaaasahan ng Bibliya? Ang Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya ay nagpapakita ng maka-sayentipiko at maka-kasaysayang kawastuan ng Bibliya na maaaring magpasigla ng kanilang interes na makaalam pa nang higit.
8 Sinabi ni Jesus na ang ating bukirin para sa pagpapatotoo ay ang buong sanlibutan. (Mat. 13:38; 24:14) Kaya, saan man mayroong tao—sa trabaho, sa paaralan, sa tanggapan ng isang doktor o dentista, sa pamilihan o maging sa inyong sariling pintuan kapag may dumadalaw sa iba’t ibang kadahilanan—ihasik natin ang mga binhi ng katotohanan na umaasang ang ilan ay mahuhulog sa “mainam na lupa” at magdudulot ng bunga sa ikaluluwalhati ni Jehova.—Mat. 13:23.