Magpasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya—Ngayon Na ang Panahon
1 Noong 1987 ang idinaos na bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya ay halos katumbas ng bilang ng mga mamamahayag sa buong daigdig. Kayo ba ay nakikibahagi sa paraang ito ng paggawa ng alagad? Ngayon na ang panahon upang ituon ang pansin sa pagpapasimula ng mga pag-aaral.—Ihambing ang 2 Corinto 6:2.
2 Ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 89-91, ay nagkikintal sa atin ng ating pribilehiyo na tulungan ang iba sa paraang espirituwal sa pamamagitan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang pahina 91 ay humihimok sa atin na: “Kung ito’y makakaya ninyo, gawing tunguhin na magdaos ng kahit isa man lamang palagiang pag-aaral sa Bibliya sa tahanan karagdagan pa sa alinmang pag-aaral na ginaganap ninyo kasama ng mga bata sa inyong pamilya.” Ito ay isang mainam na tunguhin na maaaring pagsikapan nating lahat sa pamamagitan ng pag-aalok ng isang pag-aaral sa Bibliya sa bawa’t pagkakataon.
SA TULONG NG AKLAT NA NANGANGATUWIRAN
3 Nasubukan na ba ninyong mag-alok ng isang pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw? Sa pahina 14 sa ilalim ng “Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya” (pahina 12 sa Ingles), ang aklat na Nangangatuwiran ay may mungkahing dalawang pambungad sa tuwirang paraan. Sa pamamagitan nito’y nalalaman ng maybahay na ang layunin ng ating pagdalaw ay upang mag-alok ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya. Anumang presentasyon ang ating gamitin, maaari nating itanghal kung papaano natin idinadaos ang pag-aaral sa Bibliya. Maraming maybahay ang mayroon na ng ilan sa ating literatura na maaaring gamitin. O maaaring gamitin ang isang tract para magpasimula ng pag-aaral. Maaari itong gawin kahit na tinanggihan ang alok na literatura, kung sumasang-ayon naman ang maybahay. Halimbawa, kapag nag-aalok ng aklat na Creation, maaaring sabihin ng indibiduwal na hindi siya interesado sa ebolusyon. Maaari kung gayon nating ipakita sa kaniya kung papaano tayo nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng paggamit sa kabanata 19 ng aklat na Creation, “An Earthly Paradise Soon to Come.”
4 Ang isa pang paraan sa pagpapasimula ng mga pag-aaral ay ang paggamit ng aklat na Nangangatuwiran sa mga pagdalaw-muli. Kapag gumagawa ng kaayusan sa pagdalaw-muli, magbangon ng katanungan, “Wawasakin ba ang planetang Lupa ng isang nukleyar na digmaan?” Pagkatapos sa halip na sabihin lamang sa maybahay na ibibigay ninyo ang kasagutan sa inyong pagbabalik, ipasulat sa kaniya ang tatlo o apat na kasulatan na kinuha sa mga pahina 227 at 228 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 112 at 113 sa Ingles). Anyayahan ang maybahay na basahin ang mga kasulatang ito bilang paghahanda sa susunod ninyong pagdalaw. Bumalik kaagad hangga’t maaari sa loob ng linggong iyon at hanapin ang mga kasulatan, at pag-usapang magkasama. Pagkatapos ay magbangon ng iba pang katanungan na sasagutin sa susunod na pagdalaw. Bigyang muli ng ilang kasulatan ang maybahay upang hanapin bago kayo magbalik.
5 Gaya ng inyong nakikita, ang paraang ito ay mabisa kahit na hindi tumanggap ang maybahay sa pasimula ng literatura subali’t nagpapakita ng pagkabahala sa mga kalagayan sa daigdig at sa hinaharap.
6 Nais ba ninyong magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Bagaman kayo ay nagdaraos na ng isa, mayroon pa bang dako sa inyong eskedyul para sa isa o kaya’y dalawa pang pag-aaral? Ipanalangin ang tungkol sa pagpapasimula ng mga pag-aaral habang ‘sinasamantala ninyo ang panahon.’—Efe. 5:15, 16.