Tulungan ang mga Anak na Higit na Makinabang sa mga Pulong
1 Kapag dumadalo sa mga pulong ang inyong mga anak, talaga bang sila’y nakikinig? Masasabi ba nila sa inyo pagkatapos nito ang mga bagay na kanilang natutuhan sa bawa’t pulong? Nagbibigay ba kayo ng aktibong halimbawa sa inyong pagpapahayag sa mga pulong, bagay na kanilang makikita, maririnig, at matutularan? Tinutularan ba ng inyong mga anak ang inyong pananampalataya? Ang positibong kasagutan sa mga katanungang ito ay napakahalaga upang ang mga anak ay lumaki bilang mga tapat na lingkod ni Jehova.
IKINTAL ANG KAHALAGAHAN NG PAGDALO SA PULONG
2 Ang bata ay nangangailangan ng turo ng Bibliya upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Upang ang bata ay matutong magpahalaga sa mga espirituwal na bagay, ang pagdalo sa pulong ay kailangan. May mga panahon na ang mga magulang ay nag-aatubiling dalhin sa mga pulong ang mga anak sa pangambang ang mga anak ay makagambala sa iba. Iniiwan ng ilan ang kanilang mga anak sa bahay upang gawin ang kanilang mga pinag-aaralan sa eskuwelahan. Gayumpaman, ang matalinong magulang ay dinadala ang mga anak sa mga pagpupulong.—Deut. 31:12.
3 Ang unang bagay na dapat matutuhan ng bata mula sa pagkasanggol ay na siya’y nagtutungo sa Kingdom Hall upang makinig. Subali’t kung siya’y bibigyan ng mga bagay-bagay upang maging abala, gaya ng mga laruan o pagkain, o kung pahihintulutan siyang maglaro sa kaniyang upuan, matututo kaya siyang makinig at mapahalagahan kung bakit tayo dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall? Kapag naging magulo ang bata, itutuwid siya ng matalinong magulang at maibiging sasanayin siyang makinig, hindi sa pamamagitan ng panunuhol sa kaniya ng candy o mga laruan, kundi sa pamamagitan ng paglalapat ng disiplina ng Salita ng Diyos.—Kaw. 13:24; Efe. 6:4.
ANG INYONG HALIMBAWA BILANG MGA MAGULANG
4 Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1982, pahina 17, ay nagharap ng mga sumusunod na katanungan: “Batid ba ng inyong mga anak na dinidibdib ninyo ang pagdalo sa mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya? Nakikita ba nilang itinuturing ninyong mahalaga ang mga pulong na ito hindi lamang upang daluhan ninyo kundi upang makibahagi rin kayo roon, at magbigay ng mga komento kung hinihiling iyon sa inyo?” Kung nakikita ng inyong mga anak na kayo’y panay ang pakikipag-usap samantalang may pulong o kayo o ang iba pa ay nakikipaglaro sa kanila, anong impresyon ang maibibigay ninyo sa kanila? Papaano nila mamalasin ang panahon ng pulong? Yamang ang mga bata ay mabuting manggaya, ang inyong halimbawa ay may malaking epekto sa kanila.
5 Nasumpungan ng ilang magulang na nakatutulong na bigyan kahit na ang maliliit na anak ng kanilang sariling kopya ng mga publikasyong ginagamit sa mga pulong. Marahil sa panahon ng pampamilyang pag-aaral, tinutulungan nila ang kanilang mga anak na maghanda ng angkop na mga komento. Gayundin, maaaring mapasigla ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagrerepaso sa mga punto na tinalakay sa pulong at sa paglalaan ng panahon upang sagutin ang kanilang mga katanungan. Dapat na maging alisto rin ang mga magulang na papurihan ang kanilang mga anak sa kanilang pakikibahagi sa mga pulong.
6 Tunay na ang pagsasanay na ito ay nagsasangkot ng malaking pagsisikap ng mga magulang. Gayumpaman, ang pagsasagawa ng mga bagay-bagay sa paraan ng Diyos ay nagluluwal ng mabubuting bunga. Kagaya ng sinabi ng kasulatan: “Ang matuwid na tao ay lumalakad sa kaniyang pagtatapat. Maliligaya ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.”—Kaw. 20:7.