Ang mga Pulong ay Nakatutulong sa Ating mga Anak
1 Ang bansang Israel ay pinag-utusan na “pisanin . . . ang mga lalake at mga babae at mga bata . . ., upang kanilang marinig at upang sila’y matuto.” (Deut. 31:12) Oo, ang mga anak ay kasama sa mga pagtitipon ng Israel ukol sa pagsamba. Gayundin ngayon, ang ating mga pulong sa kongregasyon ay nakatutulong sa mga anak.—Awit 148:1, 12.
2 Sabihin pa, ang mga anak ay dapat na turuan na matamang makinig sa sinasabi sa mga pulong. Kailangan din silang tulungang makaunawa sa materyal na inihaharap. Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong sa ating mga anak na lubusang makinabang sa mga pulong.
MAGHANDA PARA SA MGA PULONG
3 Ang wastong pagsasanay sa tahanan ay makatutulong sa mga anak na mapahalagahan na ang pakikipagtipong kasama ng iba upang sumamba kay Jehova ay pagpapamalas ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.—Awit 133:1; Isa. 48:17; Mat. 19:14.
4 Ang personal na paghahanda ay magpapalaki sa kasiyahan ng isang bata sa mga pagtitipon. Makatutulong kung ang mga anak ay may sariling Bibliya, songbook at iba pang publikasyon. Dapat tulungan ng mga magulang ang mga kabataan na maghanda ng isang bahagi ng leksiyon para sa bawa’t pulong.—Heb. 10:23.
5 Ang ilang mga anak ay natutulungan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pantanging atas sa panahon ng mga pulong. Maaaring itala ng mga kabataan kung ilang ulit binanggit ang pangalan ng Diyos o ang Kaharian. Ang mga higit na nakatatanda ay maaaring atasan na itala ang mga kasulatang binasa o sinipi. Pagkatapos ay maaari rin silang bigyan ng pagkakataon na magkomento sa mga puntong natutuhan sa pulong.
6 Ang lahat ng mga anak na nakababasa ay dapat na tulungang magkaroon ng isang programa para sa pagbabasa ng mga publikasyon ng Samahan, gaya ng aklat na mga Kuwento sa Bibliya, Dakilang Guro, at Kabataan, at gayundin ng mga artikulo sa magasin.
PANANAMIT AT PAG-AAYOS
7 Napansin na ang paraan ng pagbibihis ng isang bata ay may kaugnayan sa kaniyang pag-uugali at paggawi sa mga pulong. Kapag dumadalaw sa tanggapang pansangay ng Samahan, angkop lamang para sa mga anak at mga matatanda na manamit na gaya ng sa pulong sa kongregasyon.—om p. 131.
8 Ang mainam na pag-uugali ng mga anak sa mga pulong ay nagdudulot din ng kapurihan at karangalan kay Jehova. Kung gayon, dapat na panatilihin ng mga magulang ang maingat na pagsubaybay sa kanila sa mga pulong. Ang mga magulang na nagmamalasakit ay magsasaayos na ang pamilya ay maupong magkakasama at titiyaking ang mga anak nila ay nananatiling maayos sa panahon ng mga pulong. Ukol sa karagdagang mga mungkahi, maaaring makipag-usap ang mga magulang sa iba na nagiging matagumpay sa kanilang mga anak.
9 Nais nating lubusang makibahagi ang ating mga anak sa pagsamba sa ating mga Kristiyanong pagtitipon at ‘manga-udyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa.’ (Heb. 10:24) Sa kaayusan ng Diyos na Jehova, ang mga pulong ay para sa mga anak din naman.